Inday TrendingInday Trending
Multo Ng Nakaraan

Multo Ng Nakaraan

Ganoon na lang ang nadaramang tuwa ng ngayon ay mag-asawa nang sina Sonny at Jessa. Naging successful kasi ang kanilang pag-iisang dibdib na ginanap nang araw na iyon. Isang garden wedding ang isinagawa sa isa sa pagmamay-aring five star hotel ni Sonny. Tinupad ng lalaki ang pinapangarap na kasal ni Jessa.

“Picture taking muna tayo, guys!” hiyaw ng kaibigan ni Jessa na si Lindsay na siya rin nilang kinuha bilang photographer ng kanilang kasal. Nakangiti ang lahat.

Masayang-masaya ang mag-asawa habang kinukunan sila ni Lindsay ng litrato. Walang pagsidlan ang kanilang nadaramang tuwa, habang nasa reception sila ng kanilang kasal na ginanap naman sa lobby ng magarang hotel na iyon.

Maraming masasarap na pagkaing nakahain sa hapag. Magagara ang mga kubiyertos, pati na rin ang disenyo ng buong lugar. Hindi kailan man inakala ni Jessa na mararanasan niya ang ganitong buhay. Simula nang mahalin niya si Sonny ay naging maganda na ang takbo ng dati ay miserable niyang buhay.

“I love you so much, sweetheart,” sabi ni Jessa sa kaniyang asawa habang naluluha-luhang hinahawakan ang mukha nito.

“I love you too, sweetheart, and I thank you a lot, na pinili mo pa rin ako kahit alam mong may nauna na akong naging asawa,” naluluha ring sagot naman ni Sonny kay Jessa.

“Bakit naman hindi? Wala naman akong balak na pigilan kang mahalin ang unang asawa mo, kahit nasa kabilang buhay na siya. Alam mo kung bakit? Dahil alam ko namang ganoon kang magmahal, sweetheart, at tanggap ko ang buo mong pagkatao,” sagot pa ni Jessa.

Hinawakan ni Sonny ang kaniyang kamay at hinalikan. “Alam kong hindi dapat ako nalulungkot ngayon dahil araw ng kasal natin. Kaya lang, hindi ko maiwasang kabahan… alam mo naman ang kuwento tungkol sa amin ng dating asawa ko, hindi ba? Hindi ko siya kayang bigyan ng anak, kaya nagdulot iyon sa kaniya ng depression.” Napabuntong-hininga na lang si Sonny.

“Huwag kang mag-alala, sweetheart, gaya ng sinabi ko kanina, tanggap ko ang buo mong pagkatao. Tanggap ko ang lahat sa ʼyo.” Ngumiti si Jessa bilang pagbibigay pa ng assurance kay Sonny.

Akmang sasagutin na ni Sonny ang kaniyang sinabi nang bigla silang lapitang muli ni Lindsay. Ang ipinagtaka lang ng mag-asawa ay kung bakit tila balisa ito.

“Bakit, Lindsay, may problema ba?” bakas ang pag-aalalang tanong ni Jessa sa kaibigan.

“Actually, hindi ko alam kung problema nga ba ito. But I just want to inform you immediately, para makapag-isip kayo kaagad kung ano ang dapat gawin. Iʼm really sorry if I had to do this on your wedding day,” nababagabag pang paliwanag ni Lindsay sa mag-asawa.

“Alright, what is it?” Sumeryoso ang mukha ni Sonny.

“This…” wika naman ni Lindsay bago agad na ipinakita ang isa sa kanilang mga pictures kanina kung saan may isang pigura ng babaeng nakaputi ang sumingit sa litrato nilang mag-asawa.

Ganoon na lang ang kilabot na kanilang naramdaman matapos makilala ang babae sa larawan. Matapos kasing i-zoom in ni Lindsay iyon ay lumabas ang mukha ng dating asawa ni Sonny na noon ay pumanaw na buhat nang magkasakit ito.

“Matapos ma-depress ng dati kong asawa ay naging napakamagagalitin niya sa akin. Isinisisi niya sa akin ang lahat, lalo na nang magkasakit siya. Hanggang sa mawala siya sa mundo, alam ko kung gaano kalaki ang galit niya sa akin, at alam kong ako rin ang sinisisi niya. Ayaw niya akong maging masaya…”

Bumuhos ang luha sa mga mata ni Sonny matapos sabihin ang mga salitang iyon sa harap ni Lindsay at ng kaniyang asawa, habang si Jessa naman ay hindi nakaimik at napaisip nang malalim. Saglit na namayani ang katahimikan sa pagitan nilang tatlo.

“Anoʼng gagawin nʼyo ngayon?” tanong ni Lindsay sa kanila.

“Weʼll pray for her. Ipagdasal natin ang dating asawa ni Sonny, dahil kailangan niya iyon. Puno ng galit ang kaniyang puso at tanging ang Diyos lamang ang may kakayahang mag-alis niyon sa kaniya. Naniniwala akong hindi tayo pababayaan ng Diyos,” ang matatag at taas noong sagot naman ni Jessa sa kaniya.

Sa pagkakataong iyon ay napangiti si Lindsay. Nang marinig niya ang mga katagang iyon mula sa kaibigan, alam niya, na kahit anong mangyari ay magiging matatag ang relasyon ng mga bagong kasal.

“Swerte ka, Sonny. Nawalan ka man noong una, bumawi naman ang kapalaran sa iyo kay Jessa. Magpakatatag ka at sundin natin ngayon ang sinabi ng asawa mo.” Pagkatapos ay tumayo na si Lindsay upang mag-announce sa mga naroon sa reception na mag-aalay sila ng dasal para sa dating asawa ni Sonny at dasal na rin para sa kapayapaan ng pagbabagong buhay nito, kasama ang bagong asawang si Jessa.

Makalipas ang ilang taon ay nanatiling matatag ang pagsasama ng dalawa. Simula nang araw na iyon ng kanilang kasal ay hindi na kailan man sila ginambala pa ng nakaraan.

Advertisement