Laging nakasimangot at walang ganang makiharap si Alma sa kanyang asawang si Obet. Palibhasa ay hindi talaga ito ang nais niyang makatuluyan ay lagi siyang iritable sa pakikitungo rito. Nang mabuntis kasi ni Obet si Alma dahil sila ay pawang mga lasing noon ay pilit silang ipinakasal ng kanilang magulang. Wala na silang nagawa pa sapagkat itatakwil sila ng mga ito.
Kahit na hindi nila talaga gusto ang isa’t-isa ay pinanindigan pa rin ni Obet ang pagiging tatay niya sa kanilang nag-iisang anak at ang pagiging asawa niya kay Alma. Natutunan na rin niyang mahalin ang misis sa paglipas ng panahon.
Pilit siyang nagtatrabaho bilang isang kusinero sa isang restawran upang itaguyod ang kaniyang mag-ina. Payak man ang kanilang pamumuhay, kahit kailan ay hindi naman sila nagkulang. Naibibigay lahat ng ginoo ang pangangailangan ng kanyang pamilya.
“Nag-uwi ako ng pansit, mahal. Tara at pagsaluhan natin. Tawagin mo na si Addie,” paanyaya niya sa asawa.
“Sige, ikaw na lang. Busog pa ako. Saka kung ikaw lang din naman ang kasabay ko ay wala akong gana,” sambit niya sa asawa sabay pasok sa silid.
Tinawag na lamang ni Obet ang kanilang anak na si Addie upang makasabay niyang kumain. Hindi maiwasan ng ginoo na masaktan sa tuwing ganito ang ipinapakita sa kanya ng kanyang asawa. Sa ganitong sitwasyon ay ang dati niyang kasintahan at malapit na kaibigan na si Delia ang kaniyang laging takbuhan.
“Hindi ko ba malaman sa’yo, Obet, bakit hindi mo pa mahiwalayan ang asawa mong ‘yan? Halata naman na wala siyang pagtingin sa iyo,” sambit ni Delia.
“Mahal ko ang asawa at anak ko. Saka baka ilayo niya sa akin si Addie. Nakakalungkot lang sapagkat sa loob ng anim na taong pagsasama naming mag-asawa ay hindi niya magawang mahalin ako,” malungkot na sambit ng ginoo. “Lahat naman ng makakaya ko ay ginagawa ko para sa kanya,” dagdag pa ni Obet.
“Mahal mo naman pala, Obet. Siguro ay tanggapin mo na lamang ang kaya niyang ibigay sa iyo,” wika ni Delia.
Napag-isip ni Obet na ganito na lamang ang kanyang gagawin. Patutunayan na lamang niya sa kanyang asawa ang kanyang pagmamahal hanggang buksan nito ang puso niya para sa kaniyang mister.
Binilhan niya ang asawa ng tsokolate, bulaklak at bagong damit. Gusto niyang ipakita kay Alma na ibibigay niya ang lahat maging maligaya lamang ang asawa sa kanyang piling. Marahan siyang pumasok ng bahay upang surpresahin ang misis. Ngunit paghawi ng kurtina ng kanilang silid ay narinig niya ang kaniyang asawa na may kausap sa selpon nito.
“Hindi ko na talaga kaya pang pakisamahan si Obet. Kunin mo na kasi ako rito. Sasama naman ako sa’yo, eh,” wika ng misis sa kausap niya sa kanyang telepono. “Bumabaliktad ang sikmura ko sa tuwing madidikit man lamang ako sa kaniya. Sa tuwing tatawagin niya akong mahal ay kinikilabutan ako. Parang awa mo na, Eddie, sunduin mo na ako at magsama na tayo,” pakiusap pa ng ginang.
Lubusang nasaktan si Obet sa kanyang narinig. Nang makakutob si Alma na may tao na sa kanilang bahay ay agad niyang binaba ang kaniyang telepono.
“Kanina ka pa ba d’yan?” tanong niya kay Obet.
Nagmaang-maangan ang ginoo. “Hindi, kararating ko lang. Ito, may regalo ako para sa’yo,” sambit ni Obet sabay abot ng mga regalo habang pinipigilan ang kanyang luha.
