Inday TrendingInday Trending
Kasagutan sa Tatlong Katanungan

Kasagutan sa Tatlong Katanungan

Si Thor ay isang sampung taong gulang na bata na kinaiinggitin ng kanyang mga kalaro at mga kaklase. Mayroon kasi siyang mga bagong gadgets na mamahalin palagi.

Isang araw, niyaya siya ng kanyang magulang sa kanilang probinsya. Magbabakasyon sila roon para dalawin ang kanyang lola na balita nila na sakitin na.

“Anak, kailangan nating magbakasyon sa bahay ng lola mo sa probinsya. Sumulat ang Tiya Martha mo at sinabi niya na palaging may sakit ang iyong lola. Dadalawin natin siya,” sabi ni Mang Nestor sa anak.

“M-magtatagal po ba tayo doon?” tanong ng bata.

“Isang linggo tayong mamamalagi doon anak. Ipinagpaalam ka na namin ng iyong Papa sa titser mo. Wala naman kayong exam sa buong linggo kaya pumayag naman siya,” paliwanag ni Aling Elsa.

“Matagal na rin naman tayong hindi nakakadalaw sa lola mo. Ngayong may sakit siya ay dapat na naroon tayo sa tabi niya,” hayag pa ng ama.

Kahit tutol ang kalooban ay walang nagawa si Thor kundi sumama sa mga magulang sa bahay ng kanyang lola. Binitbit niya ang lahat ng kanyang bagong gadgets na paglilibangan sa biyahe at sa kanilang tutuluyan. Ang hindi alam ni Thor, may malaking problemang nag-aabang sa kanya.

Pagkatapos ng labing isang oras na biyahe sa bus, tumuloy sila at dumating ng alas-tres ng hapon sa bahay ng kanyang Lola Delilah. Sinalubong sila ng kanyang Tiya Martha na naghanda ng masasarap na mga bagong huling isda, alimango at pusit mula sa kanilang katabing dagat . Maya-maya ay pumasok sila sa isang kwarto kung saan naroon ang nakahiga niyang lola na nagpapahinga.

“Inay, narito na po sila,” wika ng tiyahin.

“Mabuti naman at nakarating kayo. Thor, apo ang laki mo na at ang gwapong bata,” masayang bati ng matandang babae.

Matapos magkamustahan ay pinagsaluhan nila ang pagkaing inihanda ni Martha. Ilang saglit lang ay nagpaalam si Thor para maglaro ng kanyang mga gadgets ngunit nagulat siya dahil halos lahat ng gadget niya ay walang baterya maliban sa kanyang bagong cellphone. Nagpaalam siya sa kanyang tiyahin kung pwede raw siyang makisaksak ng charger.

“Tiya, maaari po bang maki-charge” tanong niya.

Ngunit tinawanan lang siya nito.

“Naku bata ka sa tinagal ng panahon, ay hindi pa naaabot ng linya ng kuryente ang lugar namin,” natatawang sagot ng kanyang tiyahin.

“Dapat kasi hindi mo na dinala ang mga gadgets mo anak. Walang kuryente dito. Sa layo ng probinsyang ito ay hindi pa rin nakakarating dito ang suplay ng kuryente,” sabi ni Mang Nestor.

Namula sa inis si Thor at di napigilang magtaka na may lugar pa ring hindi naaabot ng suplay ng kuryente ngayong laganap na ang teknolohiya. Binitbit niya ang kanyang cellphone, ang natitira niyang gadget na may charge, at humiga sa papag sa kanilang pansamantalang kwarto. Ngunit pagkahiga niya ay narinig niya ang tawanan, hiyawan at ingay na dulot ng masayang paglalaro ng mga bata sa labas ng bahay.

“Ang ingay naman!” pabulong niyang sabi sa sarili.

Palihim siyang dumungaw at nagmasid sa nangyayari sa labas ngunit dala ng kanyang pagka-asar at dismaya, pinili niyang humiga at gamitin ang cellphone na nangangalahati na ang charge. Medyo napipikit na siya ngunit pinilit niyang nilabanan ang mabigat na antok. Habang naghahanap ng maaaring malaro ay may bagong app na lumitaw sa screen ng kanyang cell phone at agad niya iyong ininstall at binukan ngunit isang babala ang bumungad sa kanya.

Babala: Basahin ang lahat ng panuntunan bago magpatuloy!

Tinawanan lang ito ni Thor at binale-wala ang babala. Pinindot niya ito at nagulat siya nang naramdaman niyang unti-unting namamanhid ang kanyang daliri. Hinihigop ng cellphone ang kanyang hinlalaki. Nagpatuloy ito hanggang nahigop na ang kanyang buong kamay, braso at buong katawan. Sa isang iglap ay nawala sa kwarto si Thor.

“Diyos ko po! Anong nangyari sa akin? Nasaan ako?” nagtataka niyang tanong sa sarili.

