Traydor Na Kaibigan
Matalik na magkaibigan si Iris at Loren. Matagal na silang magkaibigan, mula sa unang taon hanggang sa kanilang huling taon sa kolehiyo. Kilala na din ng mga magulang ni Iris si Loren bilang bestfriend nito kaya maluwag na ang magulang nito kapag may lakad ang dalawa na pupuntahan.
“Uy besh tara na! Sumama ka na sa binyag ng pamangkin ko. Sige na, please?” malambing na wika ni Loren.
“Tatlong araw lang naman tayo sa probinsiya namin, mabilis lang ‘yun. Papayag naman siguro si tito at tita,” dagdag pa ng dalaga.
“Ewan ko pa Loren, ang hirap magdesisyon kasi baka mapagalitan ako ni mama at papa eh,” sagot ni Iris.
“Eh, besh naman eh! Sige na, ipagpapaalam kita kay tita at tito ha? Pag pumayag sila sama ka na ha?” makulit na wika ni Loren.
Sumabay pauwi si Loren papunta sa bahay nila Iris. Nang makarating naman ang dalawa sa bahay ay agad na pumasok ito at bumati sa magulang ni Iris.
“Hello po tita, tito, kumusta po kayo?” bati ni Loren habang nagmamano sa mag-asawa.
“Oh Loren, long time no see ah? Kumusta ka na? Lalo kang gumaganda ah,” bati ng ina ni Iris.
“Pasensya na po tita ha, ‘di po ako nakakadalaw palagi. Naging busy lang po ako sa school at nako… tita nambola pa. Siyempre, kayo pa rin po ang pinakamaganda,” natatawang sagot pa ng dalaga sa ginang.
Matapos ang tawanan at biruan ay umalis muna ang ama ni Iris dahil nagkaproblema raw ito sa trabaho, habang ang ina naman ni iris ay naggawa ng makakain nilang merienda.
Habang naghihintay naman ang magkaibigan sa hapagkainan ay kinausap ni Loren ang ina ni Iris,
“Uhm tita, ipagpapaalam ko lang po pala sana si Iris kaya rin po ako napunta rito.”
Napatigil naman sa ginagawa ang ginang at humarap sa dalaga, “tungkol saan naman?” nakangiting sagot ng ina ni Iris.
“Ipagpapaalam ko lang po sana si Iris dahil gusto ko po sana siyang isama sa aming probinsiya. Binyag po kasi ng aking pamangkin. May salo-salo po doon at gusto ko rin po sanang ipakilala itong bestfriend ko sa parents ko,” mahabang saad ng dalaga. Nakatingin lamang si Iris sa kanyang ina at hinihintay ang isasagot nito.
“O sige, basta ‘wag mo pababayaan si Iris ha? ‘Wag mo iiwan yan mag-isa. Pumapayag na ako,” sagot ng ginang at ngumiti habang ipinagpapatuloy ang ginagawang merienda.
Bumiyahe na ang magkaibigan papunta sa probinsiya ni Loren. Batid ni Iris ang pagkasabik ng kaibigan na makauwi sa kanilang probinsiya. Hindi mapigilan ni Loren ang galak na nararamdaman dahil kwento ito nang kwento habang nasa biyahe.
Dumating na sila sa binyag nang alas dose ng tanghali. Mapuno at malawak ang lugar. Maraming tao ang naririto at nagsasaya.
Bumati si Loren sa kanyang pamilya na ikinatigil ng mga tao. Lahat ng tao sa venue ay nakatitig maigi kay Iris. Mga ilang segundong tumahimik ang lugar. Nakaramdam ng asiwa si Iris sa pangyayari.
“Ngayon lang ba sila nakakita ng ibang tao? Nakakapagtaka naman,” bulong ni Iris sa kanyang isipan.
Ipinakilala ni Loren ang kanyang kaibigan sa kanyang magulang. Matapos ang pagpapakilala at kamustahan ay kumain na sila. Mukhang masarap ang mga nakahandang pagkain kaya natakam si Iris.
Nang makakuha na siya ng pagkain ay bumalik na sila sa lamesa at kumain na. Nagtaka naman si Iris kung bakit walang kalasa-lasa ang pagkain. Masarap man itong tingnan pero wala talagang lasa ang pagkaing nakahanda. Labag man sa loob ng dalaga na kumain ng pagkaing walang lasa ay pinilit na lamang niya itong ubusin.
Nang matapos siyang kumain ay napansin niyang pinagmamasdan siya ng ina ni Loren habang nakangiti. Medyo kinilabutan ang dalaga nguni’t isinawalang bahala na lamang niya ito.
“Baka natutuwa lang sa akin,” sambit niya sa kanyang isipan.
Pagdating nang hapon ay nag-aya ng umuwi si Iris ngunit tumatanggi si Loren. Hindi man matukoy ni Iris nguni’t parang may nagbago sa kanyang kaibigan. Naging iwas ito at bihira magsalita. Ganun man ang nangyayari ay pinipilit pa rin nito na umuwi na dahil sumama na ang pakiramdam ng dalaga.
