Bagyo Man ay Lilipas Din
Pinapanood niya ang mabagal na paggalaw ng usok na nangagaling sa kaniyang bibig. Hindi niya gusto ang sigarilyo dati. Ito ang dahilan kung bakit nagkasakit ang ama at nawalay sa kanila limang buwan pa lamang ang nakalilipas. Ngunit tila ba ito lang ang takbuhan niya nang mga panahong iyon.
“Ano pare? Bakit ka ba nandiyan sa sulok? Halika, shot pa tayo!” sabi ng kaklase niyang si Benjie. Kanina pa sila naninigarilyo at nag-iinuman sa bahay nito noon kahit oras ng klase. Nagpasya siyang sumama na lamang sa mga ito dahil wala na rin naman siyang ganang mag-aral. Wala nang saysay dahil wala na ang kaniyang amang tanging naniniwala sa kaniya.
Tinapon niya ang upos ng sigarilyo sa sahig at saka tinapakan.
“Uwi na ko p’re, bawal mahalata na lasing eh. Bahala na kayo diyan ah,” sabi niya sabay tapik sa mga ito. Inulan siya ng kantyaw ngunit ‘di na niya pinansin ang mga ito at tuloy-tuloy nang umuwi sa kanilang bahay.
Marami muna siyang inikutang kalye upang magpababa ng pagkalasing at saka dumiretso sa kanila. Kapansin-pansin na walang liwanag mula roon dahil naputulan na sila ng kuryente. Hindi na kasi sapat ang kita ng ina sa pagtustos sa kanilang dalawa ng kaniyang nakababatang kapatid. Kulang pa nga ito pambayad sa sangkaterbang utang nila dahil sa pagpapagamot ng tatay bago pa ito pumanaw.
Isang kanto pa ang layo niya nang makita ang isang puting kotse na tumigil sa tapat ng kanilang bakuran. Mula doon ay lumabas ang isang babae nakabihis ng magara, halatang-halata ang karangyaan sa hitsura nito.
Nakilala naman kaagad ito ni Philip. Ang ate niyang walang kwenta. Simula noong nakapag-asawa ito ng mayaman ay halos ‘di na sila nito naalala. Nung mga panahong nakikipaglaban ang ama sa ospital, wala man lamang itong pinaabot na tulong. Halos magmakaawa ang ina niya dito ngunit katuwiran lamang nito ay hindi daw maluwang ang asawa nito sa pera kaya’t wala rin itong maibibigay.
“Kalokohan. Ang sabihin mo kinalimutan mo na talaga kami,” sa isip-isip niya. Ano naman kaya ang ginagawa nito sa pobre nilang tahanan?
Hindi na siya nag-abalang i-anunsiyo pa ang kaniyang pagdating dahil sigurado siyang hindi naman ito maririnig sa lakas ng sigawan ng kaniyang ina at ate.
“Nay alam mo naman na hindi papayag si Dexter na magpautang ng ganoon kalaking halaga diba? Ano bang hindi niyo naiintindihan doon?!” malakas na sigaw ng ate niya.
“Janice! Ang hinihingi ko lang sa’yo ay kapirasong tulong! ‘Di ka ba naaawa sa mga kapatid mo? At para namang hindi ko babayaran ha,” sabi ng ina na puno ng hinanakit ang tinig.
“Bahala nga kayo! Ang kulit! Basta huwag na ho ulit kayong magtangkang tumawag sa bahay ah, ako na naman ang malilintikan eh,” sabi nito sa nayayamot na tinig.
Dahil sa narinig na pag-uusapa ng mga ito ay uminit ang ulo ng binata. Puno na ng sama ng loob para sa kaniyang ate.
“Pasensya na ate at naistorbo namin ang masaganang buhay mo,” sabi niya sa sarkastikong tinig. “Pakisabi sa madamot mong asawa na isaksak niya ang pera niya sa mukha niya, at huwag ka na lang bumalik dito kung sama lang naman ng loob ang dala mo,” hindi napigilan ni Philip na diinan ang kaniyang salita.
Isang matunog na sampal ang inabot niya sa ate.
“Ang kapal naman ng mukha mong magsalita, Philip! Bakit? Kaya mo na buto mo? Baka akala mo hindi ko alam na wala ka na ngang silbi, dagdag gastos ka pa diyan sa pag-aaral mo!” sabi ng ate na galit na galit dahil nasaling ang pride nito.
