Inday TrendingInday Trending
Lihim Ng Matikas Na Mayor

Lihim Ng Matikas Na Mayor

Malayo pa lamang ay maririnig na ang tilian ng mga kabataan pati na ng mga nanay sa isang court kung saan naimbitahan si Mayor Danny na magsalita dahil pista sa kanilang bayan.

“Ang pogi talaga ng mayor natin, mare, ‘no?” wika ng isa sa mga nanay.

“Ay naku, mare! Sinabi mo pa! Kahit na apatnapu’t anim na mukha pa ring bagets!” tugon naman ng isa na hindi magkamayaw sa kilig.

“Ang swerte ng misis niya ‘no? Hay… Kung ako sana nakapang-asawa ng ganiyan baka wala na akong mahihiling pa!” muling sagot ng isa.

“Naku ka! Bali-balita kaya na nanlalalaki daw ang asawa niyan ni Mayor. Pero tinatanggap pa rin siya ni Mayor dahil mahal na mahal daw niya yung babae. Grabe ‘no? Kawawa naman si Mayor,” sabi naman ng isa pa.

Pangalawang termino na ito ng alkalde na si Mayor Danny Alvarez. Maayos kasi siyang magpalakad ng kanilang bayan. Maalagain sa tao at mapayapa ang buong lungsod. Lagi rin siya nakikitang nag-iikot sa lungsod upang siya mismo ang magsuri ng pamumuhay ng kaniyang mga nasasakupan. Dahil dito, mahal na mahal siya ng buong kaniyang mga nasasakupan.

Habang papalapit ang alkalde sa entablado, nadaanan niya ang isang lalaki na pinapagalitan ng amo na nagtitinda ng asin at gulay sa may tabi. Nilapitan niya ito na ikinagulat naman ng amo.

“Hindi ho dapat ganyan. Lahat naman po tayo nagkakamali,” mahinahong sabi ng alkalde habang ito’y nakangiti sa amo.

“Ay, Mayor! Pasensya na ho. Ito kasing si Patrick eh! Hindi makuha ang mga bilin ko palibhasa walang pinag-aralan,” sagot naman ng amo sa Mayor.

Muling tiningnan ng alkalde ang lalaki at saka bumulong sa kaniyang assistant. Pagkatapos nito ay muli ng naglakad si Mayor Danny patungo sa stage.

Pagkatapos ng pagdiriwang, bumalik si Mayor Danny sa kaniyang opisina at dito natagpuan ang binata sa palengke kanina na si Patrick. Agad itong tumayo sa kinauupuan niya nang makita ang alkalde.

“M-mayor. Magandang gabi po,” bati niya sa mayor.

“Ayos lang. Huwag ka nang tumayo, maupo ka,” tugon naman ng alkalde.

“Alam mo ba ang dahilan kung bakit ka nandito ngayon?” tanong ni Mayor Danny sa 22 anyos na binata.

“Hindi po, Mayor. Bakit niyo po ako pinapatawag?” sagot naman ni Patrick.

“Nakita ko kasi kung paano ka maliitin kanina at naalala ko lang na noon, ganoon din ako. Walang pinag-aralan at pamilya na nag-aaruga. Gusto sana kitang tulungan. Kung gusto mong mag-aral o kaya naman magtrabaho sa akin,” paliwanag naman ng alkalde.

Naluha sa saya si Patrick nang marinig niya ito.

“Naku, Mayor! Maraming salamat po. Salamat po talaga!” laking pasasalamat ni Patrick sa alkalde.

“Eh kung papapiliin ho ako, magta-trabaho na muna po ako sa inyo, Mayor. Kailangan ko po kasi tustusan yung pag-aaral ng kapatid ko.

“Ganoon ba? Sige Patrick. Ako na rin ang magpapa-aral sa kapatid mo, bibigyan ko siya ng scholarship hanggang sa makapagtapos siya ng kolehiyo,” alok ng alkalde kay Patrick. Hindi na binigyan ni Patrick ng puwang ang suspetsa sa kaniyang isip at agad na nagpasalamat.“Salamat po talaga Mayor! Salamat po!” sabi naman ni Patrick na lumuluha sa saya.

