Inday TrendingInday Trending
Kababalaghan ni Engkay

Kababalaghan ni Engkay

“Malalim na ang gabi at wala na ni isang tao sa paligid. Roronda sana siya sa abandonadong klasrum nang makita niya ang laylayan ng mahabang puting damit ng isang babae!” mahinang kwento ni Engkay sa mga kaklaseng takot na takot ng mga oras na iyon.

Biglang nagsigawan ang mga ito ng biglaang bumukas ang pintuan ng klasrum nila.

“Ayoko na! Pati ako ay kinikilabutan na rin talaga!” muling wika ni Engkay.

Takot na takot naman ang lahat ng nakikinig sa kaniya. Hilig niya talaga ang magkuwento ng nakakatakot na bagay na konektado sa abandonadong klasrum sa kanilang paaralan na hindi natapos ang pagpapagawa. Tatlong taon na rin nang matengga ang proyektong iyon. Mula rin na lumabas ang samu’t saring kwento na kababalaghan tungkol dito, wala nang naglakas pa ng loob maski na lumapit lamang doon. Nagpasya nang magsiuwi ang magkakaklase dahil nagsisimula na ring dumilim.

Kinabukasan, sinadya ni Klarissa na maagang pumasok upang makagawa pa siya ng proyekto. Tuwang-tuwa pa siya dahil ang akala niya ay siya lang mag-isa sa klasrum. Ngunit pagbukas ng pinto ay nakita na niya si Engkay na nakaupo sa upuan nito at nakayukyok. Lumapit siya sa kaklase na mukhang natutulog.

“Engkay. Engkay,” paggising niya sa kaklase.

Nagulat si Klarissa nang bigla itong sumigaw.

“Ano ka ba?! Bakit ka ba sumisigaw diyan?” sabi ng dalaga dahil sa pagkabigla.

“Akala ko ikaw na itong babae sa abandunadong klasrum! Hay!” sabi ni Engkay.

“Hay, Engkay. Hindi ako naniniwala diyan sa mga ganyan ‘no! Atsaka ano naman kung totoo? Eh hindi naman tayo masasaktan ng mga ganiyan. Kaya kung ako sayo tigil-tigilan mo na rin yang kuwentong kababalaghan mo ha,” sagot ni Klarissa sa kaklase.

“Ay. Basta. Ako naniniwala akong kaya tayong saktan ng mga ‘yan. Mga ligaw na kaluluwa kasi ‘yan na naghihiganti at ngayon ay nanggugulo sa atin,” muling pananakot ni Engkay sa kaklase na hindi naman nakatuon ang pansin sa kaniya.

Muling tumingin si Klarissa sa kaniya. Kunot ang noo nito at salubong ang mga kilay. Parang nagtataka ang babae dahil parehas na parehas ang uniform na suot ni Engkay kahapon. Napansin niya kasing may pulang matsa rin iyon sa may manggas.

“Teka… Bakit…” wika ni Klarissa ngunit naputol ang sasabihin niya dahil pumasok na ang iba pa nilang mga kaklase at kinausap siya tungkol sa kanilang proyekto. Matapos ang isang buong klase, muling umentrada si Engkay sa pagkukuwento.

“Isang hating gabi, nag-usap ang mag-nobyo na magkita doon sa abandunadong klasrum. Hindi kasi sila naniniwala sa mga istorya na kumakalat tungkol sa klasrum na ‘yon,” pagsisimula ni Engkay matapos lumapit sa iba pang mga kaklase.

Nang magtipon-tipon na ang lahat ay nagpatuloy siya.

“Pagdating nila doon, naglabas sila ng flashlight na nagsisilbing ilaw nila dahil madilim talaga sa parteng ‘yon ng paaralan. Naglakad pa sila ng dahan-dahan patungo sa klasrum hanggang sa maramdaman nila ang ihip ng malamig na hangin!” pagpapatuloy ni Engkay.

Kitang-kita ang naglalakihang mga mata niya pati na ng mga kaklaseng halatang takot na takot na. Nagpatuloy pa si Engkay.

“At pagkatapos ng isang malakas na ihip ng hangin, nagsitayuan ang mga balahibo nila sa buong katawan! Akma na sana silang tatakbo ngunit paglingon nila, biglang nam*tay ang flashlight na hawak-hawak nila. Pagkalingon, nakita nila ang mahabang buhok ng babae na tumambad sa kanilang harapan!” muling dagdag ni Engkay.

“Aaaaaah!” sigawan ng buong klase ang narinig matapos nito.

“Ayoko na. Ayoko na Engkay! Grabe baka hindi na ako makatulog pa!” tugon ng isang kaklase na sumuko na sa pakikinig ng kaniyang kuwento.

