Natagpuan ni Anton ang anak na si Hans sa silid nito na nanggagalaiti habang inaayos ang kaniyang nasirang laruan. Patuloy ang pagkayamot ng bata sapagkat sa tuwinang ididikit niya ang parteng nasira ay nalalaglag lamang ito. Bago pa maibato ng bata sa inis ang nasabing laruan ay pinuntahan na ito ni Anton at kinausap.
“May problema ka ba, anak?” malumanay na tanong ng ama. “Gusto mo ay tulungan kitang kumupunihin ang laruan mo?” alok ni Anton sa anak na hanggang ngayon ay nayayamot.
“Huwag na lang po. Wala na itong pag-asa,” nakakunot noong sagot ni Hans.
Kinabukasan, pagkagaling sa paaralan ay nakasimangot si Hans na sinalubong ng kanyang ama.
“Anak, may nangyari bang hindi maganda sa’yo?” pagtataka ni Anton. “Gusto mo bang pag-usapan natin?” alok muli ng ama.
“Wala ito, pa. Sadyang malas lamang ang araw na ito. Pasok na po ako sa bahay,” tugon ng bata sabay akyat sa kanyang silid.
Dahil sa lubusang pag-aalala sa nakikita sa ugali ng kanyang anak ay minarapat niyang pumunta sa paaralan upang kausapin ang guro ng kanyang anak. Nag-usap sila sa mismong silid-aralan ng bata.
“Mainitin po ang ulo ng inyong, anak, Ginoong Reyes. Hindi ko nga po alam kung ano po ang problema niya. Palagi po siyang may reklamo sa mga gawain dito sa paaralan,” paliwanag ng guro.
“Kahit na nais ng mga kaklase niyang makipagkaibigan sa kaniya ay pilit niyang nilalayo ang kanyang sarili. Ayaw niyang napakikialaman siya sa kanyang ginagawa,” dagdag pa nito.
“Ang isa pa hong nakikita ko sa kanya ay palaging nakakikita siya ng kamalian sa lahat ng bahay. Sa paraan ng pakikitungo ninyo sa akin ay tila maayos naman po ang pagpapalaki ninyo sa kanya kaya hindi ko po alam kung bakit ganiyan siya,” sambit ng guro ng bata.
“Sa tingin ko po ay kailangan ninyong kausapin ang inyong anak,” payo pa ng guro.
Dahil dito ay naisipan ni Anton na dalhin ang kaniyang anak sa probinsya upang magbakasyon. Inaya niya itong magcamping. Ito kasi ang hilig ng bata noon. Sa pagbabakasakaling mas makakausap niya ang anak ay ito ang kanilang ginawa.
Habang sila ay nasa bundok ay masinsinan niyang kinausap ang anak sa problema nito.
“Hindi ko alam, pa, pero napapansin ko po ay palaging masasamang bagay na lamang po ang nangyayari sa akin. Wala akong kaibigan sa paaralan. Wala akong kalaro. Iniiwasan nila ako. Ang mga bagay na naisin ko ay napakahirap para sa akin na makamtan,” pahayag ng bata.
Niyaya ni Anton ang kaniyang anak sa isang malapit na kuweba. Doon ay sumigaw siya. Rinig ang alingawngaw sa buong kuweba.
“Ano po ang ginagawa ninyo, pa?” pagtataka ng bata.
“Sige, sumigaw ka, anak. Subukan mo,” saad ni Anton.
Sumigaw naman ang bata.
“Hello!” sambit ng bata at narinig niya ang paulit-ulit na “hello” sa buong kuweba.
“Ganiyan nga anak. Subukan mong sabihin ang salitang malas,” sambit ng ama.
Ginawa naman ito ni Hans at narinig na naman sa buong kuweba ang paulit-ulit na salitang malas.
“Subukan mo naman ang salitang poot,” sambit muli ng ama. Pagsigaw ng bata ng salitang poot ay umalingawngaw na naman ito ng paulit-ulit.
“Ngayon naman ay isigaw mo ang salitang pag-ibig,” saad ni Anton.
Ginawa ito muli ng anak at muli ay umalingawngaw sa paligid ang salitang isinigaw ni Hans.
“May napansin ka ba, anak?” tanong ni Anton sa bata.
“Kung ano po ang isigaw ko ay paulit-ulit pong umaalingawngaw dito sa kuweba,” sagot ng bata.
“Ganiyan ang buhay, anak. Kung ano ang ibibigay mo sa buhay na ito ay ganoon din ang babalik sa’yo. Kung poot at kamalasan ang lagi mong sambit, aalingawngaw ito pabalik sa iyo. Ngunit kung pag-ibig naman ang ibibigay mo ay ito rin ang babalik sa iyo,” wika ng ama.
“Kung nais mong magbago ang nangyayari sa iyo ngayon ay marapat ding baguhin mo ang pakikitungo mo sa iyong kapwa. Ang sabi nga nila ay kung ano ang iyong itinanim iyon din ang iyong aanihin. Hindi ka malas, anak. Sadyang napuno lamang ng negatibo ang iyong pag-iisip kaya ito ang namumunga sa iyo ngayon. Subukan mong makita ang magaganda sa lahat ng bagay at magiging kaaya-aya ang iyong buhay,” sambit ni Anton sa kanyang anak.
Dito naliwanagan si Samuel. Simula noon ay naging pasensiyoso na ito at naging positibo sa lahat ng bagay. Nagkaroon na rin siya ng maraming kaibigan at naging isa sa pinakamagagaling sa kaniyang klase. Dahil ito sa aral na kaniyang nakuha sa alingawngaw sa kuweba.