Mabahong Pasahero
Katirikan ng araw at mahaba ang pila sa terminal ng jeep pauwi sa kanilang baryo mula sa bayan. Pagkatapos ng ilang oras na paghihintay, sa wakas ay nakasakay rin si Noly. Galing siya noon sa kaniyang Tiya Jeng na katatapos lamang mag-celebrate ng kaniyang kaarawan noong nagdaang gabi kaya naman doon na rin nakitulog si Noly matapos makisali sa selebrasyon ng mga ito na talaga namang ikinatuwa ng kaniyang tiya.
“Bayad po, makikisuyo!”
Sunod-sunod ang naging pagpapasuyo ng mga pasahero ng kanilang bayad para sa pagsakay.
“O, isa na lang aalis na!” maya-maya ay dinig nilang pagtatawag pa ng barker sa huling pasahero upang makalarga na ng biyahe ang jeep.
Isang matanda ang sumakay, bitbit ang isang may kalakihang bag. Ngunit halos lahat ay napatakip sa ilong habang sumasakay ito dahil sa umaalingasaw na amoy ng kaniyang katawan.
“Ano ba ʼyan, ang baho!” hiyaw ng isang pasahero habang nakatakip sa kaniyang ilong.
“Oo nga! Parang ilang araw na hindi naligo!” segunda naman ng isa pa.
Hanggang sa mayroon pang isa na bumaba pa ng naturang jeep dahil sa hindi na nito nakayanan pa ang mabahong amoy.
“Tatang, mawalang galang na ho. Kayo ho ba ʼyong nangangamoy? Pasensiya na ho, pero baka pʼwedeng bumaba na kayo? Baka ho kasi mawalan ako ng hanapbuhay dahil sa inyo. Tingnan nʼyo, bumaba na ang isa sa mga pasahero ko,” maya-maya ay biglang sabi ng driver, tukoy sa matandang kasasakay lang.
“P-pasensiya na, anak. Baka pʼwedeng huwag mo akong pababain. Pang-ilang jeep na itong nasakyan ko. Nakikiusap ako. Kanina pa akong madaling araw dito sa terminal,” naluluha namang pakiusap ng matanda sa driver na noon ay napatampal na sa sariling noo.
“Aba, e, bakit ba naman ho kasi ganiyan ang amoy ninyo? Masiyado ho kayong mabaho, wala ba kayong pambiling sabon? Abaʼy kahit ako na ho ang magbigay sa inyo ng pambiling sabon, bastaʼt bumaba lang ho kayo rito,” pabiro ngunit may himig na ng galit na dagdag pa ng driver.
Napabuntong hininga na lamang ang matanda at akmang bababa na lang talaga sa naturang jeep nang pigilan ito ni Noly.
“Bakit ho kayo ganiyan? Diskriminasyon ho ang tawag dʼyan sa ginagawa ninyo! Hindi ba ninyo nakikitang paralisado na ang kalahating bahagi ng katawan ni tatay? Mahiya naman ho kayo! Kahit ako na ho ang magbayad ng pamasahe ni tatay pati na rin nitong isang slot ng bumabang pasahero!” bulyaw ni Noly sa driver at parinig na rin sa mga pasahero.
Wala nang nagawa ang driver kundi ang lumarga na at simulan ang biyahe.
Maya-maya ay muling nagsalita ang matanda. “Salamat anak,” sabi nito kay Nolly na tinanguan lamang niya at naaawang nginitian.
“Mga anak, ako sana ay pagpasensiyahan na ninyo dahil isang linggo na akong hindi pa naliligo. Taga-baryo ako. Nagtungo lang ako sa bayan para mamalimos. Paralisado na kasi ang katawan ko kayaʼt wala akong mapasukang trabaho. May sakit ang aking asawa at walang makain ang mga apo ko sa amin na iniwan na lang basta ng anak kong hindi ko na alam ngayon kung saan nagpunta. Itong mga dala ko rito sa bag ay mga pagkaing natangap ko mula sa panlilimos. Mga tinapay, noodles, bigas at de lata na pinilit kong hindi kainin para maiuwi ko sa kanila. Ang iba sa kinita ko ay ipinambili ko na rin ng damit nila. Ilang araw na rin akong pagala-gala sa daan, umulan man o umaraw. Patawarin ninyo ako kung naging sagabal ako sa biyahe ninyo ngayon,” ang maluha-luha pang paliwanag ng matanda na agad namang nakapagpalambot ng mga ekspresyon ng kaninaʼy mga galit na pasahero.
Si Nolly, kahit hindi naman talaga siya sadyang iyakin ay hindi napigilang tumulo ang luha dahil sa kuwento sa likod ng mabahong amoy ng matanda. Ganoon din ang reaksyon ng driver na ngayon ay panay na ang hingi ng tawad sa mabaho niyang pasahero.
“Patawarin po ninyo kami, tatay. Hindi ho namin sinasadya. Nagsisisi ho kami sa inasal namin kanina. Ito po ang kaunting tulong, tay, sana po tanggapin ninyo.” Nagpaabot ng tulong ang ilang mga pasaherong nagparinig sa matanda kanina habang silaʼy nagpupunas ng luha. Natuwa naman si Nolly dahil naramdaman niya ang sinseridad ng mga ito.
Marami pa ang nagpaabot ng tulong sa matanda at nagpasalamat naman ito sa kanila. Napangiti na lamang si Nolly at tinandaan kung saan bumaba ang matanda. Sigurado siyang babalikan niya ito sa susunod niyang suweldo.