Ganoon din naman ang marami. Natapos ang kaniyang kuwento at bumalik siya sa kaniyang upuan. Pangisi-ngisi lamang si Engkay nang mapansin si Klarissa na hindi nakikinig sa kaniya. Mukhang malalim ang iniisip nito.

Pagkauwian, wala na ang lahat ng mga kaklase. Paalis na sana si Engkay nang mapansin ang kaklaseng si Klarissa na hindi pa umaalis. Muli siyang naglakas ng loob para kumustahin ito. Bubuka pa lamang ang kaniyang mga bibig nang magulat siya sa sinabi ni Klarissa.

“Puntahan natin yung klasrum,” wika nito kay Engkay.

Wala siyang tugon dito. Akala ba niya ay takot ito? Bakit siya nito niyayayang puntahan ang lugar na iyon? Nag-isip siya ng paraan para tumanggi.

“Punta tayo klasrum para mapakita sa lahat na hindi naman talaga totoo lahat ng mga kuwentong kumakalat,” muling sambit ni Klarissa.

“Ha? Eh.. hindi ako pwede eh. May susundo din kasi sa akin ngayon, nandiyan na nga sa labas eh,” sagot ni Engkay sa kaklase.

“’Di ba sinusundo ka rin ng Dad mo? Tara na uwi na tayo!” pag-iimbita ni Engkay.

Sumilip si Klarissa sa orasan sa kaniyang cellphone. At saka nakita ang mensahe ng ama na limang minuto pa raw bago makarating sa paaralan.

“Kung ayaw ni Engkay, ako na lang. Ipapakita ko sa lahat na hindi ‘yon totoo,” wika nito sa sarili.

“Hay. Sige pala sa susunod na lang. Nandiyan na pala si Dad,” wika na lang ni Klarissa sa kaklase.

Lumabas si Klarissa sa klasrum ngunit hindi ito dumiretso palabas ng paaralan. Desidido na siyang puntahan ang kinatatakutang klasrum para malaman na niya ang katotohanan. Lumiko siya patungo sa kinaroroonan ng naturang lugar ngunit nagtaka siya nang makita si Engkay na patungo rin doon.

“Akala ko ba ay may susundo sa kaniya?” takang-taka man ay sinundan niya si Engkay hanggang sa makarating nga sila sa abandonadong klasrum. Tumigil ito sa tapat noon at saka luminga-linga sa paligid. Mabuti ay mabilis siyang nakapagtago. Ilang sandali pa ay pumasok na si Engkay sa loob kaya agad niya itong sinundan.

Pagpasok niya ay nagulat siya sa natuklasan. Ito pala ang totoong kababalaghang bumabalot sa lugar na iyon. May isang lamesa sa gitna katabi ng isang pang-isahang higaan. May mga plastik na bote ng tubig, mga de-latang pagkain, at may mga naka-hanger din na damit. May portable pa nga na lutuan sa may gilid. Sa wakas ay naramdaman ni Engkay ang presensya niya at gulat itong napalingon sa kaniya.

Halata mang hiyang-hiya ay kinailangan pa ring ipaliwanag ni Engkay ang lahat sa kaklase.

“Sorry, Klarissa,” sambit kaagad nito sa kaklase.

“Kaya ka ba gumagawa ng kwento tungkol dito ay para hindi ito puntahan ng mga tao?” tanong ni Klarissa sa kaklase.

Mangiyak-ngiyak na rin si Engkay ng nga oras na iyon. Aniya, hindi na siya makakapagtapos pa ng pag-aaral kung wala siyang matitirahan at ang abadunadong klasrum lamang na iyon ang nagsisilbing tahanan niya dahil wala siyang pera pambayad sa dorm o apartment man. Ang pamilya niya kasi ay nasa probinsya at naghihikaos din sa pang araw-araw. Akala ng mga ito ay nagtatrabaho siya para mapag-aral ang sarili kung kaya wala siyang suporta na nakukuha mula sa pamilya.

“Sorry, Klarissa. Sorry, talaga at nagawa ko ang lahat ng iyon,” tugon niya na may malungkot na mukha.

Naawa si Klarissa sa dinaranas ng dalagang kaklase.

“Ayos lang ‘yon sa’kin Engkay. Ang kailangan mo gawin ay humingi ng tawad sa may-ari ng school at mga guro,” wika naman ni Klarissa.

“Pwede ka makipag-share sa akin sa condo ko. Sasabihin ko na lang kay Daddy, tutal ako lang naman mag-isa ang nakatira doon,” masayang alok ni Klarissa sa kaibigan.

Natuwa dito si Engkay at nagyakapan ang dalawang magkaibigan.

Laking pasasalamat ni Engkay sa regalo ng pagkakaibigan na natagpuan niya kay Klarissa. Natutunan niyang hindi tamang gumawa ng kwento-kwento para lamang sa sariling kapakanan.

Advertisement