Mabigat ang Loob ng Lalaki sa mga Nanlilimos na Batang Palaboy sa Lansangan; Paano Nabago ng Gwardiya ang Kaniyang Pananaw?

“Kuya, pembarya…”

Nagulat si Alwin nang kalabitin siya ng batang palaboy upang manghingi ng barya. Nasa loob siya ng bus at wala siyang naririnig sa ingay ng mga pag-uusap sa loob ng sasakyan, dahil nakapasak ang kaniyang headphones sa magkabilang tainga. Malakas din ang volume ng kaniyang pinakikinggan.

“Hindi ako nagbibigay ng limos, bata, sa iba na lang,” malamig na sabi ni Alwin sa bata.

Umalis na ang bata at inisa-isa pa ang ibang pasahero.

Naiinis si Alwin kapag may mga batang nanlilimos o humihingi ng barya sa ibang tao. Hindi siya naiinis sa bata, mas naiinis siya sa mga magulang nila.

Gagawa-gawa kasi ng anak, hindi kayang panindigan ang pagpapalaki.

Kahit na laki sa hirap ang pamilya nina Alwin, maipagmamalaki niyang hindi dumating sa puntong kinailangan nilang mamalimos ng awa sa iba, o kaya naman ay magmakaawa sa ibang tao na tulungan o abutan sila ng tulong.

Mataas ang ego ng kaniyang mga magulang. Gumagawa sila ng paraan upang malagpasan ang isang araw na pagkain nila. Nangunguha ang mga ito ng mga gulay sa mga tiwangwang na lupa, gaya ng malunggay, alugbati, saluyot, talbos ng kamote, at iba pa, kapag wala silang ulam.

Advertisement

“Mawala na ang ulam huwag lang ang bigas. Kahit ano puwede nating i-partner sa kanin, kahit mag-ulam tayo ng toyo at mantika, o kaya de-sabog na asin, walang problema, mabubuhay tayo,” natatandaan niyang laging sinasabi ng kaniyang mga magulang.

Pagkababa sa bus ay pumila na si Alwin sa bangkong kaniyang pupuntahan. Dahil limitado lamang ang pinapapasok sa loob, binigyan na lamang sila ng numero at pinaghintay sa labas.

Habang nakaupo at naghihintay na matawag ang numero niya, napansin niya ang isang batang palaboy na palakad-lakad sa katabing fast food chain ng bangko kung saan siya nakapila. Heto na naman sila, may manlilimos na naman, naisaloob ni Alwin.

Ilalagay niya sana ang headphones sa kaniyang tenga at makikinig ng mga kanta, subalit naisip niya, baka hindi niya marinig ang pagtawag sa kaniyang numero at malagpasan siya.

Wala siyang magagawa kung hindi ang marinig ang mga pag-uusap sa kaniyang paligid.

Maya-maya, nakita ni Alwin na kinalabit ng batang lalaking palaboy ang lady guard ng fast food chain.

“Yes, sir?” magiliw na tanong ng lady guard. Napukaw ang atensyon ni Alwin sa pagtawag ng ‘sir’ ng lady guard sa batang palaboy.

“Puwede po ba ako makigamit ng CR kasi ihing-ihi na po ako?” tanong ng bata.

Advertisement

“Sige po sir, pasok po kayo. Samahan ko na po kayo sa CR.”

Pinapasok ng guwardiya ang bata at saglit na nawala. Hinatid sa CR. Bumalik kaagad ang lady guard sa kaniyang puwesto.

Maya-maya, bumalik na ang batang lalaking palaboy.

“Puwede po bang makiinom?” tanong nito.

Buong akala ni Alwin ay magagalit ang lady guard subalit ngumiti ulit ito.

“Uhaw ka na? Sige. Gusto mo ba ng pineapple juice?”

“Tubig na lang po…”

Sumenyas ang lady guard sa isang service crew. Binulungan ito. Tumango ang service crew. maya-maya, lumapit ito at iniabot ang isang baso ng malamig na tubig. Ibinigay sa bata. Agad na naubos ng bata ang tubig.

Advertisement

“Salamat po!” tuwang-tuwa ang batang palaboy, maluwag na maluwag ang pagkakangiti. Lumitaw ang sira-sira at madidilaw nitong ngipin. Nagtatakbo na ito palayo habang kumakaway sa lady guard.

Isang simpleng eksena subalit hindi maintindihan ni Alwin kung bakit may kurot siyang naramdaman sa kaniyang puso.

Samantalang siya, sinisinghalan niya ang mga batang palaboy na humihingi sa kaniya ng barya lamang. Paano nga naman kung walang-wala na silang magawa kung hindi manlimos? Paano kung uhaw na uhaw na siya? Paano kung gutom na gutom na?

Matapos ang transaksyon sa bangko at nakaramdam na siya ng gutom, pinili ni Alwin na kumain na lamang sa katabing fast food chain ng bangko kung saan niya nasaksihan ang nakaaantig na tagpo sa pagitan ng lady guard at palaboy na batang lalaki.

Natiyempuhan niya na ang lady guard pa rin ang bantay. Hindi siya nakatiis na purihin ito sa kaniyang nasaksihan kanina.

“Ah wala po iyon, sir… may mga anak na po kasi ako. Hindi ko po kakayaning makakita ng isang batang nauuhaw o nagugutom,” simpleng sagot ng lady guard habang nakangiti kay Alwin.

Sa mga sumunod na araw, lagi nang may barya sa bulsa ng kaniyang pantalon, o bulsa ng kaniyang bag si Alwin. Paminsan, 20 piso.

Handang-handa na siya kapag may batang palaboy na mangalabit sa kaniya upang manlimos o humingi ng kaunting barya. Hinding-hindi na siya manininghal.