“Aba, ineng, mag-iinom ka na naman? Halos isang buong linggo ka nang nandito sa bar ko. Hindi ka ba papagalitan ng mga magulang mo? Baka mamaya idemanda ng mga ‘yon ang negosyo ko, ha? Menor de edad ka pa at pinagbigyan lang kita,” pag-aalala ni Aling Naomi, may-ari ng nasabing bar.
“Ayos lang po, wala naman silang pakialam na sa akin,” sagot ni Shy sabay tungga ng binili niyang alak.
“Ano bang nangyari? Pwede mo namang sabihin sa akin. Pangako, pakikinggan kita ng walang halong panghuhusga,” puno ng sinseridad na sambit ng ale, at doon na nga tuluyang bumuhos ang luha ng dalaga.
Nag-iisang anak ang dalagang si Shy dahilan para halos lahat ng kaniyang luho, binibigay sa kaniya. Mapa-sapatos man na mamahalin o selpon, hindi nagdadalawang isip ang kaniyang mga magulang na ibigay ito sa kaniya dahil ito na lang ang kanilang paraan upang makabawi sa kaniya. Parehas kasing aligaga ang dalawa sa negosyo nila dahilan upang hindi nila mapatnubayan ang kanilang anak.
Ngunit noon ‘yon, dahil ngayong labing pitong taong gulang na siya, tila labis na sumadsad sa pagbagsak ang negosyo ng kaniyang mga magulang na nauwi sa matinding nilang pag-aaway.
Sa katunayan nga, halos araw-araw nagkakasumbatan ang mga ito sa mga gastusin sa bahay dahilan upang labis na maaapektuhan ang dalaga. Wala na nga kasi silang oras para sa kaniya simula pa noong bata siya, talakan at sumbatan naman ang lagi niyang naririnig ngayong nasa bahay na ang mga ito.
Dagdag pa dito, tila lalong lumalim ang sugat sa kaniyang puso nang marinig na nais nang maghiwalay ng kaniyang mga magulang. Doon niya naisip, “Talaga bang wala lang ako para sa inyo?” dahilan upang ganoon niya ilulong ang sarili sa alak. Dahilan niya, panandalian niyang nakakalimutan lahat ng kaniyang problema kapag siya’y nakakainom at nalalasing na labis na nakapagbigay bahala naman sa may-ari ng iniinuman niyang bar.
Noong araw ring ‘yon, bago bumuka ang bibig ng dalaga upang maglabas ng sama ng loob sa ale, biglang dumating ang kaniyang ina at pilit siyang pinapauwi sa kanilang bahay. Galit na galit na ito at halos itaob ang lamesa kung nasaan ang dalaga’t ale. Pilit siyang kinalma ng may-ari dahil nga naiistorbo ang ilang customer ngunit ayaw nitong magpaawat. ‘Ika niya, “Anak ko ‘yan! Kaya sa ayaw at gusto niya, uuwi siya dahil magulang niya ako! Kailangan niya akong sundin!”
Ngunit tila nakainom na ang dalaga kaya naman, nasagot niya ang kaniyang ina.
“Magulang? Natatawag mo ang sarili mong magulang? Magulang ka ng ano? Ng pera mo? O ng negosyo mo?” dahilan upang lalong magwala ang kaniyang ina kaya napilitan ang may-ari ng bar na humingi na ng tulong sa mga security guard at palabasin na ito.
Naiwan namang halos umiiyak ang dalaga buhat ng kahihiyan at sakit na nararamdaman. Halo-halo na ang emosyong bumabalot sa puso niya.
Agad siyang nilapitan ng aleng may-ari ng bar at pinapunta siya sa opisina nito. Doon siya nito kinausap. Noong una’y ayaw niyang magsabi rito ng hinanakit pero hindi kalaunan noong yakapin siya nito, doon na siya nakaramdam ng labis na bigat sa puso dahilan upang unti-unti niyang mailabas ang kaniyang mga sama ng loob.
“Anak pa pala ang turing nila sa akin, akala ko aso na lang na palaging naghihintay sa kanila na umuwi tapos bibigyan lang nila ng pasalubong, ayos na,” hikbi ng dalaga.
“Alam mo, naiintindihan kita. Mahirap talagang maipit sa problema ng mga magulang, pero alam mo, hindi mo kailangang sirain ang buhay mo dahil sa kanila. Magulang mo nga sila, pero hindi sila ang buhay mo. Sabihin na nating may pagkukulang sila, pero hindi rason ‘yon para kainisan mo sila o ilulong mo ang sarili mo sa bisyo. Tandaan mo, ikaw ang siyang nagkokontrol ng buhay mo, hindi sila. Nandyan lang sila para umalalay sa’yo. Kung hindi nila nagagampanan ‘yon, handa akong tulungan ka,” nakangiting ‘ika ng ale at doon napagtanto ng dalagang hindi pa tapos ang lahat para sa kaniya.
Tinulungan nga ng ale ang dalaga na makabangon. Lagi siya nitong pinapapunta sa bar hindi para mag-inom kundi para magkamustahan. Minsan pa nga, kapag malaki ang benta, pinapasyal niya ito kung saan kasama ang kaniyang mga anak. Doon naramdaman ng dalaga na may tao pa palang pwedeng magmahal sa kaniya.
Ilang buwan lang ang nakalipas, umayos na ang pakiramdam ng dalaga. Naging maayos na rin ang relasyon ng kaniyang magulang dahil sa tulong ng ale. Kinausap niya ang mga ito tungkol sa pagsubok na kinakaharap ng dalaga dahilan upang matauhan ang mga ito.
Imbes na magsisihan sila, nagtulungan sila upang maitaguyod ang bumagsak na negosyo at upang buuin muli ang kanilang pamilyang muntik nang magkahiwa-hiwalay.
Nagtagumpay naman sila dito at tuluyan nang nakabawi sa anak. ‘Ika ng kaniyang ina, “Hindi pa huli ang lahat anak, magsisimula ulit tayo!” na naging dahilan upang magkaroon ng lakas ang dalaga at muling mabuo ang duguan niyang puso.
Wala nang mas sasaya pa sa dalaga noong mga oras na ‘yon dahil bukod sa napagtutuunan na siya ng pansin ng kaniyang mga magulang, may isa pa siyang tinuturing na magulang na talaga nga namang labis ang naitulong sa kaniya.
Hindi alak ang nakapagresolba ng kaniyang problema, kundi ang may-ari ng bar na pinag-iinuman niya.
Madalas kapag nahaharap tayo sa problema, bisyo kaagad ang una nating naiisip na makakapagresolba nito. Mangyari lamang na isipin nating hindi ito ang solusyon, kundi mga taong handang pakinggan ang hinaing natin sa buhay at tulungan tayong makaahon.