“O, sakay na, sakay na! Maluwag pa!” sigaw ng tiga-tawag ng pasahero ng isang jeep na kakadating lamang sa terminal dahilan upang mag-unahan ang mga pasaherong makasakay.
Pilit nakipagsiksikan ang magkaibigan na sina Deseree at Zia, gabi na kasi at malayo pa ang kanilang bahay. Ngunit pagkadating ng dalawa sa tapat ng jeep, isa na lamang daw ang pwedeng makaupo sabi ng lalaking tiga-tawag ng pasahero.
“Sabit na lang po ako, kuya! May bababa naman d’yan panigurado,” sambit ni Zia, “O, Deseree, pasok ka na do’n,” ‘ika niya sa kaibigan.
Dali-dali namang pinagsiksikan ng dalaga ang kaniyang sarili upang makaupo. Tila papaalis na kasi ang jeep na kanilang sinasakyan.
Ngunit tila napansin ni Deseree na grabe kung makatitig sa kaniya ang isang matandang babae dahilan upang balutin ng kaba ang kaniyang puso. Agad niyang ibinaling ang tingin sa ibang lugar ngunit tila ramdam niya pa rin na nakatitig pa rin ito sa kaniya. Hindi niya rin mawari kung bakit parang unti-unting lumalapit ang mukha nito sa kaniyang mukha.
Agad siyang napatili dahilan upang magtinginan sa kaniya lahat ng pasahero. Nanginginig siya sa takot dahilan upang puntahan siya ng kaniyang kaibigan. Agad siyang tinanong nito kung anong nangyari ngunit hindi siya makapagsalita, pagturo lamang sa matanda ang kaniyang nagawa saka nawalan ng malay. Ang huli niya na lamang narinig ay ang sumisigaw niyang kaibigan, “Manong, para na po, sa tabi na lang po!”
Magkababata ang dalawang dalaga. Sa katunayan nga, simula elementarya, magkaklase na sila hanggang ngayong nagtatrabaho na sila, magkasama pa rin sila. Dahilan upang makilala nila nang lubusan ang isa’t-isa.
Si Zia ay isang dalagang palatawa, palakaibigan at bibo ngunit tila kinabaliktaran niya naman ang kaibigan niyang si Deseree na tahimik, minsan lamang ngumiti at mahinhin. Bukod pa rito, may kakaibang katangian ang dalagang ito na lumabas lamang noong mawala ang kaniyang mga magulang.
Madalas kasi siyang nakakakita ng kung ano-anong elemento o lamang lupa. Minsang magugulat na lamang kaniyang kaibigan dahil bigla na lamang siyang tatakbo ng mabilis habang nanginginig sa takot, yun pala ay may nakikita na siyang kakaiba.
Kaya ganoon na lamang ang kaba ng kaniyang kaibigan sa tuwing nanginginig na ang dalaga, alam kasi nitong may nakikita na namang kakaiba ang kaniyang kaibigan.
Noong pagkakataong ‘yon, nagising na lamang si Deseree na nasa bahay na. Hindi man niya alam kung paano siya nakauwi, hindi na niya ‘yon inisip, kundi, agad agad niyang tinawagan ang kaibigan at pinipilit na hanapin ang matandang kinatakutan niya kanina.
“Bakit pa? Halos mawalan ka na nga ng buhay sa takot kanina!” sigaw ni Zia.
“Para kasing kailangan niya ng tulong, baka ako lang ang tanging makakatulong sa kaniya. Sige na, samahan mo ako ngayon,” giit ni Deseree, sa huli, sinamahan pa rin siya ng kaniyang kaibigan.
Ginawa ng magkaibigan ang lahat upang makita ang matanda. Nagawa nilang mahanap sa terminal ang drayber ng jeep. Sa kabutihang palad, natandaan nito kung saan pumara ang matanda.
Agad nilang pinuntahan ang lugar na sinabi ng drayber. Medyo liblib ito at nagsisitaasan ang damo. May mga kaunting tao at doon na nila pinagtanong ang matanda. ‘Ika ng iba, naninirahan daw ‘yon sa dulong bahay. Agad nila itong pinuntahan at kumatok sa bahay na ‘yon.
Ngunit nakailang katok na siya, wala pa ring lumalabas sa bahay dahilan upang sumilip sila sa likurang bintana ng bahay at ganoon na lamang sila napatalon sa takot ng makitang nakadungaw ito doon.
“Sino kayo at anong ginagawa niyo rito?” masungit na ‘ika nito. Doon na ikinumpisal ng dalaga ang kaniyang nakita’t naramdaman kanina sa jeep na sinasakyan nila. Nagulat naman siya nang humalakhak ito ng tawa. “Nahihibang ka na ata, ineng. Maayos ang buhay ko ngayon, sa katunayan nga, ang saya-saya ko. Imahinasyon mo lang ‘yon. Naku, magpatingin ka na, baka malala na ang sakit mo,” payo nito saka pinilit na silang umuwi dahil gabi na at delikado na sa daan.
Bahagyang napaisip ang magkaibigan sa sinabi ng matanda.
“Deseree, baka nga tama siya, baka imahinasyon mo lang ‘yan. Magpatingin ka na kaya sa doktor?” sambit ni Zia, saka inakbayan ang kaibigan.
“Yun nga rin ang iniisip ko, eh. Napapagod na ako sa lahat ng nakikita ko. Samahan mo ako bukas?” sagot ni Deseree saka pilit na ngumiti.
Kinabukasan, agad na nagtungo ang dalawa sa isang psychologist o doktor sa pag-iisip. Doon nila nalaman ang totoong estado ng emosyon at utak ng dalaga. Mayroon pala siyang disorder sa utak buhat ng pagod at masyadong pag-iisip dahilan upang makakita siya ng kung ano-ano. Tila naiiisip niyang totoo ang kaniyang mga imahinasyon.
Sumailalim sa ilang therapy ang dalaga at ilang buwan lang ang nakalipas, parang bula nawala ang kaniyang mga nakikitang lamang lupa. Doon na nagsimulang sumigla ang dalaga. Dahil nga kaunti na lamang ang iniisip, napagtuunan niya ng pansin ang ibang tao at nagkaroon ng marami pang kaibigan.
Labis naman ang saya ni Zia sa paggaling ng kaniyang kaibigan. Sa wakas, mapapanatag na rin ang kaniyang loob sa tuwinang kasama niya ito.
Hindi lahat ng ating nakikita ay totoo, maaaring ang iba ay kathang-isip lamang o buhat ng imahinasyon.