Malapit na matapos ang bakasyon kaya naman nalulungkot ang mga estudyante dahil balik-eskwela na naman sila. Kinatatakutan din ng mga magulang ang araw ng pasukan dahil sa nag-aabang na mga nakakalulang gastusin sa pag-aaral ng kanilang mga anak. Pero para kay Joshua, ang araw ng pasukan ay ang pinakamasayang araw para sa kanya dahil makikita na naman niya ang silid-aklatan na paborito niyang puntahan sa eskwelahan.
Ilang araw bago ang pasukan ay pumunta si Joshua sa bilihan ng mga libro. Habang tinitingnan ang mga librong nakahilera sa estante ay ‘di sinasadyang magkatitigan sila ng isang magandang dalaga. Maamo itong ngumiti at agad na naglakad sa pwesto ng binata.
“Yes sir, may hinahanap po kayong libro?” magiliw na tanong ng dalaga na naka-postura sa puting uniporme at nasasabitan ng asul na ID lace.
Nakatingin lang si Joshua sa mukha ng magandang dalaga. Hindi alam ang isasagot. Bumagal ang mundo. Dahan-dahan siyang yumuko at tumingin sa sahig at sumagot.
“Wala. Nagtitingin-tingin lang,” mahina niyang sagot.
Agad siyang lumipat sa ibang estante at kunwaring tumitingin ng mga nakahilerang libro. Ramdam niya na namula ang kanyang mukha dahil sa biglang init na naramdaman niya. Unti-unti niyang tinaas ang kanyang mata at hinanap ang magandang dalaga. Nakita niya itong may inaasistehang kustomer at wala sa hinagap niya na sa pangalawang pagkakataon ay mahuhuli siyang nitong nakatingin.
“H-hala nahuli yata ako!” kinakabahan niyang bulong sa sarili.
Agad siyang yumuko at naglakad ng mabilis palabas sa bilihan ng libro nang biglang tumunog ang security alarm. Hinarang siya ng gwardiya na may pagmamadali at pinagtinginan siya ng lahat ng tao. Kinapkapan siya at nakita ang baggage number sa kanyang bulsa. Nakalimutan niyang kunin ang backpack na kanyang iniwan sa baggage area sa pagmamadali na matakasan ang pagkahuli sa kanya ng tinataguang dalaga. Pagkakuha ng bag ay kumaripas agad siya ng takbo palayo at patago sa kahihiyang kanyang inabot.
“Kainis! Nakakahiya naman ang nangyari. Siguradong pinag-iisipan na ako ng masama nung magandang babae,” sabi niya sa isip.
Ilang araw ang lumipas ngunit hindi pa rin niya makalimutan ang dalaga sa bilihan ng libro. Bumibilis ang tibok ng puso niya tuwing maaalala ang magandang dalaga. Babaeng may maamong mukha at mala-anghel na ngiti na para sa kanya ay diwata na nagniningning. Aminin man niya o sa hindi ay tinamaan siya sa magandang dalagang iyon. Nakakapanglambot ng tuhod. Nakakawala sa sarili. Biglang pumasok sa kanyang isipan ang pangalang nakita niya sa ID lace ng dalaga.
“Jessica, Jessica Antonio ang pangalan niya.”
Nang sumapit ang araw ng pasukan ay naging mas abala si Joshua. Dahil may mga librong kailangan niyang bilhin para sa kanyang mga asignatura ay napilitan siyang bumalik sa bilihan ng libro kung saan niya nakita ang magandang dalaga na nangngangalang Jessica. Bitbit man ang hiya sa nakalipas, naglakas-loob siyang bumalik roon.
“Baka hindi na niya ako matandaan kapag nakita niya ako,” sabi niya sa sarili.
Pinasok niya ang lugar at naglakad-lakad. Nagmasid. Unti-unti niyang nararamdaman uli ang kabog sa dibdib. Hindi niya alam ang magiging reaksyon niya sakaling makita ang dalagang may hawak ng puso niya. Dahan-dahan siyang naglakad nang marating niya ang hilera ng mga libro. Huminga ng malalim at nilusong ang hilerang minsang naging lugar kung saan tinabas at naiwan ang kanyang puso. Isa-isa at maingat niyang tiningnan ang mga saleslady na naroon. Nakakita siya ng mga nag-aasisteng mga babae ngunit wala sa kanila si Jessica Antonio. Pumunta siya sa customer service at lakas-loob na nagtanong.
“Mawalang-galang na po, narito po ba si Ms. Jessica Antonio, ang isa sa inyong mga saleslady?” tanong niya sa may edad na babae.
“Si Jessica? Naku, nag-resign na siya noong isang linggo lang. Hindi nagsabi kung ano ang dahilan, e basta nagpaalam na aalis na raw siya. Wala rin kaming balita kung nasaan siya ngayon,” sabi ng kausap.
Sa pagkakataong iyon ay biglang may kumurot sa kanyang puso. Pinaglaruan ng kapalaran ang kanyang damdamin. Pinatikim ng paghanga at pag-ibig ang kanyang puso ngunit pinalamon ng kawalang pag-asa at sakit. Labis siyang nanghihinayang dahil kung maibabalik lang sana niya ang oras ay hindi na niya sasayangin ang pagkakataon na makilala si Jessica Antonio.
Kinaumagahan, sa pagpasok niya sa klase ay bumungad sa kanya ang bago nilang kaklase. Napansin niya na nakapwesto ito sa tabi ng kanyang upuan. Dahan-dahan niyang nilapitan ang nakatalikod na dalaga at nang makita niya ang hitsura ng bago nilang kaklse ay laking gulat niya.
“Hi, ako nga pala si Jessica bago niyong kaklse sa Pisika. Dito na ako umupo sa tabi mo kasi wala na akong mauupuan e. P-pero teka pamilyar ka sa akin… tama ikaw iyong lalaki sa bilihan ng libro kung saan ako dati nagtatrabaho. Oo, ikaw nga!” bati nito sa kanya.
“A, eh… Oo ako nga iyon. Ako nga pala si Joshua. Nag-aaral ka pa rin pala?” tanong ni Joshua sa dalaga.
“Oo. Nagtrabaho ako doon para maka-ipon sa pag-aaral. Ngayong naka-ipon na ako ay ipagpapatuloy ko na ang naudlot kong pag-aaral sa kursong Edukasyon,” sagot ni Jessica.
Sa oras na iyon ay nagtatatalon ang puso ni Joshua sa tuwa dahil hindi niya inakala na sa esklwelahan pa pala sila pagtatagpuin ng babaeng minsan niyang hinangaan at nagpatibok sa kanyang puso.
‘Di nagtagal ay naging malapit na magkaibigan ang dalawa at nang makilala ang isa’t isa ay humantong ang kanilang pagkakaibigan sa pagkaka-ibigan. Mabilis na dumaan ang mga taon at sabay silang nakapagtapos sa pag-aaral at naging matagumpay na mga guro. Nagpakasal sina Joshua at Jessica at biniyayaan ng dalawang malulusog na supling.
Kapag nakalaan talaga sa isang tao ang pag-ibig na para kanya, gagawa at gagawa ang tadhana ng paraan para sila pa rin ang magkasama sa bandang huli.