Tuwang-tuwa ang Batang Mahirap na Ito Kapag Nakakakita Siya ng Christmas Tree; Magkakaroon Kaya Sila Nito Balang Araw?

Tuwang-tuwa ang Batang Mahirap na Ito Kapag Nakakakita Siya ng Christmas Tree; Magkakaroon Kaya Sila Nito Balang Araw?

FamilyInspiringStories

Inayos-ayos ni Glenn ang mga malalaking bolang nakasabit sa Christmas tree. Tuwang-tuwa siya. Tila kagaya ng mga Christmas lights na kumukuti-kutitap na nakapalibot dito ang kislap na nagmumula sa kaniyang mga mata.

Nakikita niya ang kaniyang Inay na masayang dinadagdagan pa ng mga palamuti ang naturang Christmas tree, habang ang kaniyang Itay naman ay nagbabalot ng mga aginaldo. Ilalagay sa ilalim nito. Ang dalawang kapatid naman, parehong nakasuot ng damit na pula, magsasabit ng mga medyas ni Santa Claus.

“Hoy bata, sino ka? Huwag mong hawakan ang Christmas tree namin at baka mawala ang mga bola…”

Bumalik sa realidad ang kanina pang nasa mundo ng pantasya na si Glenn. Hindi nga pala nila Christmas tree iyon. Ang totoo niyan, hindi pa sila nagkaroon ng Christmas tree sa tanang buhay nila.

Wala silang pambili ng Christmas tree. Isa pa, hindi iyon ang prayoridad ng kaniyang pamilya.

Pagsasaka ang ikinabubuhay nilang mag-anak. Bukod doon, marami rin silang mga ginagawa upang masuportahan ang kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.

Bata pa lamang si Glenn, mahusay na siyang maglagay ng mga uling sa loob ng plastik upang maibenta sa bayan. Iyan ang naibigay na gawain sa kaniya ng Itay niya.

Ang dalawa naman niyang kapatid ay nakatalaga sa iba pang gawaing pambukid na hindi masyadong mabibigat, dahil bata-bata pa ang mga ito.

Kaya naman, masasabing bata pa lamang si Glenn subalit batak na batak na ang kaniyang katawan sa trabaho. Minsan, napagkakamalan siyang batang kalye, palaboy, o pulubi dahil sa mga duming nasa mukha o katawan niya, mula sa pagbabalot ng uling at pagdadala nito sa bayan upang ibenta.

Kapag naririnig na niya mula sa mga tao na padating na ang Setyembre, nakararamdam ng kakaibang pagkasabik si Glenn. parang lumulundag ang puso niya. Nagapasaya sa kaniya ang mga bahay-bahay na nagsisimula nang maglagay ng iba’t ibang mga dekorasyong pamasko.

Lumulundag ang kaniyang puso kapag nakikita na niya ang mga kapitbahay na nagsisimula nang maglagay ng mga pamaskong palamuti sa kani-kanilang mga bintana, kagaya ng parol, Christmas lights, at belen.

Subalit ang pinakagusto niyang simbolo ng Pasko ay Christmas tree. Gusto niya ang ideyang may nakalagay na bituin sa tuktok nito. Gusto niyang abutin ang mga bituing iyon, kaya lang, masyado siyang maliit. Kailangan niyang tumuntong sa upuan. Kaya lang, baka naman makasira siya ng Christmas tree at mapagalitan pa siya.

Nawawala ang mga alalahanin, kahit na munti pa lamang siya, na dapat sana ay nag-eenjoy lamang sa buhay, matiwasay na nag-aaral.

Babalik siya sa realidad kapag nakauwi at nakita na niya ang tagpi-tagpi at giray nilang bahay, na salat na salat sa anumang bagay na nakapagpapasaya sa paningin. Ni walang parol o alinmang simbolo ng Pasko.

Kaya ang ginagawa niya, humahanap siya ng halamang tanim ng kaniyang inay, gaya ng palmera. Iyon ang nilalagyan niya ng mga reta-retaso ng mga sirang damit, upang magkadisenyo.

Tuwing gabi, kapag tumitingala siya sa langit at pinanonood ang pagkislap ng mga bituin, ipinapangako niya sa sarili na balang araw, bibili rin siya ng malaking Christmas tree; aadornohan niya ng magagandang mga palamuti, at palilibutan ng Christmas lights.

At matuling lumipas ang panahon…

“Papa, ‘di ba ngayon na po natin itatayo yung malaking Christmas tree na binili natin?” tanong ni AJ, ang anak ni Glenn.

“Oo anak, sabay-sabay nating itatayo ni Mama mo mamaya. Pero sa ngayon, kumain muna tayo ng tanghalian, okay?” masuyong sabi ni Glenn sa anak. Tumatango naman ito at nagtungo na sa mesang kainan.

Nakangiting pinagmasdan ni Glenn ang kahong kinalalagyan ng binili niyang napakalaking Christmas tree na bagay na bagay sa malaki nilang bahay.

Naalala niya noong bata pa lamang siya, nangangarap lamang siyang makabili nito.

Matapos ang pagsisikap sa pag-aaral habang nagtatrabaho sa bukid at bilang tiga-hugas ng pinggan sa isang maliit na kainan sa bayan, ay nagawa niyang mapagtapos ang pag-aaral at makapagtrabaho sa isang magandang kompanya. Isa na siya ngayong Sanitary Engineer.

Ang mga kapatid naman niya ay hindi rin naman niya pinabayaan. Hanggang ngayon, siya pa rin ang nagpapaaral sa kanila, kahit na may sarili na siyang pamilya. Wala namang kaso sa kaniyang mabait na misis.

Pagkatapos kumain, gaya ng ipinangako sa anak, sinimulan na nga nilang itayo ang malaking Christmas tree.

Makalipas ang dalawang oras, nakatindig na ito. Ilalagay na lamang ang simbolong tala sa ituktok. Hiniling ng anak na siya ang maglalagay nito. Kaya naman, kinarga niya ito at ipinaupo sa kaniyang dalawang balikat.

Hindi napigilan ni Glenn na mapangiti nang masilayan ang kanilang malaking Christmas tree; totoong sa kaniya na ito at hindi lamang nakikitingin sa iba.

Para sa kaniya, simbolo ito ng pananatili niyang nakatayo at nakatindig sa kabila ng hirap ng buhay; natuto siyang mangarap nang mataas upang maabot ang kaniyang mga pangarap, gaya ng kagustuhan niya noong bata pa siya na maabot ang tuktok na bituin ng kahit na anong Christmas tree.

More Stories