“Simula bukas sasamahan mo na ako sa lahat ng aking gawain,” bilin ni Mayor kay Patrick bago tuluyang umalis ang binata.

Ulilang lubos na si Patrick at naiwan siya upang alagaan ang kaniyang bunsong kapatid. Ito ay matapos sumakabilang buhay ng kaniyang ina sa sakit na c*ncer. Iniwan kasi sila ng kaniyang ama na sumama sa isang binabae. Ikinahihiya niyang lubos ang kaniyang ama kaya naman kinalimutan na niya ito.

Kinabukasan ay nagsimula na si Patrick bilang katu-katulong ni Mayor Danny. Buong araw ay nagtrabaho ng tapat ang alkalde. Labis itong hinangaan ni Patrick at hinangad na maging kagaya nito pagdating ng araw.

Pagkaraan pa ng isang buwan, maayos na nagagampanan ng binata ang kaniyang trabaho bilang personal na assistant ni Mayor Danny. Isang umaga nang susunduin na niya ang alkalde ay narinig niya ang usapan ng mag-asawa.

“Sabi ko na kasi sa’yo, Danny! Sirang-sira na ako sa buong lungsod! Ayoko na! Tama na ang pagpapanggap!” sigaw ng asawa ni Mayor Danny.

“Pakiusap lang, Nessa! Bigyan mo pa ako ng kaunting panahon! Pangako, aayusin ko ang lahat,” sagot naman ng alkalde.

“Siguraduhin mong gagawin mo ‘yan, Danny! Dahil isisiwalat ko sa lahat yang marumi mong pagkatao!” muling sagot ng asawa kay Mayor Danny.

Dinig na dinig ito ni Patrick. Napaisip siya kung ano nga ba ang nangyayari sa pamilya ng mayor. Ang alam ng lahat ay maayos ang pamilya nito ngunit sa narinig niya ay naisip niyang may pinagdadaanan malamang ang pamilya. Matapos mag-usap ng mag-asawa, pumasok siya sa bahay matapos lumabas ng asawa ng alkalde. Napansin ni Patrick na malungkot ang alkalde. Panay ang kamot sa ulo sabay buntong hininga.

“Ah…Mayor, ano ho ang problema? Pwede din naman po ninyo akong sabihan. Ano po ba ang magagawa ko?” tanong ni Patrick nang hindi na makatiis.

“Hindi kasi ako gaya mo Patrick na malakas at matibay ang loob,” tugon lamang ng alkalde.

Ito ang unang pagkakataon na masaksihan ni Patrick na ganito ang alkalde. Dito naalala niya na tao pa rin talaga si Mayor. Nagkakaproblema, nanghihina tulad ng iba. Lumapit siya sa Mayor at aakma sanang tatapikin sa balikat ngunit biglang umiwas ang alkalde.

“Patrick. Huwag. Huwag mo na akong lapitan. Baka masaktan ka lang at pagsisihan mo sa huli…” mahinahong tugon ni Mayor Danny.

Nalilito si Patrick sa sinasabi ng alkalde. Dumating ang isang tauhan ng alkalde at bumulong sa mayor. Ipinakita nito ang cellphone nito na naglalaman ng isang video. Pagkasilip ni Patrick, isa itong video na naglalaman ng eskandalo ng alkalde kasama ang isa pang lalaki. Ikinagulat niya ito dahil iyon ay ang kaniyang ama na nang-iwan sa kanila. Hindi niya alam ang gagawin niya. Gusto sana niyang sumbatan ang alkalde, ngunit nanaig pa rin sa kaniya ang lahat ng kabaitan nito sa kaniya pati na sa kapatid.

“Patawad, Patrick. Hindi ko na nasabi sa’yo…” umiiyak ang alkalde habang humihingi ng tawad kay Patrick.

Nakatayo pa rin si Patrick nang mga oras na ‘yon. Hindi niya alam ang gagawin. Hindi niya alam ang sasabihin. Marami siyang gustong malaman ngunit isa lamang ang agad niyang itinanong.

