Inday TrendingInday Trending
Usiserong si Enchong

Usiserong si Enchong

Hindi lamang mga babae ang kilalang usisera at tsismosa sa lugar na iyon sa Maynila. Dahil may isang taong pinakakilala sa pagiging usisero nito, kahit kalalaki nitong tao… si Enchong.

Madalas siyang nahuhuling dumudungaw sa mga bintana ng bahay ng mag-aasawang nag-aaway sa kanilang lugar. O ‘di kaya ay nakatambay sa tapat ng tindahan ni Aling Bing na isa ring tsismosa, upang makipaghadharan dito. Maraming taong napapailing na lamang sa ugaling iyon ni Enchong na animo malalagutan ng hininga kapag wala itong nasagap na bagong balita tungkol sa kaniyang mga kabaranggay.

“Mare, may ramble daw na nangyari sa labasan, sa pagitan ng mga kabataan sa magkaibang school. Grupo-grupo raw, tapos kaniya-kaniya pang dala ng tubo!” dinig ni Enchong sa naparaang dalawang nanay na galing sa palengke habang siyaʼy naghihithit-buga ng usok ng kaniyang sigarilyo. Nagroronda na naman kasi si Enchong sa paligid ng kanilang baranggay, dahil wala naman siyang trabaho. Umaasa lang siya at palamon pa rin ng kaniyang inang tindera ng isda sa talipapa.

“Talaga, mare? Naku, delikado na talaga ang mga kabataan ngayon!” komento naman ng kausap ng babaeng naringgan niya ng panibagong balita.

Agad na namang nabuhay ang kyuryosidad sa katawan ng usiserong si Enchong kayaʼt dali-dali siyang nagtungo sa lugar na sinasabi ng dalawa. Nagbabakasakaling maabutan pa niya ang mga nagra-rambulang kabataan.

“Pare, nasaan na ʼyong mga nag-aaway daw ditong kabataan kanina?” tanong ni Enchong sa nakasalubong na kakilala.

“Ah, ayun. Pinagdadampot na ng mga pulis,” tila naman walang kagana-ganang sagot ng kausap.

“Ganoʼn ba? Sayang, hindi ko naabutan!” Napapitik pa sa hangin si Enchong sa panghihinayang niyang hindi niya naabutan ang insidente.

“Naku, pare, tigilan mo na nga ʼyang kauusisa mo sa mga bagay na wala ka namang kinalaman. Baka mamaya niyan, iyan pa ang ikapahamak mo. Para kang reporter, e!” pangangaral ng kaniyang kakilala na agad namang nginiwian pa ni Enchong.

“Baʼt naman ako mapapahamak? Wala naman akong ginagawang masama,” pagdedepensa niya pa sa kaniyang sarili.

“Kung sa babae, tsismosa na ang tawag sa katulad mo, pare. Hindi ka ba nahihiya noʼn? Kalalaki mong tao,” direktang pahayag pa ng kaniyang kausap na tila ikinapikon pa ni Enchong.

“Aba! Kung makapagsalita ka sa akin, akala mo malinis ka, ah! Akala mo yata, hindi ko alam na kabit mo si Mindang!” biglang banat pa ni Enchong dito. “May nakakita sa inyo na nag-aabutan kayo ng pera habang tuwalya lang ang suot ni Mindang! Aba, pare, mahilig ka pala sa bata. Highschool student pa lang ʼyon, ah!”

Napakunot naman ang noo ng kaniyang kausap. “Ano kamo? Abaʼy kapatid ko ʼyon, ah! Paano ko magiging kabit ang sarili kong kapatid?!” Napamura pa ang kausap dahil sa galit nito sa kaniyang sinabi.

Natigilan si Enchong. Ngayon ay hindi niya alam kung paano pa niya babawiin ang sinabi!

“Antayin mo ako diyan, gag* ka!”

Nagmamadaling umuwi ang kausap na kilalang tagasaway ng mga siga sa kanilang lugar. Ang pangalan nito ay Bito. Mabait itong tao, ngunit mahigpit kung ito ay kakalabanin mo.

Sa takot ay nagtatakbo tuloy si Enchong at nagtago sa ʼdi kalayuan. Maya-maya pa ay nariyan na at parating si Bito, kasama ang ilan sa mga kamag-anak nitong bato-bato rin ang katawan. Alam ni Enchong na kapag siyaʼy nakita ng mga ito, magiging animo siya piping lata dahil sa payat niyang iyon.

Inabot ng maghapong hindi nakauwi sa kanila si Enchong dahil sa takot kay Bito. Minabuti niyang matulog sa kalsada. Ngunit hindi pa rin pala siya ligtas doon dahil kalaunan ay natagpuan din siya ng mga ito. Halos malagutan si Enchong ng hininga, matapos pagtulung-tulungan ng mga magkakamag-anak dahil sa pagiging malisyoso ng kaniyang bibig at pagiging usisero niya. Mabuti ngaʼt binuhay pa siya ng mga ito!

“Siguro naman, magtatanda ka na! Matuto kang itikom ʼyang bunganga mong tsismoso ka!” huling saad ni Bito bago siya iwan ng mga itong lupaypay na at duguan sa kalsada.

Simula nang araw na iyon ay bibihira nang makitang lumabas ng kanilang bahay si Enchong. Madalas ay tumutulong na lamang ito sa ina sa pagtitinda sa talipapa. Inabot ng ilang linggo bago siya siya naka-recover sa pambubugbog na tinamo niya sa angkan nina Bito, ngunit hindi na niya naisipan pang magsampa ng kaso, laban sa mga ito. Napagtanto niyang kasalanan niya ang nangyari sa kaniya at iyon ay kaniyang parusa.

Advertisement