Pagkatanggap ni Alma ay tiningnan lamang sandali ang mga ito at saka inilapag sa kanilang kama at saka lumabas ng silid.
Kinabukasan ay nagtungo muli si Obet kay Delia upang humingi ng payo.
“Para sa isang babaeng walang kasintahan, asawa o minamahal, ang galing mong magbigay ng payo. Mabilis mong napapagaan ang kalooban ko. Salamat, Delia,” sambit ni Obet.
Natawa ang dalaga. “Oo, wala nga akong kasintahan at asawa pero mayroon akong minamahal,” sambit niya. “Pero huwag na nating pag-usapan kasi hindi naman ito mahalaga. Ang importante, kahit paano’y magaang na ang kalooban mo. Tandaan mo narito lang ako para sa’yo,” wika niya.
Nang umuwi si Obet ay nakita na lamang niya si Addie na nasa sala at umiiyak. Umalis na pala si Alma at tuluyan na itong sumama sa kanyang kalaguyong si Eddie. Walang nakakakilala sa lalaking ito kaya hindi niya matunton kung nasaan na si Alma.
Dahil nahihirapan si Obet na pagsabayin ang pag-aalaga sa anak at pagtatrabaho ay pinakisuyo muna niya ang anak kay Delia upang mag-asikaso pansamantala. Agad namang nagpaunlak ang dalaga. Sa tagal ng pagkawala ni Alma ay si Delia na ang naging ina kay Addie.
Dahil sa mabuting kalooban na pinakikita ni Delia ay hindi maiwasan ni Obet na mahulog muli ang loob sa dating kasintahan. Isang araw ay ipinagtapat ng ginoo ang kanyang tunay na nararamdaman kay Delia.
“Salamat sa paggiging ina sa anak ko, Delia. Gusto ko lamang sabihin na hindi man kita mapapakasalan ngayon ay baka pwede mong tanggapin ang pag-ibig ko,” sambitni Obet.
Laking kagalakan si Delia sa mga sinabi ni Obet sapagkat mula noon ay hindi siya tumigil sa pagmamahal sa ginoo. “Ikaw at ikaw pa rin ang nilalaman ng puso ko, Obet. Mahal na mahal kita,” tugon niya.
Nagsama sila Obet at Delia sa iisang bubong bilang isang pamilya. Hindi na sila nagkaroon pa ng balita kay Alma. Tila nakalimutan na rin ni Obet ang sakit ng panloloko sa kanya ng dati niyang asawa.
Isang araw habang nagtatanghalian ang pamilya ay dumating si Alma. Marami itong pasa at kita sa kaniyang itsura na dumaan siya sa matinding paghihirap.
“Obet, patawarin mo ako,” sambit niya sa ginoo. “Hindi naging madali ang buhay ko kay Eddie. Marami siyang bisyo. Madalas niya akong saktan. Gusto ko nang bumalik sa’yo,” wika ng ginang.
Kahit na nahahabag si Obet sa sinapit ng dating asawa ay hindi na niya ito maaaring tanggaping muli.
“Patawad, Alma. Pero wala ka nang babalikan dito. Masaya na kami ng anak mo kay Delia,” sambit ni Obet. “Hindi ko iniaalis sa’yo ang karapatan mo kay Addie ngunit hindi na tayo pwedeng mabuo bilang isang pamilya. Iniwan mo kami ng anak mo sa kabila ng lahat ng ginawa ko upang mahalin mo ako. Ngayon na hindi pabor sa’yo ang iyong sitwasyon ay basta mo na lamang kaming babalikan? Wala ka nang puwang sa bahay na ito, patawad,” wika pa ng ginoo.
Laking pagsisisi ni Alma sa kaniyang nagawa. Nilisan niya ang bahay na mabigat ang dibdib at umiiyak. Hindi nya akalain na huli na nang kanyang mapagtanto na si Obet ang tunay na nagmamahal sa kanya.
Samantala, Nag-ipon ng husto si Obet. Sa tulong na rin ng iba pa niyang kakilala ay napawalang bisa ang kanilang kasal ng dating asawa. Sa wakas ay napakasalan na rin niya si Delia at namuhay sila ng maligaya.