Inday TrendingInday Trending
Ang Tunay na Nagmamay-ari ng Hacienda

Ang Tunay na Nagmamay-ari ng Hacienda

Lumaki sa puder ng kanyang ina ang binatang si Samuel matapos makipaghiwalay ang ginang sa dati niyang asawa. Hindi lingid sa kaalaman ng binata na ang kaniyang ama ay isang mayamang hasiyendero na nagmamay-ari ng malaking lupain. Ngunit wala siyang ideya kung gaano ito kalaki. Sa tuwing dumadalaw kasi siya sa kaniyang ama ay madalang siyang ipasyal nito sa hasiyenda.

Ngunit isang araw ay napagdesisyunan ng kanyang Amang si Don Manolo na ipakita sa anak ang buong hasiyenda. Taas ang noo nito habang nakasakay sa kaniyang kabayo na ipakilala ang kanyang anak sa lahat ng kanyang tauhan sa hasiyenda.

“Ito ang nag-iisa kong anak na si Samuel at ang nag-iisang tagapagmana ng lugar na ito. Kailangan ay ibigay ninyo sa kanya ang respeto na ibinibigay ninyo sa akin sapagkat balang araw ay siya na ang magmamay-ari ng lahat ng ito,” sambit ng mayamang hasiyendero.

Lahat at tumigil sa pagtatrabaho upang makinig sa ginoo maliban na lamang sa isang matandang lalaki na patuloy ang pagtatabas ng malalaking damo.

“Hoy, tanda! Hindi mo ba narinig ang sinabi ko? Bakit tila wala kang interes sa mga sinasabi ko? Gusto mo ay hagupitin na naman kita riyan?” muling wika ng lalaki. Hindi naman umimik ang matanda ay binitawan nito ang karet na kanyang dala ay humarap sa mag-ama.

“Ganyan! Matuto kang sumunod. Ang tanda mo na ngunit wala kang pinagkatandaan. Hindi nakakapagtaka na hanggang ngayon ay wala ka pa ring nararating sa buhay,” mariing wika ni Don Manolo.

Inawat naman ito ng kaniyang anak.

“Tama na po, papa. Matanda na siya. Dapat nga po ay hindi nyo na siya pinagtatrabaho sa lugar na ito,” giit ni Samuel.

“Huwag kang kumampi sa mga alipin na ‘yan, anak, sapagkat lalaki ang kanilang mga ulo. Gayahin mo na lamang ako. Kaya naging ganito kalaki ang ating lupain ay dahil sa kakayahan kong pasunurin ang mga iyan,” pagmamayabang ng ama.

“Ipagpatuloy niyo ang pagtatrabaho kung gusto niyong may makuhang sweldo sa katapusan!” sigaw na utos sa mga tauhan niya.

Nang makauwi sila sa mansyon ay hindi pa rin mataigil si Don Manolo sa galit nito sa matandang lalaki.

“Ang kapal ng mukha ng matandang iyon at sinusubukan niya talaga ang pasensiya ko!” bulong ni Don Manolo sa kaniyang sarili. Narinig pa ni Samuel na inutusan nito ang kanyang mga alagad upang pahirapan ang matanda.

“Pa, ano ho bang kasalanan sa inyo ng matandang iyon? Dahil lang ba sa patuloy siyang nagtatrabaho ng mga panahong nagsasalita kayo ay lubusan na ang galit ninyo d’yan? Sobra naman po ata ‘yan, papa,” wika ng binata.

Hindi maintindihan ni Samuel kung bakit ganoon na lamang ang galit ng ama sa matandang lalaki. Kaya kinabukasan ay pinuntahan ng binata ang matanda sa kanyang tahanan. Doon natagpuan niyang pinahihirapan ng mga tauhan ng kanyang ama ang matandang lalaki.

“Tama na ‘yan!” pag-awat ni Samuel. “Hindi na kayo naawa sa matanda! tigilan ninyo ang ginagawa ninyo sa kaniya!” utos ng binata.

Agad tinigilan ng mga kalalakihan ang pananakit sa matanda. Nang makaalis ang mga ito ay kinausap ni Samuel ang matanda upang malaman ang katotohanan.

“Huwag ho kayong matakot sa akin, narito po ako upang tulungan at mapakinggan ang daing ninyo. Hindi po tama na minamaltrato kayo rito,” sambit ng binata.

Napaluha naman ang matanda sa kanyang narinig.

“Alam kong may mabuti kang kalooban. Hindi ako nagkamali sa’yo,” panimulang wika ng matanda.

“Bakit ho ba ganito na lamang ang pagtrato sa inyo ng aking ama? Ano ho ba ang nagawa ninyo sa kanya?” tanong ni Samuel.

“Wala akong ginawa sa iyong ama bagkus ay siya pa ang may nagawa sa akin. Kinamkam ng ama mo ang lupaing minana ko pa sa aking mga ninuno. Ganid ‘yang si Don Manolo! Ginipit niya ako at tinakot. Porket wala akong pinag-aralan ay pinilit niya akong lagyan ng thumbmark ang papeles na dala nila rito noon. Ito pala ay isang kasulatan na ibinibigay ko sa kanya ang lupain ko,” patuloy sa pag-iyak ang matanda.

“Halos lahat ng mga lupaing nakikita mo ay hindi sa kaniya. Kinamkam lamang niya ito sapagkat suwapang siya!” daing ng matanda.

Nagulat si Samuel sa kanyang narinig at naramdaman niyang kailangang may gawin siyang aksyon sa hinaing na ito. Dagli siyang umuwi ng mansyon upang kausapin ang kanyang ama at nauwi ito sa isang pagtatalo.

“Ibalik ninyo sa maliliit na manggagawang ito ang kanilang lupain, papa. Hindi sa inyo ang mga ito. Huwag nyo silang pahirapan!” giit ni Samuel.

“Bakit ka kumakampi sa mga hampaslupang iyon, anak? Lahat ng ito ay mapapasaiyo rin. Nawala sa kanila ang mga lupa nila sapagkat lahat sila ay mga bobo!” sigaw ng ama. Nagpatuloy ang kanilang pagtatalo hanggang sa sumikip ang dibdib ni Don Manolo at atakihin ito.

Nagulantang si Samuel at agad niyang dinala ang ama sa ospital ngunit sa kasamaang palad ay binawian na ito ng buhay. Nagulat ang binata sapagkat marami pang natuwa sa pagyao ng kanyang ama.

Naiwan sa binata ang lahat ng lupaing pagmamay-ari ng kaniyang ama. Bilang kahalili ni Don Manolo ay minarapat ni Samuel na ibalik ang mga lupaing hindi nila talaga sa kanila. Una niyang ibinalik ang lupain ng matandang lalaking nagsiwalat ng bulok na ugali ng kaniyang ama.

Laking pasasalamat ng matandang lalaki at ng lahat ng mga naagawan ng lupa sa bago nilang amo. Mula noon ay naging isang paraiso na ito para sa mga mangagagawa.

Naging mas maunlad na ang hasiyenda simula ng manungkulan si Samuel sapagkat inuna niya ang kapakanan ng lahat ng nagtatrabaho dito. Dahil dito ay minahal saiya ng mga tao at naging pusigido sila sa kanilang ginagawa.

Advertisement