Maya-maya ay biglang lumitaw sa kanyang harapan ang iba pang bata at isang payaso.

“Maligayang pagdating! Ngayong kumpleto na ang limang kalahok, sisimulan na natin ang paligsahan!” bungad ng payaso.

Pinilit na magsalita ni Thor ngunit nagtataka siya dahil hindi niya maibuka ang kanyang bibig. Kung anu-ano na ang pumasok sa kanyang isip. Hindi niya alam kung anong laro ang kaniyang nasalihan. Bigla na lamang lumabas ang limang upuan na magkakatabing nakahilera na may kani-kaniyang pangalan. Hindi rin niya kilala ang apat na batang bigla na lang sumulpot na parang bula sa harapan niya at sino ang payasong iyon? Pagkaupo nila ay lumabas ang mesa na may mga papel, ballpen at iba’t ibang gamit sa kani-kanilang upuan. Awtomatikong lumabas ang harang sa gilid ng kanilang upuan kaya hindi sila nagkakakitaan.

“Muli ay babanggitin ko ang pinakamahalagang panuntunan sa lahat. Ang may pinakamababang puntos ay hindi na makakabalik sa realidad at habang buhay na makukulong dito sa loob ng cell phone. Mayroong papel sa harap ninyo na may tatlong katanungan. Sagutan ninyo ito sa loob ng isang oras. Ang puntos ay ibabase sa kung gaano katotoo ang inyong mga sagot. Simulan na ninyo in 3.. 2.. 1.. Go!” sigaw ng payaso na galak na galak sa mga batang kalahok.

Kinabahan si Thor sa kapalaran ng magkakaroon ng pinakamababang puntos. Naisip niya na wala na siyang magagawa kundi ituloy ang paligsahan na aksidente niyang nasalihan.

Ang unang tanong ay kung hindi naimbento ang mga gadgets at internet, ano sa tingin mo ang iyong magiging libangan? Pangalawa, kung hindi naimbento ang mga gadgets at internet, sino ang pinakamatagal mong makakakwentuhan? At ang huling tanong ay kung hindi naimbento ang mga gadgets at internet, saan mo gusto magpalipas ng bakasyon?

Huminga ng malalim si Thor at saglit na nag-isip bago isulat ang kanyang sagot sa papel.

Simple lang ang sagot niya sa unang katanungan. Kung hindi naimbento ang mga gadgets at internet ay masaya siyang nakikipaglaro sa mga batang kapitbahay niya sa Maynila.

Ang sagot niya sa ikalawang tanong kung walang mga gadgets at internet, wala siyang ibang pipiliing makakwentuhan kundi ang kanyang Lola Delilah na mahilig siyang kwentuhan ng iba’t ibang istorya noon. Tiyak niyang hindi sila mauubusan ng pagkuwekwentuhan nito.

At ang sagot naman niya sa pinakahuling tanong ay ang lugar na gusto niyang magpalipas ng bakasyon ay sa probinsya kung saan naroon ang kanyang lola. Bukod sa tahimik at masarap ang simoy ng hangin ay masarap balik-balikan ang mga alaala sa probinsya kasama ang pinakamamahal niyang lola.

Nang mabasa ito ng payaso ay isang malaking ngiti ang iginawad nito sa kanya.

“Napakahusay ng iyong kasagutan hijo!” wika nito.

Matapos na purihin ng payaso ang kanyang kasagutan ay bigla na lamang nagising si Thor sa malalim na pagkakatulog.

“P-panaginip lang pala,” tangi niyag nasambit habang habol-hininga.

Napansin niya na ubos na rin ang baterya ng kanyang cellphone ngunit hindi siya nagmukmok. Bumangon siya sa pagkakahiga at agad na pinuntahan ang kanyang hinagkan ang kanyang Lola Delilah na ubod ng higpit.

“Mahal na mahal po kita, lola! Huwag ka mag-alala, aalagaan ko po kayo habang narito kami hanggang sa tuluyan kayong gumaling,” sabi niya rito.

Masayang niyakap nang mahigpit ng matanda ang kanyang apo. Nagtataka naman ang kanyang ama at ina maging ang kanyang tiyahin sa ginawi niya ngunit labis namang natutuwa ang mga ito dahil sa sobrang pagmamahal ng bata sa kanyang lola.

Nagpakwento si Thor kay Lola Delilah ng sari-saring bagay at nagyaya na tumungo sa dagat para mamasyal kasama ang mga magulang at kanyang tiyahin. Naisip din niya na makipaglaro sa mga bata sa labas ng bahay. Napagtanto ni Thor na mas mahalaga ang kasiyahang dulot kasama ng mga mahal sa buhay at mga kaibigan kaysa sa paglalaro ng anumang bagay na nilikha ng bagong teknolohiya.

Advertisement