“Nasaan na si Papa?” sambit niya sa alkalde.

“Wala na ang Papa mo, Patrick at binilin ka niya sa akin,” pagpapatuloy ng alkalde.

Hahawakan sana ni Mayor Danny ang kamay ng binata ngunit umiwas si Patrick. Sumumpa siyang hindi niya mapapatawad ang ama pati na ang dahilan kung bakit sila iniwan nito. Mangiyak-ngiyak siyang lalabas sana ng bahay nang marinig ang malakas na sigawan ng mga tao sa labas.

“Mayor lumabas ka diyan! Harapin mo kami dito!”

“Mayor, salot ka!”

“Mayor, mag-resign ka na!”

Samu’t saring pangungutya ang inabot ng alkalde nang kumalat ang video niya sa buong lungsod. Lumabas ang alkalde sa harapan ng bahay na umiiyak.

“Patawad po sa inyong lahat. Patawad sa pagkukunwari. Patawad sa panloloko ko. Tama ho kayo. ‘Di ako tunay na lalaki. Patawad at hindi ako naging totoo,” pagpapaliwanag ng alkalde sa mga tao.

Nakatingin lamang si Patrick sa ‘di kalayuan. Nagagalit man, naaawa pa rin siya sa sinapit ng alkalde. Naisip niya ang lahat ng kabutihan nito sa kanila at ang magpatawad ay dapat ibigay upang makawala na rin sa galit. Nang sandaling iyon ay alam na niya ang dapat niyang gawin.

Tumayo si Patrick sa gitna ng marami. Lahat ay kilala siya sa pagiging isang palaboy sa kanilang lugar. Ngunit ngayon, kitang-kita na sa kaniya ang malaking pagbabago. Nagulat ang lahat nang ibuka niya ang kaniyang bibig.

“Alam ko pong kilala po ninyo ako. Tama po, ako po si Patrick na palaboy at mahilig rumaket sa palengke. Noon po, akala ko ay ganoon na lamang ang kahahantungan ng buhay ko. Buong akala ko’y kahit na kailan, hindi na ako makakapagtrabaho nang maayos at regular. Dahil sa kahirapan, dahil sa hindi ako nakapagtapos ng aking pag-aaral. Ngunit isang araw, dumating ang taong nagbigay pag-asa sa akin, si Mayor Danny. Siya lamang po ang bukod tanging naniwala sa akin at tinulungan akong maging isang tao, mabuhay muli bilang isang normal na tao. Kahit po iba siya ay binabae, hindi naman din ho natin maitatanggi na isa siyang epektibong lider ng ating komunidad. Sana ho ay maisip din natin na suklian ng pagtanggap ang kaniyang mabuting pamumuo.” paki-usap ni Patrick sa nakararami.

Maya-maya pa ay isa-isang nagsipuntahan din sa bandang gitna ang ilan pang mga tao na ginawan ng kabutihan ni Mayor Danny. Lahat sila ay nagpatotoo na ang alkalde ay may totoo at mabuting hangarin para sa bayan. Ganoon din ay walang masama sa pagkatao nito, anuman siya o sino man siya.

Hindi naman makapaniwala si Mayor Danny na tatanggapin siya ng nakararami matapos mabuking ang kaniyang pinakatatagong lihim, laking pasalamat niya kay Patrick na itinuturing na niyang anak, sa pagpo-protekta nito sa kaniya. Halos mangiyak-ngiyak siya hindi na dahil sa kahihiyan, kung hindi dahil sa tuwa na kaniyang naramdaman matapos ang pangyayari.

Natapos ang kaguluhang iyon nang muling tanggapin ng mga tao ang alkade at ito naman ay nagpasalamat sa lahat. Humingi siya ng kapatawaran sa paglilihim sa tunay niyang pagkatao lalo na kay Patrick. Ngunit ang lahat ay masayang nagtiwala muli sa kakayanan ng alkalde na mamuno’t patuloy na paglingkuran ang taong-bayan.

Advertisement