Si Zeina ay isang estudyante ng kolehiyo na may kursong nursing. Madalas siyang dumaan sa simbahan matapos ang kaniyang klase. Madalas din siyang bumili ng sampaguita sa mga nagbebenta roon, tulong niya na lang din sakanila.
Nalungkot si Zeina nang maisip nito na hindi sapat ang kaniyang pera para makabili ng sampaguita, kukulangin na para sa kaniyang pamasahe.
“Hija, bili ka na ng sampaguita, i-alay mo sa altar,” sabi ng isang ginang na halos kulubot na ang buong mukha maging ang nga braso nito.
“Pasensiya na ho kayo, ‘nay. Wala po akong dalang pera ngayon, sakto lang po sa pamasahe ko ngayon,” sagot naman ni Zeina.
“Sige na, hija, para makauwi na ako sa’amin,” pangungulit ng matanda.
“Pasensiya na po talaga, hindi ako makakabili sainyo ngayon, hindi kasi sapat ang nadala kong pera. Hindi bale ho, bukas ay daraan ulit ako rito, bibili po ako ulit,” pampalubag loob nito sa matanda.
Ngumiti naman ang matanda sa narinig kaya hindi na ito nangulit pa. Nagpaalam na si Zeina dahil aabutin na siya ng gabi sa biyahe.
Pag-uwi ni Zeina, hindi mawala sa isip nito ang matanda na nagbebenta ng sampaguita. Inaalala nito ang kalagayan niya, bukod sa pagiging kuba ng matanda, hindi na rin ito makalakad ng maayos.
Nakaramdam si Zeina ng awa para sa matanda. Itananong sa niya sa sarili kung nasaan nga ba ng pamilya ng nagbebenta ng sampaguita.
Sa araw-araw na pagpunta ni Zeina sa simbahan, doon niya rin ito madalas makita at napapansin nito na ang suot ng matanda ay gutay-gutay na at nangingitim na sa rumi.
Kaya naman naisipan ni Zeina na ihiwalay ang mga damit na hindi niya nasusuot at ipamigay na lamang ito.
Sumunod na araw, kahit may pasok sa eskwela ay bitbit ni Zeina ang mga inihiwalay niyang mga damit. Nakalagay ito sa isang malaking plastic bag na kulay pula at puti. Bago siya bumisita sa simbahan ay namili rin siya ng pagkain at inumin. Hindi na rin siya nagdalawang isip na dagdagan ang mga pinamili na pagkain at inumin. Naisip kasi nito na hindi sapat ang kinikita ng matanda sa pagbebenta ng sampaguita para may pangkain ito.
Matapos niyang mamili ay agad itong nagtungo sa simbahan. Agad naman nito nakasalubong ang matanda.
“Nay,” tawag niya rito.
“Hija, bibili ka na ba ng sampaguita? Hindi ba sinabi mo kahapon na bibili ka? Ito na, o,” bungad nito.
“Opo, bibili po ako. Pero sandali lang po, ito po para sainyo,” sagot nito saka iniabot ang plastic bag.
“Ano ito?” tanong ng matanda.
“Damit po iyan. Hindi ko na po kasi nasusuot. Sa inyo nalang po, ‘nay,” sagot nito
“Ay! Salamat naman sa iyo, hija! Makakapagbihis na ako, ilang buwan ko na rin suot itong damit ko,” nahihiyang sabi ng matanda ngunit bakas ang tuwa sa kaniyang mga mata.
“Wala po iyon. Ito pa ho, kuhanin po ninyo itong binili kong pagkain at inumin para sa inyo,” saka iniabot ang pinamili.
Hindi na alam ng matanda kung paano niya hahawakan ang mga inaabot sa kaniya, kaya tinulungan siya ni Zeina. Kinuha nito ang mga panindang sampaguita at plastic bag na may mga damit saka sila nagpunta sa isang silong kung saan natutulog at naninirahan malapit sa simbahan ang matanda.
“Salamat, hija. Ano nga ba ang iyong pangalan?” tanong nito sa dalaga.
“Zeina po, Nay. Kayo po, ano pong pangalan ninyo? ” muli rin magtanong ang dalaga.
“Felisha, iyan ang pangalan ko,” sagot naman nito.
“Nay Felisha, maari po ba akong magtanong?” nahihiyang sabi ni Zeina
“Oo naman,” pag payag nito.
“Bakit ho kayo napunta rito? Wala ho ba kayong pamilya?”
“Inabandona ako ng nag-iisang anak ko, nagrebelde siya nang malaman niyang nawalan ako ng trabaho at hindi na maibigay ang kaniyang gusto na mga gamit at kung ano-ano pa,” malungkot na sabi nito.
“Hindi ko alam kung saan na siya nagpunta. Hinanap ko siya, hanggang ngayon, hinahanap ko pa rin siya. Nasunog ang tinitirhan namin noon, wala akong naisalba na kahit na ano. Kahit na isang piraso na damit ay wala. Wala akong nabitbit,” kuwento ni Nanay Felisha.
“Napadpad ako rito sa Maynila upang hanapin ang anak ko ngunit wala akong napala hanggang sa ganito na ang kalagayan ko, huling balita ko sa anak ko bago masunog ang bahay namin ay ikinasal na siya,” dagdag pa nito.
Sumunod naman na nagkuwento ang dalaga,
“Ang nanay ko naman po, hinahanap niya rin ang kaniyang ina. May nagawa raw kasi siyang kasalanan at gusto niyang humingi ng tawad sa lola ko. Pero, hindi niya na ho ito naabutan doon sa dating tinitirhan niya dahil naging bakanteng lupa na lamang daw po iyon,” kwento ni Zeina
Hindi kumibo ang matanda. Kinabahan ito kaya hindi naiwasang magtanong ni Felisha kay Zeina.
“Maari ko bang malaman pangalan ng nanay mo?” tanong ni Felisha.
“Ysabelle, Ysabelle Realonda Valdez po,” sagot ni Zeina
“Felisha Realonda, iyan ang tunay kong pangalan,” mahinang sabi ni Felisha.
Nagkatinginan ang dalawa. Ang mata ni Zeina ay naghugis bilog sa nalaman. Upang makumpirma ang nasa isip na baka si Felisha ang lola niya, inilabas nito ang larawan ng kaniya ina mula sa pitaka.
“Siya po ba ang anak ninyo?” nanginginig na tanong ni Zeina.
Matagal na pinagmasdan ni Felisha ang litrato na hawak ni Zeina saka niya ito dahan-dahang kinuha kabay no’n ay pagtulo ng kaniyang luha.
“Siya nga, si Ysa. Ang anak ko.”
Nakumpirma ni Zeina na si Felisha nga ang hinahanap ng ina, ang kaniyang Lola Felisha.
Sinama ni Zeina pauwi si Felisha at labis ang tuwa ni Ysa at Felisha nang sila’y magkita at magkasama muli matapos magkapatawaran.
Ginawa ni Ysa ang lahat upang makabawi sa lahat ng pagkukulang niya sa kaniyang ina at sa ginawa niyang pang-aabandona rito noon. Hindi man inaasahan, ngunit doon pa nagsimula ang matamis na pagsasama ng mag-ina kasama ang pamilya ni Ysa.