Hindi magkamayaw ang saya na nararamdaman ni Bea nang makita niyang mahigit sa isang daan na ang nag-like ng kaniyang larawan na naghihintay sa isang cafe na naipost niya sa social media. Halos hindi na niya matanggal ang kaniyang pagkakatitig sa kaniyang telepono sa pagbabantay ng mga reaksyon at komento sa nasabing post.
Mahilig kasing kumuha ng larawan ng kaganapan sa buhay itong si Bea. At sa tuwinang may maganda siyang larawan ay hindi ito makalalagpas sa kaniya upang i-post sa social media. Nariyan pa na magsasaliksik siya ng mga quote upang i-caption sa mga ito. Dagdag panghalina kasi ito sa mga makakakita.
“Titig na titig ka naman d’yan sa selpon mo!” sambit ni Nica, matalik na kaibigan ni Bea sabay upo sa tabi ng dalaga.
“Kanina pa kita hinihintay dito sa coffee shop. Bakit ang tagal mo?” tanong ni Bea.
“Napaka-trapik ngayon at nahirapan pa akong sumakay, punuan ang mga sasakyan,” tugon ni Nica. “Tara at umorder na tayo,” yaya ng dalaga.
Pagbalik ng dalawa sa kanilang mga upuan ay agad kinuhaan ni Bea ng larawan ang kanilang mga mamahaling inumin at saka ipinost muli sa social media. Ilang minuto pagkatapos maipost ay hindi pa rin iniaalis ng dalaga ang kaniyang tingin sa kaniyang selpon dahil naghihintay siya ng mga reaksyon.
Hindi na tuloy niya naiintindihan ang mga kinukwento ng kaniyang kaibigang si Nica.
“Huy, Bea, nakikinig ka ba?” tanong ni Nica.
‘Ano ulit ‘yun?” sambit ni Bea.
“Nako, masyado ka kasing abala sa telepono mo. Hayaan mo na ang kinukwento ko, hindi naman importante. Tara na mamili na lang tayo ng damit,” paanyaya ng kaibigan.
Saka umalis sa coffee shop ang dalawa. Kahit magkasama ay halos hindi makausap ng matino ni Nica si Bea sapagkat abala ito sa pagsagot ng mga komento sa kaniyang telepono.
“Bea, kung icha-chat ba kita ay papansinin mo na ako?” biro ni Nica sa kaibigan. “Kanina ka pa kasi abala sa telepono mo. Sana ay hindi ka na lamang nagpasama sa akin dito. Hindi na sana kita iniistorbo sa mga kwento ko,” pagtatampo nito.
“Pasensiya ka na sa akin. Natutuwa lang ako kasi ang daming likes agad ng pinost kong mga kape natin kanina. Hayaan mo itatago ko na itong telepono ko. Mamili na tayo,” pangako ng dalaga.
Ngunit hindi makatiis si Bea na hindi hawakan ang kaniyang telepono. Lahat halos ng kaniyang makita ay pinopost niya sa social media. Wala nang nagawa pa si Nica kung hindi hayaan na lamang ang kaibigan.
“Bea, baka mamaya ay lulong ka na riyan sa social media. Tandaan mo, maraming tao man ang natutuwa sa mga post mo ay marami ding walang pakialam at ang masama pa ay marami ring taong masama ang iniisip sa’yo. Kaya maging maingat ka sa pagpopost mo,” paalala ng kaibigan.
“Anong pakialam nila, eh, akin namang account ito? Gagawin ko ang lahat ng gusto kong gawin. Nasasakanila naman iyon kung magugustuhan nila o hindi. Basta ako, magpopost ako ng mga gusto ko,” pagrarason ni Bea.
Maggagabi na nang matapos ang dalawa sa pamimili. Dahil rush hour ay nahihirapang sumakay ang dalawa pauwi. Ilang sandali pa ay nakasakay na si Bea sa bus at si Nica naman ay sumakay na ng van.
