Inday TrendingInday Trending
Sampal ng Katotohanan

Sampal ng Katotohanan

“Grabe! Ang gwapo talaga ni Khian, ‘no? Hindi ko alam kung bakit hindi ba ako mapansin-pansin no’n! Mantakin mo, ha, magkaklase kami ng apat na taon sa kolehiyo, tapos hindi man lang ako nagustuhan kahit isang beses? Maganda naman ako, ‘di ba?” sambit ni Isha matapos makita ang litrato ng lalaking hinahangaan sa social media.

“Maganda ka nga, maganda ba ugali mo?” pambabara naman ng kaniyang katrabahong si Faye saka bahagyang humagikgik.

“Maganda ang ugali ko depende sa kaharap ko! Tigilan mo panghuhusga sa akin!” depensa naman ng dalaga saka bumalik sa paggamit ng selpon.

“Talaga ba? Eh, bakit pinahiya mo yung drayber kagabi, mabait naman siyang naningil sa’yo!” sagot ng kaniyang katrabaho saka siya tinaasan ng kilay.

“Eh, basta! Naiinis ako no’n, eh. Nakisabay pa siya, hindi marunong maghintay, magbabayad naman!” paliwanag pa niya saka umirap sa katrabaho.

“Ayan, ‘yan ang dahilan!” panunuksong tugon nito bigla naman siyang bahagyang sinabunutan ng dalaga saka tuluyan nang nagpaalam, dumating na ang oras ng kanilang uwian.

Dalawang taon na simula noong makapagtapos ng pag-aaral ang dalaga. Kasalukuyan na siya ngayong nagtatrabaho sa isang bangkong noon pa man ay pinapangarap na niya. Masaya siyang maabot ang kaniyang pangarap dahil sa murang edad niya nagagawa na niyang tustusan ang kaniyang pamilya.

Ngunit, hindi pa rin kuntento ang dalaga sa buhay na mayroon siya. Pakiramdam niya, may kulang pa rin sa kaniyang buhay. ‘Ika niya, “Kaya siguro hindi ako totoong masaya, dahil hindi ko pa siya napapa-ibig.”

Lalo niyang napatunayang ito ang kulang sa kaniya nang makita niya ang litrato nito at labis na kasiyahan ang kaniyang naramdaman. Doon niya napagdesisyunang puntahan ito sa trabaho, alam niya naman kung saan ito dahil palagi niyang tinitignan ang social media accounts ng binata.

Kinabukasan, tinotoo nga ng dalaga ang kaniyang balak. Desperada na siyang mapa-ibig ang binata kaya naman nilutuan niya ito ng ulam na palagi nitong binibili noon sa kanilang kantin, kare-kare.

Niluto niya ito ng buong puso at puno ng pagmamahal, naalala niya kasing ito raw ang sikretong sangkap ika ng kaniyang lola noon. Ngunit noong nasa bus na siya, tila bahagya siyang natapilok sa paa ng isang binatang naka-mask at sumbrero, at muntik nang matapon ang pinaghirapan niyang ulam. Agad niya itong binungangaan.

“Ano ka ba naman? Nasa bus ka tapos yung paa mo paharang-harang! Muntik na matapon ‘tong niluto ko! Alam mo ba kung magkano ang nagastos ko rito? Mahal pa sa triple ng pamasahe sa Maynila!” sigaw niya dito pero hindi siya nito pinansin at nagpatuloy sa pagtulog.

Inis na inis na umupo ang dalaga sa likurang upuan ng lalaki. Padabog niya pang sinipa ang upuan nito sa sobrang inis niya.

Maya-maya pa, pababa na ang dalaga, ngunit muntikan na namang matapon ang dala niyang ulam dahil pagdaan niya kung saan nakaupo ang lalaking nakatisod sa kaniya sakto namang tayo nito dahilan upang masanggi nito ang hawak niyang tupperware.

Galit na galit na ang dalaga dahilan upang tawagin niya ito at duru-duruhin pagkababa nila ng bus.

“Hoy! Ikaw!” tawag niya sa lalaki, “Nananadya ka ba talaga? Dalawang beses mo nang muntikan matapon ‘tong dala ko!” bulyaw niya.

“Hindi ko sadya, Isha,” ‘ika ng binata, nagulat naman siya dahil kilala siya nito. Nakilala niya rin ang boses ng binata dahilan upang habulin niya ito.

“Sa-saglit!” sigaw niya dahilan upang mapatigil ulit ang lalaki, bahagya na itong iritable dahil tirik na tirik ang araw, tinanggal ng lalaki ang kaniyang mask at sumbrero, saka nagpunas ng pawis.

Doon natuluyang natapon ang bitbit ng dalaga, tila nagulat siya na ang lalaking kanina pa pala nakakadisgrasya sa kaniya ay ang lalaking pinapantasya niya.

“Isha, hindi ko naman sinasadya talaga. Pasensya ka na. Pwede na ba akong umalis? Late na kasi ako, eh. Saka sana sa susunod, tumanggap ka ng pagkakamali ng iba, tao lang rin kami katulad mo,” sambit nito saka naglakad nang mabilis palayo sa kaniya.

Parang gumuho ang mundo ng dalaga noong mga pagkakataong iyon. Naisip niya, labis na pala talaga kasama ang kaniyang ugali nang hindi niya napapansin. Agad niyang tinawagan ang kaniyang katrabaho at sinabi lahat ng nangyari. Pinayuhan siya nito na labis na tumama sa kaniyang puso’t isip.

“Isha, didiretsuhin kita, ha? Kahit anong ganda mo at ng trabaho mo, kung pangit ang ugali mo, hindi ka talaga niya magugustuhan. Subukan mong magbago, kung hindi ka pa rin niya magustuhan, hindi siya para sa’yo,” sambit nito na nakapagpaiyak sa dalaga.

Masakit man para sa kaniya ang mga sinabi ng kaibigan, tinrato niya itong inspirasyon para magbago. Unti-unti niyang kinokontrol ang sarili sa tuwinang mahaharap sa mga sitwasyong susubok sa kaniya.

Matagumpay naman siyang nagbago ngunit tila hindi talaga siya gusto ng binatang pinapangarap niya. Kaya naman, tinigilan na niya ito at mas pinagtuunan ng pansin ang sariling paglago na naging dahilan naman upang ganoon dumami ang taong nakakapalagayan niya ng loob.

Siguro nga’y hindi pa para sa kaniya ngayon ang pag-ibig. Siguro rin, binibigay pa siya ng panahon upang buuin ang sarili bago magmahal. Hindi man nagtagumpay sa pag-ibig, nagtagumpay naman sa trabaho ang dalaga. Na-promote siya dahilan upang ganoon niya matulungan ang kaniyang pamilya.

Tunay at harapang husga ang talagang makakapagpagising sa natutulog na kabutihan sa puso. Nawa’y huwag natin itong itratong masama, kundi gawing inspirasyon upang magbago.

Advertisement