Ang Kayamanan ni Lola Adelfa
Sa pagkawala at pagkalibing sa kanilang Lola Adelfa, isang kalatas ang natanggap ng mga apong sina Mirriam, Caloy, at Set. Sila ay magpipinsan ngunit hindi sila magkakasundo dahil na rin sa hidwaan ng kanilang mga magulang.
“Mga apo, sa oras na mabasa ninyo ang kalatas na ito, natitiyak kong nakabaon na sa lupa ang aking katawan. Subalit isang hamon ang nais kong iwan sa inyo. Hanapin ninyo ang pamana kong kayamanan sa inyo. Sa sinumang makakatagpo nito sa aking baul, ikaw na ang bahala.”
Kaya naman, agad na nagtungo ang magpipinsan sa lumang mansyon ng kanilang yumaong lola. Nagkagulatan sila dahil hindi nila akalaing lahat sila ay nakatanggap ng kalatas mula kay Lola Adelfa.
“Huwag ninyong sabihing nakatanggap din kayo ng sulat mula kay lola? Sa akin niya pinamana ang kayamanan niya,” sabi ni Mirriam. Siya ang pinakamatanda sa lahat. Nagmamay-ari siya ng isang botika.
“Ako rin nakatanggap,” sabi naman ni Caloy na isang inhinyero. Ipinakita rin ni Set ang kaniyang sulat.
“So, paunahan na lang tayo kung sino ang makakakuha. Treasure hunting pala ang trip ninyo,” sabi ni Caloy.
Nagsimula na ngang galugarin ng tatlong apo ang mansyon ni Lola Adelfa. Nakalagay umano ang kayamanan ni Lola Adelfa sa loob ng isang baul. Nagtungo si Mirriam sa loob ng malaking silid-tulugan ni Lola Adelfa. Hinalungkat niya ang mga antigong aparador nito, ang ilalim ng mga mesa, ang ilalim ng kama, maging sa sulok-sulok, subalit wala siyang natagpuang lumang baul.
Sumunod namang naghagilap ng lumang baul si Caloy. Tiningnan niya ang bawat kasulok-sulukan ng bawat mansyon ni Lola Adelfa ngunit wala siyang nakita, gayundin si Set.
“Wala akong nakitang baul, maliban na lamang kung itinago ninyo talaga para hindi ko makita,” bintang ni Mirriam sa dalawang pinsan.
“Sa tingin mo ba magagawa ko ang ibinibintang mo? Hindi ko magagawa iyon. Baka kayo? Tandaan ninyo, niloko ng mga magulang mo ang mga magulang ko sa negosyo. Kayo ang mga manloloko at mandurugas!” galit na sabi ni Set kay Mirriam.
“Tumigil na nga kayong dalawa. Ang mabuti pa magtulong-tulong na lang tayo para mahanap na natin ang baul ni Lola at mapaghatian na natin ang mga kayamanan niya,” mungkahi ni Caloy.
Nagkatinginan sina Mirriam at Set.
“Anong sinasabi mong hati? Walang hatiang magaganap. Kung sino sa atin ang unang makakita ng kayamanan sa kaniya mapupunta iyon at sa pamilya niya,” sabi ni Set.
“Huwag kang suwapang. Payag ako sa sinabi ni Caloy. Para matapos na ito,” pagsang-ayon ni Mirriam sa pinsang si Caloy.
Halos hindi tumigil ang tatlo sa paghahanap sa nawawalang baul hanggang sa makaramdam sila ng pagkahapo at pagkapagod. Gusto na nilang sumuko subalit malaking pera kasi ang naiisip nila na magiging kapalit sa kanilang paghahanap.
Hanggang sa naawa sa kanila ang katiwala ni Lola Adelfa na si Aling Antonia. Itinuro nito sa kanila kung nasaan ang kayamanan ni Lola Adelfa. Isang malaking lumang baul na nasa basement ng mansyon.
Nasasabik na binuksan ng tatlong magpipinsan ang malaking baul at nagulat sila sa laman nito.
Naglalaman ang baul ng mga photo album. Makikita sa bawat photo album ang masasayang alaala noong magkakasundo pa ang kanilang mga magulang noong bata pa ang mga ito.
“Ito ba ang kayamanan ni lola?” dismayadong pahayag ni Set.
Kinuha ni Mirriam ang isang liham na kalakip ng mga photo album.
“Mga apo, kayong pamilya ko ang aking yaman. Sana tulungan ninyo akong mapagkasundo ang inyong mga magulang. Kayo ang aking ginto.”
Nagsalita mula sa kanilang likuran si Aling Antonia.
“Para sa inyong lola, kayo ang kaniyang kayamanan. Kabilin-bilinan niya sa akin ang isang pakiusap bago siya mawala na sana raw ay muli kayong magbuklod bilang isang pamilya. Kayo bilang mga apo ang makagagawa noon. Sana naman, kumbinsihin ninyo ang mga magulang ninyo na putulin na ang anumang hidwaang namuo. Magkapatawaran na sana sila,” pakiusap ni Aling Antonia.
Nagkatinginan ang magpipinsan. Para silang binuhusan ng malamig na tubig. Tila sinundot ang kanilang mga konsensya. Naging mabuting lola sa kanila si Lola Adelfa kaya’t nararapat lamang na pagbigyan ang mga hiling nito.
Kaya naman, gumawa ng paraan ang tatlong magpipinsan upang mapag-ayos ang kanilang mga magulang batay na rin sa kahilingan ng kanilang yumaong abuela. Batay sa kanilang pakiusap, natuldukan na nga ang kanilang mga hidwaan alang-alang sa kanilang butihin at pinakamamahal na lola.