Kahit siksikan ang bus ay sumakay na si Bea para makauwi lamang. Habang siya ay nakatayo ay nakita niya ang isang buntis na natayo rin ilang dipa ang layo sa kanya. Sa harapan ng buntis ay may isang lalaking nakaupo at nakapikit. Dahil sa hindi karaniwang tagpong ito ay agad niyang kinuha ang kaniyang selpon at nilitratuhan ang nakatayong buntis at nakaupong lalaki. At saka niya ito ipinost sa social media na may caption na:
Kakaiba na talaga ang mundo ngayon. Magtutulug-tulugan para huwag lang magpaupo kahit buntis. Hoy kuya halata namang hind ka talaga tulog. Wala kang kunsiderasyon sa mga buntis! Huwag sanang dumami ang kagaya mong lalaki sa mundo. Walang respeto!
Wala pang isang minuto pagkatapos niya itong ipost ay madami na agad ang nag-like nito. Umani ito ng maraming negatibong komento. Tuwang-tuwa si Bea habang dumadami ang mga taong nagbibigay ng kanilang reaksyon at kuru-kuro. Hindi siya makapaniwala na ibinabahagi pa ito ng ilan. Umabot ng ilang libong tao ang post na ito.
Kinabukasan habang nagbabasa ng komento si Bea ay may nagbigay sa kaniya ng mensahe na humihiling na burahin na ang larawan sapagkat hindi raw ito totoo. Nagpakilala itong kapatid ng lalaki sa larawan. Ngunit dahil sa naging sikat na ang larawan ay hindi na niya magawang tanggalin pa ito sapagkat nasasayangan siya sa atensyon na kanyang nakukuha.
“Pakiusap naman. Mabait ang kuya ko. Huwag mo siyang ipahiya ng ganito,” pakiusap pa ng kapatid ng lalaki. Ngunit hindi nagpatinag si Bea. Pakiramdam niya ay nasa tama siya sapagkat marami ang komentong umaayon sa kaniyang opinyon.
Biglang isang araw ay mga mga pulis na kumatok sa kanilang bahay at inaanyayahan siya sa opisina. Ang pamilya pala ng lalaki nasa larawan ay nagsampa na ng kaso laban sa kaniya.
“Isang paninirang puri ang ginagawa mo sa aking kapatid. Ilang beses ako nakiusap sa iyo ngunit gusto mo pang humantong tayo sa ganito. Baka ngayon ay maaari mo nang burahin ang post mo,” galit na sambit ng kapatid.
Maya-maya pa ay humarap na sa kaniya ang lalaki.
“Ako nga pala si Joseph,” wika ng lalaki. “Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan mo akong ipahiya ng ganoon. Wala naman akong masamang ginawa sa’yo o sa aking kapwa,” pahayag ng lalaki.
“Galing ako sa opisina ng mga sandaling iyon. Halos ilang araw na kaming walang maayos na tulog dahil may tinatapos kaming mahalagang proyekto,” paliwanag ni Joseph.
“Ang kuya ko lamang ang nagtatrabaho sa amin. Itinataguyod niya kaming limang magkakapatid. Siya rin ang nagpapaaral sa amin at nagpapagamot sa aming inang may karamdaman. Pinakamagaling at pinakamasipag siyang empleyado sa kaniyang trabaho. Ano ang karapatan mong siraan siya?” tanong ng kapatid ni Joseph.
Hindi na nakaimik pa si Bea sa kaniyang narinig. Hindi niya akalain na napakabuting tao pala ng lalaking ito. Nahiya na lamang siya sa kaniyang ginawa. Nalaman pa niyang nang magising pala ang lalaki ay pinaupo rin nito ang buntis. Lubusan ang paghingi niya ng despensa sa lalaki at pamilya nito ngunit buo ang kanilang loob na kasuhan ang dalaga.
Palaging mayroong tatlong panig ang kwento. Ang bersyon mo, bersyon niya at ang katotohanan. Huwag basta maniwala sa nakikita lamang ng ating mga mata. Maaring mayroon pang mas malalim na kwento sa likod nito.