Inday TrendingInday Trending
Surpresa Para Kay Lola Dolores

Surpresa Para Kay Lola Dolores

“Lola Dolores, magkwento naman po kayo tungkol sa mga anak ninyo.”

“Sa mga anak ko?” Bahagyang natawa ang matanda habang hinihipan ang mainit na kape.

Matapos humigop sa kanyang tasa ay ibinaba na niya ito sa katabing mesa at inayos ang pagkakalagay ng salamin sa kanyang mga mata.

“Aba, sabi ko na nga ba. Dadating din ang pagkakataong ito na maibibida ko ang mga anak ko.”

Inilabas nito ang wallet sa bulsa at mula doon ay kumuha siya ng dalawang lumang litrato. Yung una ay larawang ng tatlong bata. Yung ikalawa ay tatlong taong magkaka-akbay.

“Mayroon akong tatlong anak,” panimula nito.

Animo’y tumingin pa ito sa malayo at nakangiti na para bang may nakikita siya na hindi nakikita ng iba.

“Si Lino, ito.” Tinuro niya ang lalaking matipuno na nakasuot ng long sleeves at may manipis na bigote.

“Kahawig ni Dingdong Dantes ‘no?”

“Opo, lola. Ang pogi talaga!” giliw na giliw na sagot ni Jessa.

“Siya ang panganay. Napaka-matured mag-isip ng batang ‘yan at napakagaling humarap sa kahit na anong sitwasyon. Umiiyak pa yan dati kasi hindi raw siya magaling sa asignaturang matematika. Ngunit tingnan mo naman ngayon, isa na siyang ganap na inhenyero.”

“May asawa na po ba, lola?” tanong niya ulit.

“Oo naman. Mayroon na siyang asawa at dalawang anak. Isang babae at isang lalaki,” ngiti nito.

“Ito pong magandang babae? Sino naman po ito?” Tinuro ng dalaga ang isang babaeng matangkad na nakasuot ng bulaklakin na bestida, may mala-gatas na balat at nakasuot ng salamin.

“Si Leigh naman ito. Ang pangalawang anak ko.” Tumikhim muna ito bago pinagpatuloy ang kanyang sasabihin.

“Suki ng beauty pageants yan. Naku, napakagandang bata. Nagmana sa kaniyang nanay.”

“Mukha po siyang modelo, lola. Parang nakita ko na siya sa isang magazine.”

“Tama ka diyan, hija. Bata pa lamang si Leigh gusto na niya talaga ang pakiramdam na rumarampa sa entablado. Pinaghirapan niya talaga kahit ilang beses siyang nadapa at natalo sa mga sinalihan niyang patimpalak. At tingnan mo nga naman ngayon, isa na siyang ganap na modelo.”

“Kaya naman po pala. Mukha siyang artista!” sabi niya na dinig ang paghanga.

“Oo naman, humihingi pa nga ako ng autograph niyan e.”

“Ito namang naka-sumbrero lola, bakit parang ‘di niya kamukha ‘yung dalawa?” tanong niya sa kuryosong tanong.

“Si Shaine ba kamo? Nagmana kasi ‘yan sa tatay niya. Sa yumao kong asawa.”

“Hala, pasensya na po,” aniya na halos pigilan ang kanyang sarili sa pagsasalita.

“Ayos lang, hija. Alam ko namang kahit nasaan ako ay binabantayan ako ng asawa ko, diba mahal?” Sabay tingin nito sa singsing na nakasuot sa kanyang manipis at kulubot na daliri.

“Tomboy po ba si Ate Shaine?”

“Madalas na napagkakamalan. Pero hindi. Malapit na din siyang ikasal at mauunahan na niya ang Ate Leigh niya.”

“Wow, ganun po ba? Ano pong trabaho niya?”

“Kahit na ganyan kumilos na parang lalaki yang si Shaine, isang ganap na guro na ‘yan sa isang sekondaryang paaralan,” pagpapaliwanag nito sa kanya sa seryoso ngunit masayang boses.

“Siguro po napakatalentado ni Ate Shaine ‘no?”

“Sobra.” Ngiting-ngiti ang matanda habang ibinabalik sa kanyang wallet ang naturang litrato.

“Pero Lola Dolores, bakit ‘di ko pa sila nakikita rito?” tanong niya matapos ang ilang minuto nilang pananahimik.

“Abala na kasi ang mga ‘yun e.”

