“Grabe si Lola Ligaya, ano? Bagay na bagay sa kaniya yung pangalan niya. Kita mo, kahit halatang hirap na hirap na sa pagtutulak ng kariton, napakasigla pa rin ng kaniyang mga mata’t ngiti niya,” nakangiting sambit ni Jolina habang pinagmamasdan sa hindi kalayuan ang matandang namamasura. Napalapit na ito sa kanilang puso dahil noong mga unang araw nila sa Maynila, ito ang naging mapa nila sa kanilang mga pupuntahan.
“Oo nga, eh. Nakakatuwa siyang tingnan!” dagdag pa ni Laila saka kinuhanan ng litrato ang matanda. Ngunit pagtingin niya sa kaniyang selpon, nakita niyang mga grupo ng lalaking sumalubong sa matanda at tila kinukuha ang pera nito.
“Saglit, tingnan mo ‘yung mga lalaking ‘yon! Mukhang hinihingian pa ng pera si lola! Halika, puntahan natin!” yaya ni Laila sa kaniyang kaibigan. Agad naman itong napaatras dahil nga pawang mga kalalakihan ito.
“Hoy, maghunos dili ka, baka mamaya tayo ang mapahamak, pawang mga lalaking tambay ‘yan!” sambit ni Jolina habang hila-hila ang braso ng dalaga.
“Wala akong pakialam! Kawawa naman yung matanda, o! Aba, pilit pang kinukuha ang supot ng pera niya, o!” sigaw pa ng dalaga saka nagpumilit makapiklas sa pagkakahawak ng kaibigan at mabilis na tumakbo patungo sa matanda.
Sa probinsya ng Samar isinilang at nakapagtapos ng pag-aaral ang dalawang magkaibigan. Napilitan silang lumuwas ng Maynila dahil akala nila, dito sila susuwertehin. Ngunit pagdating nila dito, nagkaligaw-ligaw sila dahilan upang maubusan sila ng pera pampamasahe at pangkain. Sa katunayan nga, naholdap pa sila sa may Baclaran na labis nilang ikinagalit. Halos takot na silang magtiwala sa tao simula noon. Ngunit nang wala na talaga silang makain at hindi na nila alam ang pupuntahan, tanging ang matandang basurera ang siyang tumulong sa kanila.
Sa kakarampot nitong kita, nagawa sila nitong dalhin sa lugar na hinahanap nila. Binigyan pa nga sila nito ng pambili ng tinapay. Noong una’y ayaw tanggapin ng dalawa ang inaabot nitong pera, ngunit nang magsalita na ito, “Kunin niyo na’t mahirap magutom, ranas ko ‘yan at ayokong maranasan niyo pa,” dahilan upang kunin na nila ang pera at ibili ng kanilang makakain.
Labis ang pasasalamat ng dalawa sa matandang ito kaya noong una nilang sweldo, agad nila itong inabutan ng tulong. Ngunit sa kanilang pangawalang sweldo, nakita nilang may grupo ng lalaki na humarang sa matanda kaya ganoon na lamang ang inis ni Laila nang mapatunayang tila binuburaot nga siya ng mga kalalakihang ‘yon.
Ngunit pagdating nila sa lugar kung saan naharang ang matanda, tila huli na ang lahat, nakatungo na ito at wala nang laman ang supot na hawak niya.
Agad nila itong nilapitan dahil buong akala nila’y umiiyak ito ngunit pagtingin nito sa kanila, wala man lang bakas ng galit o kahit inis man lang sa mukha nito, buong puso pa rin itong ngumiti sa kanila at agad pa silang kinamusta.
Hindi malaman ng dalawa ang magiging reaksyon kaya naman, diretsahan nila itong tinanong, “Lola, kinuha po ba ng mga lalaking ‘yon ang pera niyo?” agad naman itong tumanga-tango at labis nilang ikinagulat ang sinabi na nito.
“Halos linggu-linggo nila akong kinukuhanan ng pera kapag napapadaan ako kung saan sila nakatambay. Wala eh, siguro ganon talaga. May mga bagay na kukunin sa’yo kapag hindi para sa’yo, mapapera man ‘yan o kahit ano pa man. Wala kang karapatang magalit kapag kinuha ‘yon sa’yo, ang nararapat mo lang gawin, maging masaya para sa kanila. ‘Yun na lang ang palagi kong iniisip, kaysa naman maging malungkot ako, hindi bagay ang pangalang Ligaya sa akin pag nagkataon,” sambit nito habang labis kung makabungisngis.
Doon natauhan ang dalawang dalaga. Magkahalong awa at pagmamalaki para sa ugali ng matanda ang kanilang naramdaman. Marami silang napagtanto ngunit mas pinili muna nilang tulungan ang matanda.
Binigyan nila ito ng pagkain saka sila sabay sabay kumain. Doon nila mas nakilala ang matanda. Labis silang humanga sa angkin nitong ugali na kahit anong hirap man ang dumating sa kaniya, tanging ngiti ang kaniyang pinapanlaban dito.
“Bagay nga sa’yo ang pangalang Ligaya, lola!” sabay na sabi ng dalawang dalaga.
Ginawa nilang inspirasyon ang matanda. Natutunan nilang ngitian ang mga bagay na talaga nga namang nakakapagpasama ng kanilang loob, mahirap man, ngunit ‘ika nila, kung kaya ni Lola Ligaya, kaya rin nila!
Naging matagumpay naman ang dalawa sa kanilang trabaho. Bukod sa nakakatulong na sila sa kanilang pamilya, ganon pa nila natulungan ang matanda sa mga simpleng pagsama nila dito sa pagkain.
Madalas, kapag labis nang mapait ang tadhana, wala ka na talagang magagawa kundi ngitian ang mga ito. Panigurado, kinabukasan, aalwan rin ang buhay mo.