Batid man ni Iris na tatlong araw sila magtatagal sa probinsiya ay pilit na sinasabi nito na umuwi na dahil hindi ito sanay na magkasakit ng wala sa bahay, ngunit tumanggi pa rin si Loren.
“Dito na muna tayo magpalipas ng gabi. Magpahinga ka na lamang muna sa bahay,” malamig na pahayag ni Loren.
Umuwi na ang pamilya ni Loren at si Iris sa bahay na pagtutuluyan nila ng gabi. Magkatabi silang natulog sa kwarto ni Loren dahil limitado lang ang kwarto sa bahay. Dahil sa pagod at sama ng pakiramdam ay agad namang nakatulog si Iris.
Sa kalagitnaan ng gabi ay naalimpungatan ang dalaga dahil parang may kumiliti sa kaniyang tenga. Na parang may dumamping mabuhok rito. Napaupo naman bigla ang dalaga sa gulat at nakita nito na may aninong papalabas sa kwarto nila ng kanyang kaibigan.
Ngunit dahil tiwala naman si Iris sa kaibigan at pamilya nito ay isiniwalang bahala na lamang niya ito. Inisip na lamang ng dalaga na baka may kinuha lang ang isang kapamilya nito sa kwarto o mga ganung bagay.
Kinaumagahan ay sige pa rin sa pagpupumilit si Iris sa pag-uwi ngunit matigas pa rin si Loren. Sa galit at inis ni Iris ay kinuha nito ang mga gamit niya at sumakay sa pinakamalapit na bus station para makauwi ito sa Manila. Masama man ang pakiramdam ay pinilit pa rin niyang makauwi. Nang papaalis na ang bus ay nakita ng dalaga na tumatawag ang kaibigan niya sa kanyang telepono ngunit dala na rin ng galit at inis ay hindi niya na ito sumagot.
Ilang oras din ang hinaba ng biyahe nang makarating na ang dalaga sa Maynila. Mahal man ay agad na kumuha ng taxi ito para mabilis at komportableng makauwi ito sa bahay nila. Hindi pa rin niya binubuksan ang telepono niya, isang araw na ang nakalipas.
Masama pa rin ang pakiramdam ng dalaga at walang gana kumain. Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay lagi itong naglalaway at nawalan ng gana sa kahit anong pagkain ang ibigay sa kaniya. Kahit pa ang pinaka paborito nitong pagkain na ‘di niya matanggihan noon ay tinatanggihan na nito ngayon.
May mga oras na grabe maglaway si Iris na akala mo ay gutom na asong nauulol. Palagi rin nito hinahawakan ang ulo na parang nababaliw na hindi mo mawari. Dahil sa hindi pagkain ay nakaratay lang si Iris sa higaan. Nanghihina at nangangayayat na ang katawan ng dalaga. Walang masabi ang mga doctor sa kanyang kalagayan dahil lahat ng resulta ng babae ay normal.
Dahil sa kagipitan ay lumapit na ang mga magulang ni Iris sa pinakamagaling na albularyo sa kanilang lugar. Doon nalaman nila na ang dalaga pala ay inaaswang ng kaniyang kaibigan.
“Ina-aswang ang anak mo. Marami ito… mabuti nalang ay dinala mo agad ang anak mo, kung hindi ay malapit nang matuluyan ang anak mo,” saad ng albularyo habang pinapakita sa magulang ni Iris ang pigura ng isang babae.
Niritwalan ng albularyo si Iris at itinanong sa kanyang magulang kung gusto ba malaman ang dahilan kung bakit ito ginawa sa kanilang anak. Bumulong ang albularyo at hinuli ang espiritu ng nanghawa kay Iris at pinapasok ito sa katawan ng dalaga.
Dito nalaman ng mag-asawa na nainggit ang kaibigan nitong si Loren dahil namumuhay ito ng normal, at hindi kagaya niya kaya naisipan nito na hawaan siya upang hindi ito mag-isa sa pagdurusa. Bumuhos ang luha ng ina ni Iris at sinabing, “Walanghiya ka! Itinuring kitang anak! Wala kaming ibang ginawa sa’yo kung hindi kabutihan! Anong ginawa ng anak ko na masama sa iyo?!” malakas na sigaw ng ina ni Iris.
Humagulgol naman ang babae sa loob ni Iris at humihingi ng tawad.
“Tita… tito… patawarin niyo po ako. Napuno at nadala po ako ng inggit. Patawarin niyo po ako… patawad po… patawad…” ‘yan nalang ang masabi ng dalaga dahil napuno na ito ng kahihiyan. Wala pa ring tigil ang pagluha ng dalawa.
“Ipangako mo na ititigil mo na ito at ‘wag na ‘wag ng gagambalain ang buhay nilang muli kung hindi ay tatapusin na kita, naintindihan mo ba?!” ma-awtoridad na sabi ng albularyo. Nangako naman ito at pinalaya ang espiritu ng dalaga.
Matapos ang insidente ay hindi na pumasok muli sa kolehiyo si Loren. Wala na silang balita rito magmula ng matapos ang gamutan na iyon. Maayos na namumuhay ngayon si Iris. Nguni’t hindi nito maipapangako sa sarili na kaya pa nito muli magtiwala ng sobra sa ibang taong papasok sa buhay niya.