Inday TrendingInday Trending
Ang Ulyanin Kong Ina

Ang Ulyanin Kong Ina

“O, mga hijo’t hija, kumain muna kayo’t kanina pa kayo d’yan nagtatrabaho,” sambit ni Aling Olive sa kaniyang anak at sa mga katrabaho nitong gumagawa ng report sa kanilang bahay. Inaayos kasi ang gusaling pinagtatrabahuhan nila, sakto namang malapit ang bahay nila doon kaya dito nila napiling magtrabaho.

“Mama, mamaya na po, nakita niyong aligaga kami sa paggawa dito tapos iistorbohin niyo kami para lang kumain. Lagay mo na muna d’yan mama, kakain kami kapag nagugutom na kami,” mataray na tugon ni Khyra sa ina habang titig na titig sa kaniyang laptop.

“Naku, hindi kayo makakagawa niyan kung gutom kayo,” giit ng ginang saka isa-isang binaba sa lamesa ang mga baso ng juice at isang plato ng cookies.

“Mama, mamaya na lang po, baka matapon pa ‘yan sa mga laptop namin,” sambit pa ng dalaga ngunit tuloy pa rin sa paglalagay sa lamesa ng mga inumin ang kaniyang ina ngunit bigla itong nawalan ng balanse at bahagyang naitapon ang kaunting juice sa laptop ng anak, “Mama naman, eh! Sabi na kasing mamaya na lang! Doon na nga kayo!” sigaw ng dalaga dahilan upang mapatitig sa kaniya ang kaniyang mga katrabaho. Dali-dali namang umalis ang kaniyang ina bunsod ng pagkataranta sa kaniyang pagsigaw.

Ang dalagang si Khyra na lamang ang naiwan sa kaniyang inang may edad na. Lahat kasi ng kaniyang mga kapatid, pamilyado na. Siya na lamang ang bukod tanging walang pamilya o kahit man lang nobyo dahilan upang sa kaniya ipagkatiwala ng mga ito ang kanilang ina.

Noong una’y labis ang kaniyang saya dahil ganoon niya maaalagaan ang kaniyang ina ngunit habang tumatagal at nagkakaedad ito, tila pakulit ito nang pakulit dahilan upang ganoon na siya mainis dito.

Sa katunayan nga, palagi itong nakabuntot sa kaniya kahit saan man siya magpunta. Minsan sa trabaho, magugulat na lamang siya dahil may naghahanap daw sa kaniya at hinahanap kung nasaan daw ang kanilang sinulid at karayom. Wala naman siyang magawa kundi iuwi ito at hanapin ang hinahanap nito.

Ito rin ang naging dahilan upang ialok ng dalaga ang kanilang bahay bilang pansamantalang opisina ng kaniyang mga katrabaho, bukod kasi sa mayroon silang koneksyon sa internet, malawak ang kanilang bahay. Bukod sa hindi na siya mahihirapan sa pagpasok, matitingnan niya pa ang kaniyang ina. Ngunit dahil nga andito ang kaniyang ina, palagi naman silang kinukulit nitong kumain ng mga gawa niyang cookies o kung minsan, mga kakanin.

Noong araw na ‘yon, tila labis na nagalit ang dalaga sa nagawa ng ina. Pagkatapos niyang punasan ang nabasang laptop niya, agad niyang pinuntahan ang ina at ikinulong sa kwarto nito.

“Dito ka muna, ha? Huwag na huwag kang lalabas! Nakakainis ka na talaga!” sigaw niya dito nakatungo lang ito habang nakaupo sa gilid ng kaniyang kama.

Dahil nga wala nang nangungulit sa kaniya, mabilis niyang natapos ang kaniyang trabaho dahilan upang matulungan niya ang iba niyang mga katrabaho. Bahagya niyang nakalimutan ang kaniyang ina dahil sa pagkaaligaga sa trabaho. Kundi pa nabanggit ng kaniyang katrabaho na labis ang bait ng kaniyang ina, hindi niya maaalalang painumin ito ng gamot.

“Saglit, anong oras na?” natatarantang tanong ni Khyra.

“Alas otso, bakit?” sagot ng isa niyang katrabaho dahilan upang humangos siya papunta sa kusina.

“Si mama, hindi ko napainom ng gamot! Hindi pa rin nakakain ‘yon ng tanghalian!” sigaw niya upang marinig ng kaniyang mga katrabaho, nataranta naman ang mga ito dahil alam nilang bawal itong malipasan ng gutom at hindi makainom ng gamot.

Nagmadaling kumuha ng kanin at ulam ang dalaga saka tumakbo sa kwarto ng ina. Ngunit tila huli na ang lahat. Nadatnan niya itong nakahiga sa tapat ng pintuan at tila kanina pa humihingi ng tulong.

“Tulungan niyo ako! Dalhin natin si mama sa ospital!” sigaw niya sa mga katrabaho.

Buti na lamang kaagad nilang naidala sa ospital ang ginang, kundi baka raw wala na itong buhay ngayon, sabi ng doktor nito. May kakaibang sakit kasi ang ginang, bukod sa nag-uulyanin na ito, may sakit pa ito sa bituka na kapag walang pagkaing naproseso, labis na sakit ng tiyan ang mararamdaman ng ginang.

Ganoon na lamang labis na nagpasalamat ang dalaga sa agarang aksyong nagawa nila. Halik-halik niya ang kamay ng ina habang umiiyak. Tila napaisip siya na lumabis ang kaniyang pinakitang pag-uugali sa ina na imbis na intindihin niya ito dahil sa sitwasyon nito, nagawa niya pa itong ikulong dahil lamang sa makulit ito.

Doon rin ay nangako ang dalaga na hindi na muling gagawin ‘yon sa ina. Nangako rin siyang aalagaan nang mabuti ang ina at hindi na muling papabayaan. Nanalangin siyang pagkalooban siya ng Diyos nang nag-uumapaw na pasensya at pagmamahal para sa kaniyang ina.

Ilang araw lang ang nakalipas, nakalabas na rin ng ospital ang ginang. Ginawa nga ni Khyra ang kaniyang pangakong aalagaan nang mabuti ang kaniyang ina. Mula sa paggising hanggang sa pagtulog nito, sinisigurado niyang naipaparamdaman niya dito kung gaano niya ito kamahal. Labis naman ang saya ng kaniyang ina nakitang-kita sa bawat ngiti’t halakhak nito.

Wala nang iba pang makakaunawa at mag-aasikaso sa ating mga magulang kapag sila’y tumanda na kundi tayong mga anak nila, kaya’t maging mapagpasensya tayo. Dahil kundi dahil sa kanila, panigurado, wala tayo ngayon sa mundo.

Advertisement