Inday TrendingInday Trending
Ang Lalaki Sa Panaginip

Ang Lalaki Sa Panaginip

Biglang nagising si Paulene mula sa kanyang pagkakatulog. Pawis na pawis siya. Nagpakita na naman sa kanya ang isang pamilyar na lalaki sa kanyang panaginip.

“Huwag kang magtitiwala sa babaeng palaging nakangiti at napakabait sa’yo. Ito’y pagpapakitang tao lamang niya, may masama siyang balak at gustong kunin mula sa’yo. Mag-iingat ka,” ito ang mga katagang sinabi sa kanya ng lalaki sa kanyang panaginip.

“Sino ka ba kasi?” saad niya habang inaalala ang lalaki sa kanyang panaginip.

Ilang beses niya na kasing nakita sa kanyang panaginip ang lalaki. Simula noong bata pa siya ay madalas nang magpakita ito sa kanya para magbigay ng mga babala sa mga panganib na nag-aabang sa kanya. Noong una ay bahagya pa siyang nag-alangan dahil hindi nga niya naman kilala ang lalaki, pero habang tumatagal ay napapatunayan niya naman na hindi masama ang lalaking iyon. Sa katunayan ay madalas siyang mailigtas nito sa pamamagitan ng pagbibigay ng babala sa kanya.

Ilang taon ding hindi nagpakita o nagparamdam ang lalaki sa kanyang panaginip, kaya naman muntik niya nang makalimutan ito. Ngayon na lamang ulit ito nagpakita sa kanya.

Bahagya tuloy siyang nabahala, dapat talaga siyang mag-ingat sa mga bago niyang makikilala. May panganib na namang nag-aabang sa kanya.

Ewan niya ba pero napakalapitin niya talaga sa peligro. Noong bata pa siya ay may mga nagtangkang dumukot sa kanya, mabuti na lamang at nabigyan siya ng babala ng lalaki sa kanyang panaginip kaya naman labis ang kanyang pag-iingat at sinunod niya ang mga payo nito sa kanya. Bago pa man siya madukot ay natakasan niya na ang mga lalaking nag-aabang sa labas ng kanyang eskwelahan.

“Sino po ba kayo?” madalas niyang tanong sa lalaking nagliligtas sa kanya.

Gaya ng dati, ngiti lang ang naging sagot nito at ginulo ang kanyang buhok. Hindi niya alam kung bakit pero napakagaan ng loob niya sa lalaki at gustong-gusto niya kapag ginugulo nito ang buhok niya habang nakangiti na para bang aliw na aliw ito sa kanya.

Wala siyang pinagsasabihan tungkol sa lalaking nakikita niya sa kanyang panaginip. Maliban kasi sa baka hindi siya paniwalaan ng mga tawo ay para bang isang sekretong tagapagligtas na ang turing niya sa misteryosong lalaki.

“Hi. I’m Michelle,” nakangiting inilahad ng babae ang kanyang kamay sa dalaga. Ginantihan din naman ni Paulene ng ngiti ang dalaga at inabot ang kamay nito.

“Paulene,” pagpapakilala niya sa sarili. Mukha ng bagong katrabaho niya ang babae.

Natural na tahimik na tao si Paulene, kaya naman hindi niya alam kung bakit para bang dikit ng dikit sa kanya si Michelle. Mabait naman ang dalaga at mukhang hindi gagawa ng masama, ngunit naalala niya ang babala sa kanya ng lalaki sa kanyang panaginip. Pilit niyang iniwasan ang babae. Nakokonsensya man pero mas mabuti na ang maingat kaysa magsisi siya sa huli.

Ilang buwan na ang lumipas at unti-unti ng lumalabas ang tunay na kulay ni Michelle. Nagbabait-baitan ito at pasimple siyang sinisiraan sa opisina.

“Ha? Siya ba ang boyfriend ni Paulene? Eh sino pala yung nakita ko nung isang gabi na kasama niyang lumabas sa isang hotel?” pa-inosenteng tanong ni Michelle sa kanilang mga kasamahan habang nakatingin kay Paulene at sa boyfriend nitong napaka-sweet tingnan sa isa’t isa.

Kumalat ang chismis sa kanilang opisina na may kalaguyo si Paulene. Muntik pa silang mag-away ng boyfriend niya dahil dito. Mabuti na lamang at may tiwala sa kanya ang binata at hindi agad naniwala sa mga sinasabi ng ibang tao.

“Ano ba ang nakita niya sa’yo at para bang baliw na baliw siya sa’yo? Ang tindi din naman ng kamandag mo ‘no? Sana all may boyfriend na kasing tatag ng jowa mo,” sarkastikong sabi sa kanya ni Michelle.

