Inday TrendingInday Trending
Ang Mapanghusgang Guro

Ang Mapanghusgang Guro

Stressed na sa kaniyang trabaho si Mrs. Tolentino, tatlumpuʼt walong taong gulang na guro sa isang exclusive school sa Laguna. Sobrang kulit kasi ng kaniyang mga estudyante, pagkatapos ay nasermonan pa siya ng kanilang administrator dahil palagi na lang siyang late kung pumasok sa trabaho gayong kabago-bago pa lang niya rito. Kasasakay lamang niya noon sa kaniyang kotse. Padabog pa nga niyang isinara ang pinto ng sasakyan at halos sirain na niya ang manibela habang inii-start iyon. Palabas pa lang siya ng eskuwelahan, nang halos mabundol na niya ang isang matandang hindi niya napansing naglalakad pala sa likuran ng kaniyang sasakyan. Dahil uugod-ugod na ay agad na natumba ang naturang matandang lalaki.

“Ano ba ʼyan!” sigaw pa niya sa loob ng kaniyang sasakyan. “Bwisit na matandang ito! Na-modus pa yata ako!”

Bumaba si Mrs. Tolentino sa kaniyang sasakyan at muling isinara nang padabog ang pintuan.

“Ano ba ʼyan, Tatay! Paano ho kayo nakapasok sa school na ito? Balak nʼyo pa akong biktimahin! Alam ko na ‘yang ganiyang modus!” Biglang pinagbubulyawan ni Mrs. Tolentino ang nabuwal na matanda, kahit pa iniaangat nito ang kamay nito upang magpatulong sa pagtayo. “Nasaan ba ang guard dito? Tatawag ako ng guard!”

Nakita niyang napailing-iling na lang ang matanda habang pinipilit na tumayo sa sariling paa. “Wala ka man lang bang paggalang sa matanda, hija? Masyado kang makapagsalita,” sabi pa nito sa kaniya.

“Aba, alam na alam ko na ho kasi ‘yang ganiyang modus ninyo. Kunwari, magpapabundol, tapos magpapabayad kayo saʼmin!” giit pa ni Mrs. Tolentino.

Muling napailing ang matanda na ngayon ay nagpapagpag na ng kaniyang sarili. “O siya, kung ganoon ang iniisip mo, tumawag ka na ng guard para tayoʼy natatapos na rito,” sabi ng matanda na animo hindi naman nababahala.

“Talaga hong tatawag ako ng guard!” Pagkatapos ay itinuloy na ni Mrs. Tolentino ang kaniyang banta.

Hindi naman nagtagal at agad nang dumating ang hinihintay na guwardiya at humahangos na lumapit sa kanila. Bukod pa roon ay kasama nito ang kanilang administrator.

“Sir, ayos lang po ba kayo? Dadalhin ko ho kayo sa ospital,” baling nito sa matandang ngayon ay nakatayo na habang nakatuon ang tungkod sa kalsada. Laking pagtataka naman ni Mrs. Tolentino sa ikinilos ng mga ito.

“Ako ang dapat ninyong pakinggan dahil muntik na akong biktimahin ng matandang iyan. Bigla na lang siyang tumawid habang inilalabas ko itong sasakyan ko, pagkatapos ay nagpanggap na nabundol ko siya. Alam na alam ko na ‘yang ganiyang modus nila kaya hindi ako paloloko!” hirit pa ni Mrs. Tolentino.

“What? Mrs. Tolentino, stop it! Hindi mo alam kung ano ang sinasabi mo!” biglang singit naman ng kanilang administrator. “This is Mr. Gil Saavedra, one of our biggest investors! Siya rin ang ama ng CEO ng SK Incorporated, kayaʼt paano ka niya bibiktimahin ng sinasabi mong modus kung mas mayaman pa siya sa ʼyo?!”

Nabigla si Mrs. Tolentino sa nangyari, lalo na sa nalamang ama pala ng CEO ng SK Incorporated ang matanda! Doon kasi nagtatrabaho ang kaniyang asawa, bilang isang department manager!

“I-I am really sorry, Mr. Saavedra, h-hindi ko po alam na—”

“Stop saying sorry because I am the father of your husbandʼs boss. Humingi ka ng tawad dahil isa akong taong pinagbintangan mo nang walang sapat na ebidensya. Hindi ko gusto ang isiping kung hindi siguro ako naging mayaman ay baka hindi ka hihingi ng tawad sa ginawa mo, kahit pa hindi mo pa napapatunayan ang ibinibintang mo,” putol pa ni Mr. Saavedra sa kaniya sanang sasabihin na lalo namang nakapagpayukod nang maigi kay Mrs. Tolentino.

“Pasensiya na po talaga. Aminado po ako sa kasalanan ko sa inyo, sana po ay mapatawad ninyo ako, sir!” pinagsaklop pa ni Mrs. Tolentino ang kaniyang mga palad.

Iiling-iling naman ang kanilang head administrator dahil sa kaniyang ginawa. Agad pa siyang ipinatawag nito, sa ikalawang pagkakataon, sa opisina.

“Iʼm so dissapointed in you, Mrs. Tolentino. I never knew that you can be like that. Naging guro tayo upang magturo sa mga bata ng magagandang asal, so we better start practicing what we are preaching. Mabuti na lang at sinabihan ako ni Mr. Saavedra na bigyan ka ng pangalawang pagkakataon, because everybody deserves to be given a second chance, but please… tandaan mo sanang sa korte, ang isang ‘suspect’ ay hindi mo pʼwedeng ituring o tawagin man lang na ‘kriminal’ kung hindi pa siya nahahatulang guilty,” ang mahabang litanya ng kanilang head administrator na lalong nakapagpalugmok kay Mrs. Tolentino.

Sa isip-isip nitoʼy, siguro nga isa siyang edukadang tao… ngunit hindi lahat ng edukado, marunong maging makatao.

Advertisement