“Janice! Wala kang karapatang saktan ang kapatid mo! Huling bilin ng tatay mo na tapusin niya ang pag-aaral niya at isa pa, hindi ka kailanman nakapag-abot ni pisong baon diyan!” alo naman sa kniya ng ina.
“Bahala na nga kayo! Wala na ‘kong pakialam!” sabi ng ate at saka tumalikod sa kanila.
“Kailan ka ba nagkaroon ng pakialam?” malamig na sabi ni Philip na ikinatigil ni Janice.
“Kahit kailan wala kang naging pakialam. Kahit noong kailangan namin ng tulong mo para sa pagpapagamot ni tatay, wala ka. Noong halos lumuhod sa’yo si nanay para lang may maipakain sa amin ni Tintin, wala kang maibigay. Lagi ka namang ganyan, inuuna ang sarili. Kahit kailan ay hindi ka naging parte ng pamilyang ito,” sabi niya sa ateng noon ay nakatulala lang sa kaniya, mamasa-masa ang mata.
Kinuha niya muli ang bag at tumakbo palabas ng bahay. Hindi niya alam kung saan siya pupunta. Punong-puno ng sakit at galit ang kaniyang dibdib, kaya naisipan niyang bumalik na lang sa inuman kila Benjie.
Pagdating doon ay nilango niya ang sarili sa usok ng yosi at alak. Hindi na niya napansin ang nangyayari sa paligid dahil lugmok na lugmok ang kaniyang pakiramdam. Wala nang patutunguhan ang buhay niya, maari ngang pabigat lang siya lalo, dapat siguro mawala na lang siya.
Habang naglalaro ang madidilim na bagay sa kaniyang isip ay bigla na lang may sumipa sa pinto at ilang kalalakihan ang pumasok.
“Mga pulis kami, walang kikilos ng masama!” sigaw ng isa dito at sapilitan siyang pinadapa sa sahig. ‘Di niya naiintindihan ang nagyayari kaya kahit mahilo-hilo ay dumapa siya. Nakita niya ang mga kaibigan na nakadapa na rin at may natagpuang hinihinalang pinagbabawal na gamot ang mga pulis.
Doon tila luminaw ang kaniyang isip at nagsimulang kabahan. Pilit siyang nagpaliwanag sa mga pulis na hindi siya kasama sa mga iyon. Na nadawit lamang siya ngunit walang nakikinig sa kaniya hanggang sa makarating sila sa presinto.
Dahil dala niya ang kaniyang school I.D. ay agad na natawagan ang kaniyang magulang. Ang pagkalasing niya ay napalitan ng matinding pagsisisi. Dagdag alalahanin na naman, wala na talaga siyang nagawang tama. Baka nga tama ang ate niya, pabigat siya.
Humahangos na dumating ang ina na kasunod ang kaniyang ate. Agad siya nitong niyakap at umiiyak na nagsabing, “Philip, anak ko… anong nangyari?”
Kinuwento niya sa ina na pumunta lang siya doon dahil sa sama ng loob, at nangako siyang hindi siya kailanman gumamit ng ipinagbabawal na gamot. Niyakap siya ng ina at sinabing ang mahalaga ay ligtas siya at nagtitiwala ito sa kaniya. Humagulgol ang binata sa balikat ng ina ng may kamay na humawak sa kaniyang braso.
Nakita niya ang ate na puno ng luha ang mata. Nagulat siya nang imbes na pang-iinsulto at sermon ay isang mahigpit na yakap ang ibinigay nito sa kanila ng ina. Umiyak ito nang umiyak at paulit-ulit na humingi ng tawad.
“Patawad, Philip. Patawarin niyo ako sa pagiging makasarili ko. Napakasama kong ate sa’yo. Kung sana lang ay hindi ako lubos na nagpa-kontrol sa asawa ko, sana ay mas naging parte pa ako ng pamilya natin. Ang dami kong pagkukulang, sana ay pagbigyan niyo akong makabawi…” iyak pa nito.
Nang mga sandaling iyon ay tila ba ang isang malaking bato na matagal ng nakadagan sa dibdib ni Philip ay tuluyang nawala. Marahil ay batid niya na kahit ano pa man ang mangyari, may isa siyang pamilya, na imperpekto man, ay handang sumporta at maniwala sa kaniya. Sa murang edad ay napagtanto niya na gaano man kalaki ang bagyong dumatin, ito ay lilipas din.