“Wala po ba silang time? Kasi walong taon na po mula nang tumira kayo dito pero ni minsan hindi po sila dumalaw.”

“Nasa malalayo na kasi sila. Si Lino nakatira na sa Singapore kasama ng kanyang pamilya. Si Leigh naman, halos linggo-linggong lumilipad sa iba’t-ibang bansa. At si Shaine naman ay nasa La Union na dahil doon nakatira ang asawa niya.”

“Ganun po ba?” nananamlay niyang tanong.

“Oo. Masaya naman na ako dahil napalaki ko sila ng maayos. Tingnan mo nga naman hija, ang gaganda na ng mga buhay nila ngayon. Napaka-independent na nila at ‘di malayong maging mabuting magulang din sila sa kanilang mga anak.”

“Hindi naman po kayo nalulungkot?”

“Saan?”

“Na malayo po sila?”

“Oo. Hindi naman sa lahat ng oras, makakasama ko sila eh,” sagot nito na may ngiti sa labi.

“Ayos lang po sa inyo?”

“Siyempre naman. Kahit malayo sila, alam ko namang mahal na mahal nila ako e.”

“Kung mahal na mahal ka po nila lola, bakit ka nila hinayaang mapunta sa Home for the Aged?” tanong niya.

Natahimik ang matanda at hindi nakasagot.

At binigyan niya ang kanyang tagapag-alaga ng isang mapait na ngiti.

Pero sa kanyang mga mata ay nagbabadya ang pagtulo ng mga luha na ayaw niyang ipahalata.

Malalim ang kanyang buntong-hininga. Hindi akalain na ang taong tinuring niya bilang pangalawang magulang ay nangungulila sa mga anak.

“’La, siguro kaya tayo magkasundo kasi pareho tayo. Ako, naghahanap ng kalinga ng magulang. Ikaw naman, ng anak,” aniya rito.

Lumambot ang ekspresyon ng mukha nito.

“Alam mo ba, maikli lamang ang buhay. Kaya dapat pinapahalagahan natin ang mga mahal natin sa buhay habang kasama pa natin sila. Sinusulit ang bawat oras.”

Ngumiti ito. “Alam ko, buhay pa ang mga magulang mo. May oras ka pa para kausapin ulit sila… para humingi ng tawad,” sabi nito.

Alam niya iyon. Kaya naman tumango siya ay ngumiti. Kinabukasan ay buo ang kanyang loob. Kinakabahan man ay tinanaw niya ang bahay na matagal niya nang hindi nakita simula nang maglayas, dalawang taon na ang nakalilipas.

“’Nay…. ‘tay!” aniya

Nanlaki ang mata ng kanyang mga magulang. Niyakap siya ng mahigpit. Humingi ng kapatawaran sa mga masasakit na nasabi nito noon. Ganoon din siya.

Umiyak si Jessa, nagsisi sa desisyon niya noon. Natigilan siya ng maisip si Lola Dolores. Kung tinulungan siya nito ay dapat ganun din siya.

Kaya naman, determinado niyang hinanap ang mga anak nito para makontak. Mahirap iyon. Ngunit para kay Lola Dolores ay gagawin niya.

Ganun na lamang ang tuwa niya nang mag-reply ang isa sa mga anak nito, si Lino. Sinabi niya rito ang tungkol sa ina nito ay nangako ito na bibisitahin ang ina at tatawagan ang mga kapatid.

Araw ng kaarawan ni Lola Dolores, wala itong kaalam-alam sa mga bisita. Umiyak ito nang makita ang mga anak at isa-isang niyakap.

“Patawad, ‘ma! Patawad po kung hinayaan ka namin dito!” umiiyak na sabi ni Shaine.

Maging si Jessa ay napaluha sa tuwa para sa taong tinuring niya nang tunay na lola.

“Wala yun, ‘nak! Naiintindihan ko naman na mahalaga ang mga pangarap niyo.”

“Nagkamali kami ‘ma! Akala namin mas makabubuti para sa iyo na nadito ka. Ang totoo dapat ay isinama ka namin sa pangarap namin dahil mas matimbang ka sa lahat.” anito.

Naging emosyonal ang araw na iyon ngunit alam niyang masayang masaya si Lola Dolores. Ngumiti ito sa kanya at umiiyak na bumulong.

“Maraming salamat, Jessa! Maraming salamat sa napakagandang regalong ito!”

Advertisement