“O, anak, may problema ka ba? Bakit parang malamya ka ngayon? May problema ba sa trabaho mo?” tanong ni Aling Tere sa anak niyang kakauwi lamang sa trabaho. Tila kakaiba kasi ang awra nito. Madalas kasing umuuwi itong masigla ngunit ngayon, tahimik itong pumasok sa kanilang bahay, ni hindi man lang nagawang bumeso sa kaniyang ina.
“Wala po, mama,” matipid na sagot ni Gigi saka bahagyang binagsak ang kaniyang katawan sa kaniyang sofa at bumuntong hininga.
“Naku, hindi ka magaling magsinungaling. Sabihin mo na sa akin. Alam mo namang kahit kailan, hindi kita basta huhusgahan,” saad ng ginang sa kaniyang anak saka ito tinapik-tapik sa likuran dahilan upang doon na magsimulang maiyak ang dalaga.
“Ma-mama, nahihirapan na po ako, hindi ko na kaya,” hikbi nito saka umiyak sa dibdib ng ina wala namang magawa ang ginang kundi pakalmahin ang anak kahit hindi niya pa alam ang dahilan nito.
“Sige lang, iiyak mo lang kay mama,” sabi ni Aling Tere saka mahigpit na niyakap ang kaniyang anak.
Nag-iisang anak ni Aling Tere ang dalaga. Kilalang-kilala niya ito sa tuwing may kinakaharap na problema. Likas kasi ang pagkamasiyahin sa dalaga ngunit tila ngayong araw, bagsak ang katawan nito at matamlay ang mukha, sigurado siyang may problema ang dalaga.
Hinayaan niya munang ilabas lahat ng dalaga ang hinanakit nito sa pag-iyak. Alam niyang ito ang mabisang paraan upang mapaalwan ang pakiramdam nito at nang mahimasmasan, pinagtimpla niya ito ng paboritong kape saka niya tinanong kung ano nga bang nangyari rito.
Noong una’y nakatungo lamang ito at halatang ayaw niyang ipaalam sa ina ngunit hindi kalaunan nang magsimula nang mangaral ang ginang, umamin na rin siya.
“Ma-mama, may nangyari po sa amin ng boss ko, ngayon po hindi ko alam kung nagbunga ‘yon. Patawarin mo ako, mama, hirap na hirap na po akong harapin ng mag-isa itong lihim na problemang ito,” iyak ng dalaga, nabuntong hininga na lamang ang ginang sa pagkadismaya ngunit imbis na magalit, mas pinili niyang tulungan ang anak na nasa kalagitnaan nang mabigat na problema.
“Saglit, d’yan ka lang, hintayin mo ako,” sambit niya sa anak habang humihiwalay sa pagkakayakap nito.
Agad siyang dumiretso sa isang botika at bumili ng pregnancy test. Naisip niyang baka kahihiyang bumili ang kaniyang anak dahil baka mahusgahan ito kaya siya na lamang ang nagkusang bumili, tutal, matanda na naman siya.
Pagkauwi niya, nakatulala lamang ang kaniyang anak sa kanilang kisame habang nakahiga sa sofa. Agad niyang binigay dito ang binili niyang pregnancy test.
“Gigi, anak, gamitin mo ito, o. Para malaman na natin kung nagbunga ba talaga ‘yon. Kung positive ang resulta, hindi ako papayag na hindi ka niya papanagutan. Ilalaban kita, anak, kaya sige na, subukan mo na ‘yan,” sambit niya sa kaniyang anak, bumakas naman sa mukha nito ang pag-asa’t kaunting saya dahil mayroon na siyang makakatuwang sa laban na ito.
Ilang minuto lamang, lumabas na ng banyo ang dalaga. Ngiting-ngiti ito tumakbo sa kaniyang ina saka yumakap.
“Ma-mama, negative! Negative!” iyak nito sa tuwa, “Pero mama, ang dumi ko nang babae,” malungkot na tumungo ang dalaga, agad siyang hinila ng ina at pinaupo.
“Anak, alam mo, ang buhay ay parang isang lapis at pambura. Magkakamali ka man sa pagsulat, may pamburang pwedeng magbura nito at pwede mong ayusin lahat ng pagkakamali mo. Ganoon rin sa buhay, mali man ang naging desisyon mo, maitatama mo pa ito. Hindi dito natatapos ang buhay mo. May bukas pa at pwede mo pang baguhin lahat ng pagkakamali mo,” sambit niya sa anak dahilan upang humagulgol ito, “Maiging hindi ka muna nabuntis, gawin mong inspirasyon ‘tong pangyayaring ito upang mabago lahat ng pagkakamali mo. Kaya mo ‘yan, anak!” saka niya niyakap ang anak.
Ginawa nga ng dalaga ang payo ng kaniyang ina. Tinulungan niya ang sarili na unti-unting kalimutan ang masama niyang karanasan at mas nagbigay ng atensyon sa kaniyang trabaho’t ina.
Isang buwan lang ang nakalipas, bumalik na ang dating sigla ng dalaga. Labis ang kasiyahan ng ginang dahil sa wakas, ang kaniyang unica hija ay muli nang nakakatawa’t nakakangiti ng mula sa masayang puso.
Madalas kapag nahaharap sa maling desisyon, palaging pumapasok sa ating isip na ito na ang ating katapusan. Ngunit nawa’y lagi nating isaisip, hindi masamang magkamali, ang masama’y ulitin mo ang iyong pagkakamaling alam mo nang makakapagdala sa’yo sa rurok ng problema’t hinanakit. Mas maganda kung gagamitin mo ang pagkakamaling iyon upang maging mas mahusay at maging mas mabuting tao.