“Ano ba ang problema mo sa’kin ha, Michelle? Wala naman akong ginagawang masama sa’yo ha?” direktang tanong niya sa dalaga na napangiti lang ng mapakla.

“Nakakainis ka kasi! Lahat na lang ng gusto ko pinaghihirapang makuha ay napakadali lang na napapasayo! Para bang lahat ng swerte ay napunta sa’yo habang lahat naman ng kamalasan sa mundo ay napunta sa akin!” bulyaw nito sa kanya. Mabuti na lamang at dadalawa na lamang sila sa loob ng opisina.

Napag-alaman niyang matagal na pala siyang kilala ni Michelle. Simula pa noong mga estudyante pa lamang sila. Pero dahil likas na tahimik at hindi talaga palakaibigan si Paulene ay hindi niya napansin si Michelle kahit na ilang taon silang naging magkaklase.

Noong una ay labis na humahanga si Michelle sa dalaga ngunit habang tumatagal ay napapalitan ng inggit ang paghangang kanyang nadarama. Hindi niya inaakalang makikita niya ulit si Paulene ng mag-apply sa kompanyang kanilang pinagtratrabahuan.

Naiinggit siya dahil parati itong napupuri sa opisina at may mapagmahal at napaka-sweet na boyfriend kaya naman ng dahil sa inggit ay sinisiraan niya ang dalaga.

“Alam mo Michelle, imbes kasi na tumingin ka sa’kin, subukan mong magfocus sa sarili mong buhay. Huwag mong ikompara ang sarili mo sa ibang tao dahil hinding-hindi ka talaga sasaya kung ganyan ka. Huwag mong hayaan na sirain ka ng inggit,” seryosong saad ni Paulene bago lumabas at iniwang nakatulala si Michelle sa loob ng kanilang opisina.

Kinabukasan ay para bang nahimasmasan si Michelle at humingi ng tawad sa dalaga. Nangako itong susubukang magbago at sundin ang kanyang payo. Tinanggap niya naman ito bilang isang bagong kaibigan, handa naman kasi siyang tulugan si Michelle kung kinakailangan siya ng dalaga.

Pagkauwi niya ng bahay ay saktong nadatnan niya ang kanyang ina na nagmemerienda sa kusina. Nilapitan niya ito ay nakwento niya sa ina ang mga nangyari sa kanya sa mga nakaraang araw, hindi rin sinasadya na nakwento niya ang tungkol sa lalaki sa kanyang panaginip.

“Lalaki? Maaari mo ba siyang ilarawan anak?” tanong sa kanya ng kanyang ina.

“Uhm… ano po, gwapo po siya. Matangkad, matangos ang ilong, medyo singkit, at oh! May nunal po siya sa ilong!” paglalarawan niya pa sa lalaki. Nabitawan naman ng kanyang ina ang hawak nitong tinidor dahil sa kanyang sinabi.

Walang imik itong pumanhik sa kanyang kwarto na labis namang ipinagtaka ni Paulene. Maya-maya lang ay agad din namang bumalik ang kanyang ina hawak ang isang lumang larawan.

“Ito ba siya?” tukoy ng kanyang ina sa isang lalaki sa larawang hawak nito. Napasinghap naman siya sa pamilyar na mukha na naroroon sa larawan.

“Siya nga! Sino po ba siya ma?” sabik na sabik niyang tanong sa ina. Sa wakas ay malalaman niya na kung sino nga baa ng lalaki sa kanyang panaginip.

Biglang tumulo ang mga luha sa mga mata ng kanyang ina, “Siya ang daddy mo, anak.”

Hindi makapaniwala si Paulene sa kanyang narinig. Kahit kailan man ay hindi niya narinig ang anuman tungkol sa kanyang ama mula sa kanyang ina. Ang alam niya lamang ay maaga itong nawala dahil sa isang aksidente. Hindi ito pinag-uusapan sa kanilang pamilya dahil muntik ng masiraan ng bait ang kanyang ina ng mawala ang kanyang ama. Tinago din lahat ng larawan ng lalaki kaya naman wala siyang ideya kung ano ang itsura ng kanyang ama.

Tumulo ang kanyang mga luha habang nakatitig sa larawan ng lalaki sa kanyang panaginip, “Maraming salamat po sa lahat, dad.”

Ipinangako niya sa sarili na sa susunod na magpapakita ulit sa kanya ang kanyang ama sa kanyang panaginip ay sisiguraduhin niyang yayakapin niya ito ng mahigpit at sasabihin sa lalaki kung gaano niya ito kamahal.

Advertisement