Ang Lihim ni Lola
“‘Mia, ano ang pangarap mo?” Tanong ni Lola Sandy kay Mia.
“‘La, gusto ko lang ng enggrandeng kasal, kagaya ng sa inyo ni Lolo Delfin.” Napahagikhik pa ang batang si Mia nang mapatingin ito sa malaking larawan ng kanyang lola at lolo, na kinunan nung araw na ikasal ang mga ito.
“Ikaw talagang bata ka, kung ano-anong iniisip mo!” at pabirong kinurot ang pisngi ng apo.
Simula pagkabata ay si Lola Sandy na ang kasama ni Mia. Masasabi nga niya na halos ito na ang nagpalaki sa kanya.
Lumaking may kaya sa buhay ang kanyang lola subalit nang malugi ang negosyo ng kanyang lolo ay nagsimula na rin silang maghirap. Hanggang sa sumakabilang buhay ang kanyang lolo, at tuluyan na silang hindi nakabangon.
“‘La, sabi ko naman sa’yo, ‘wag ka ka nang tumanggap ng labahin, mahina ka na kaya!” marahang sita niya sa lola ng maabutang nilalabhan nito ang mga damit na pinalabhan dito ng kapitbahay.
“Mia, hayaan mo na ako. Alam mo naman, ‘pag wala akong ginagawa mas lalo akong napapagod,” nakangiting sabi ni Lola Sandy.
“Saka nag-iipon din ako apo, ayoko naman na ikaw lang ang nagtatrabaho para sa ating dalawa,” dagdag pa nito.
“‘La, bakit naman ho? Ikaw naman ang tumustos sa pag-aaral ko kaya ayos lang sa akin kung ako ang magtatrabaho para sa ating dalawa ngayong kaya ko na.” Mahaba ang paliwanag niya sa lola.
“Alam ko naman yun apo, at nagpapasalamat ako sa’yo, pero matanda na ako at gusto ko naman gugulin ang oras ko sa mga kapaki-pakinabang na bagay.”
“Alam mo na, hindi naman natin alam kung hanggang kailan lang ang itatagal ng sinuman sa mundong ibabaw,” dagdag pa nito.
Agad na nag-init ang sulok ng mata ni Mia nang marinig ang sinabi ng lola. Alam niya lahat yun. Hindi lang niya alam kung magiging handa ba siya sa pagkawala ng kanyang lola.
Siguro may mga bagay lang talaga na gusto si lola at baka nahihiya siyang ibili ang pera na ibinibigay ko sa kanya. O baka masyadong maliit ang binibigay kong pera.
Kaya naman nang mga sumunod na sweldo ay binigyan niya ng mas malaking pera ang lola, na alam niya namang hindi nito gagamitin.
“Ipunin mo na lang ‘yang pera mo para sa mga gusto mo, Mia,” ang laging sinasabi sa kanya ng kanyang lola.
Sa totoo lang, hangga’t maaari ay gusto niyang ibigay sa lola ang nakagisnang buhay nito. Masagana. Ngunit alam niya na kahit mahirap na ito ngayon ay naging masaya ito dahil sa mapagmahal na pamilya. Hindi naman mapaghanap ang lola niya.
Nagtataka lang si Mia kung saan ginagastos ng kanyang lola ang pera nito? Bihira naman itong lumabas. Lumalabas lamang ito kapag kasama nito si Aling Pacita, isa sa malalapit na kaibigan ng lola niya na kilala sa kanilang baranggay bilang isang sugarol.
Sugarol? May nabuong hinala sa kanyang isipan ngunit hindi pinansin ni Mia iyon.
Posible kayang nagsusugal ang kanyang lola? Madalas itong walang ginagawa. Dati nang muntikan malulong sa pagsusugal si lola. Muli ay hirit ng kanyang kontrabidang isip.
Hindi maialis ni Mia sa kanyang isipan ang mga bagay-bagay na pumapasok sa isipan niya kaya naman napagpasyahan niyang kumpirmahin ang hinala para sa kanyang ikatatahimik.
Maaga siyang pumasok ngunit hindi kagaya ng dati, umuwi siya ng bandang tanghali. Sinabi niya na lang sa lola niya na may aasikasuhin siyang papeles na naiwan niya sa bahay.
Maya-maya pa ay nagpaalam ito sa kanya na aalis saglit.
Dali-dali niyang sinundan ang lola na sumakay ng tricycle. Mukhang malapit lamang ang pupuntahan nito.
Nanlaki ang mata ni Mia nang huminto ang tricycle sa tapat ng isang bangko!
Tila yata totoo ang kanyang hinala? Nangungutang yata ang kanyang lola? Ngunit para saan?
Hindi umabot ng sampung minuto ang transaksiyon ng kanyang lola sa bangko. Mukhang kilala na ito ng babaeng tiga-bangko dahil sa laki ng ngiti nito nang magpaalam ang kanyang lola.
“Sa susunod po nating pagkikita, Lola!” sabi pa ng babae.
Ang sumunod niyang narinig ang mas nakapagpalinaw ng buong sitwasyon.
“Alam mo, napaka-swerte ng apo ni Lola Sandy,” sabi ng babaeng nakaupo sa Window 1.
“Bakit naman?” tanong ng katabi nito.
“Isipin mo, nagtatrabaho si Lola para sa pangarap ng apo niya!”
“Eh ano ba ang pangarap ng apo niya?”
“Isang enggrandeng kasal!”
Natigagal siya sa narinig dahil malinaw na malinaw sa kanya ang alaalang ‘yon.
“‘Mia, ano ang pangarap mo?” tanong ni Lola Sandy kay Mia.
“‘La, gusto ko lang ng enggrandeng kasal, kagaya ng sa inyo ni Lolo Delfin.” Napahagikhik pa ang batang si Mia nang mapatingin ito sa malaking larawan ng kanyang lola at lolo, na kinunan nung araw na ikasal ang mga ito.
“Ikaw talagang bata ka, kung ano ano’ng iniisip mo!” at pabirong kinurot ang pisngi ng apo.
Para sa kanya pala ang ginagawa ng lola niya.
Nagsisi siya sa padalos-dalos na pag-iisip ng kung ano-ano sa kanyang lola.
Pag-uwi niya sa bahay ay nakita niya ang kanyang lola na kontentong nanonood ng TV. Lumapit siya dito at bumulong, “Mahal na mahal kita, Lola Sandy. Maraming salamat sa lahat ng ginagawa mo para sa akin.”
Hindi ito sumagot ngunit naramdaman niya ang mabining paghaplos nito sa kanyang buhok.