Inday TrendingInday Trending
Kakaibang Pagkakaibigan

Kakaibang Pagkakaibigan

Sa hinaba-haba ng panahon na magkakapitbahay nina Celina at Lori ay hindi maunawaan ng mga tao sa paligid nila kung bakit hindi sila magkasundo.

Laging magkaiba ang kanilang pananaw ukol sa mga bagay-bagay kaya naman lagi silang nauuwi sa mainit na pagtatalo.

“E ano ang sinasabi mo, ginusto ng biktima na masagasaan siya?” taas kilay na tanong ni Lori kay Celina.

“Ang sinasabi ko e, kung naging mas responsable siya at tumawid sa tamang tawiran, baka hindi nangyari ang trahedya,” tila nagtitimping asik ni Celina sa kapitbahay.

At nauwi na naman sila sa isang mainit na bangayan kung saan ang unang manahimik ang siyang talo.

Natural, walang may gusto na matalo, at walang gustong manahimik.

Kaya naman kung hindi pa sila awatin ay hindi pa sila titigil.

Mainit ang ulo ni Celina. May sakit ang kayang anak, at mukhang iritable ito at hindi makatulog ang anak dahil sa ingay sa kabila.

Maya-maya, nang hindi na nakapagtimpi pa si Celina ay kinompronta niya ang kapitbahay.

“Bakit ang iingay niyo? Wala ba kayong kahihiyan sa mga gusto nang magpahinga?” dire-diretsong bulyaw ni Celina sa pamilya ni Lori.

Saglit lamang ay lumabas ang nanay ni Lori. Si Aling Mila.

“Naku, hija. Pasensiya ka na. Kaarawan ko kasi kaya naman nagkakasiyahan lang kami,” malumanay na paghingi nito ng dispensa.

Manghihingi na sana siya ng dispensa subalit matabil ang dilang nagsalita si Lori, “Bakit mo naman kami pipigilan sa sarili naming bahay?” mataray din ang tono nito.

“May sakit ang anak–” bago pa matapos ni Celina ang sasabihin ay ang humahangos na boses na ng kanyang anak ang kanyang narinig.

“Nay! Kinokombulsyon si baby!”

Tila huminto ang mundo ni Celina sa narinig at dali-daling bumalik na bahay upang asikasuhin ang anak.

Nanginig din siya nang makita ang tuloy tuloy na panginginig ng anak habang pawang puti lang ang makikita sa mga mata nito.

Akmang hahawakan ni Celina ang anak nang pigilan siya ng boses na nanggaling sa likod.

Ang ina ni Lori. Sa likod nito ay si Lori.

“Hija, ‘wag mong pigilan ang paggalaw niya. Hindi yan makabubuti,” sabi ng matanda.

Lumapit ito sa bata at tinanggal ang butones ng nasa bandang leeg nito, nang sa gayon daw ay mas makahinga ang bata. Maya-maya ay huminto na ang pag-kombulsyon nito.

“Kumalma ka nga! Ikaw ba ang kinukumbulsyon?” mataray na sabi sa kanya ni Lori nang mapansin nito ang panginginig ng kanyang kamay.

“Paano ako kakalma kung nasa ganyang kalagayan ang anak ko?!” mas mataray na balik niya sa babae, walang balak magpatalo.

Nahinto lang sila sa pagbabangayan nang malakas na tumikhim si Aling Mila.

“Naku, kayong dalawa talaga hindi na kayo nagkasundo!” napapalatak na lang ang matanda.

“May bisita kami na doktor, hija. ‘Wag ka masyadong mag-alala, siguradong matitingnan ang anak mo agad,” sabi ng matanda.

“May mga kinukuha lang na gamit para masuri ang anak mo,” dagdag naman ni Lori.

Nakahinga naman siya ng maluwag. Mabuti na lamang at dumating ang mag-ina. Kung hindi ay hindi niya alam ang gagawin.

Maya-maya pa ay dumating na ang doktor. Sinuri nito ang kanyang anak. Wala naman nakitang kumplikasyon, masyado lang daw talagang mataas ang temperatura nito kaya kinumbulsyon ito.

“Misis, siguraduhin lang po na maiinom ng bata ang mga gamot, at gagaling siya bago matapos ang linggong ito,” bilin ng doktor bago ito tuluyang umalis.

“O siya, may mga bisitang naghihintay sa akin sa kabila, kaya aalis na ako, yaman din lamang na maayos na ang kalagayan ng baby mo,” pagpapalaam ni Aling Mila.

“Aling Mila, maraming salamat ho, saka ano…” tila hindi niya maituloy ang sasabihin dahil tila nanliliit siya pag naalala ang ginawa niyang eskandalo kanina sa bahay ng mga ito.

“Ano yun?”

“Ano ho… happy birthday ho.” Sa wakas ay nagkaroon siya ng lakas ng loob isatinig ang pagbati.

“Salamat, hija. Pwede kayong kumain sa bahay kung gusto niyo ha?” paanyaya pa nito na sinuklian niya ng nahihiyang ngiti.

“Ano, ayos ka lang ba rito?” maya-maya ay tanong ni Lori.

“Oo, salamat. Buti dumating kayo ng nanay mo. ‘Di ko alam ang gagawin kanina.”

“Wow, nagpasalamat ka sa’kin? Totoo ba ‘to?!” natatawang sabi nito.

“Oo nga, ‘no?” Sa unang pagkakataon ay bahagya silang nagkatawanan.

“Pwede pala tayong mag-usap ng maayos, ano?” maya-maya ay sabi ni Lori.

“Salamat. Buti tinulungan mo ako kahit na hindi naman tayo magkaibigan,” sabi ni Celina.

“Nanay rin ako. Alam ko ang pakiramdam na nasa panganib ang aking anak. Saka hindi naman dapat namimili ng tutulungan,” litanya ni Lori.

“…kahit kasing-bruhilda mo pa,” dugtong nito na ikinahalakhak ni Celina.

At iyon ang naging simula ng napakaganda nilang samahan.

Advertisement