
Bigla na Lamang Napagod ang Lalaki sa Pagtulong sa Kaniyang Pamilya Kaya Nagpakalayo-Layo Siya; Tama Ba ang Kaniyang Ginawa o Pagsisisihan Niya?
Matapos mailigpit ang mga gamit sa cabinet ng inuupahang apartment, naupo sa gilid ng kama si Derick, 45 taong gulang, isang propesyunal at kagalang-galang na beki.
Kinuha niya ang kaniyang cellphone upang tingnan kung may text message para sa kaniya, subalit naalala niyang inalis niya nga pala ang sim card. Naalala rin niya, naka-deactivate ang kaniyang mga social media accounts.
Bukas, bibili siya ng bagong sim card, at gagawa siya ng bagong social media accounts para sa kaniyang trabaho at mga kliyente.
Nahiga na lamang si Derick sa kaniyang malambot na kama. Sinariwa ang pagpapalitan nila ng masasakit na salita ng kaniyang ina at mga kapatid, bago siya nagdesisyong lumayas na, ituloy ang pagbukod, at manirahang nag-iisa malayo sa kanila.
“Ubos na ubos na ako, ‘Nay! Punding-pundi na ako sa mga problema ng pamilyang ito, na ako na lang lagi ang pumapasan. Ano ba? Lagi na lang ba kayong aasa sa tulong ko? Tulungan naman ninyo ang mga sarili ninyo!” galit na galit si Derick sa kaniyang mga kapatid na tila walang direksyon sa buhay.
Si Daisy, ang sumunod sa kaniya, ay buntis na naman sa pangalawang anak, na hindi na naman siya pinanagutan. Sa malas, hindi raw matukoy kung sino ang ama. Nalasing umano sa isang event. Si Derick ang nagpapaaral sa una nitong anak sa pagkadalaga.
Ang sumunod naman ay si Mike na apat na beses nang papalit-palit ng kurso sa kolehiyo. Magdedesisyon itong lumipat o mag-shift kung kailan isang taon na lamang at matatapos na.
Si Charles naman na bunso, walang ginawa kung hindi mag-online games at ayaw nang mag-aral; palibhasa ay kumikita na naman daw. Kaya lang, hindi naman nag-aambag sa mga panggastos sa bahay, dahil nauubos kaagad ang pera sa kinikita sa pag-oonline games.
Nakaasa ang lahat ng mga bayarin sa bahay kay Derick, bilang siya lamang ang may matinong trabaho, at tumatayong breadwinner na rin.
Magmula sa bayad ng kuryente, tubig, panggastos sa bahay, bayad sa mga inutang ng nanay niya, pagpapaaral sa panganay na anak ni Daisy, at iba pa—sa kaniya laging nakaasa.
Siya rin ang nagbabayad sa matrikula ng tatlo pang kapatid, na parang walang kabuhay-buhay at nagsasayang lamang ng oras, panahon, at pera; palibhasa, hindi naman nila pinaghihirapan.
Kaya nang malaman kanina ni Derick na buntis na naman si Daisy, tila naputol na ang pisi niya. Parang hindi sila nagtatanda sa buhay. Ayaw tulungan ang mga sarili. Nakaasa sa kaniya. At tiyak, sa kaniya na naman aasa si Daisy kapag nailuwal na nito ang sanggol sa sinapupunan. Alam kasi nitong hindi niya sila matitiis.
Subalit iba ang mga naganap kanina. Napagsalitaan na rin niya nang masasakit ang kaniyang ina, na sa pakiramdam niya ay huminto na sa pagiging ina, dahil nga naman malalaki na ang mga anak niya.
Kaya ngayon, lumayo na siya. Ubos na siya. Sarili naman niya ang iisipin niya ngayon. Pakiramdam kasi niya, hindi matututo sa buhay ang mga kapatid kung lagi siyang nariyan sa kaniyang tabi.
Aaminin niyang may mga panahong nais na niyang umuwi, lalo na kapag masakit ang ulo niya dahil sa dami ng ginagawa sa trabaho. Naaalala niya ang hilot ng kaniyang ina.
“Oh friend, sure ka ba na okay ka lang dito at hindi ka babalik-balik sa mga susunod na araw?” tanong sa kaniya ng kaibigang si Nuelan na inimbitahan niyang magtungo sa kaniyang apartment. Umiinom sila ng beer.
“Oo. Siguradong-sigurado na ako. Magpapalit na ako sim card at nag-deactivate na ako ng mga social media accounts ko para hindi na nila ako matunton. Ayoko na. Ayoko na talaga. Pakiramdam ko nagawa ko na ang lahat para sa mga kapatid ko. Tulungan naman nila ang mga sarili nila, malalaki na sila…”
“Sabagay, may punto ka naman. Pero kilala kita, Derick… hindi mo matitiis ang pamilya mo. Naisakripisyo mo nga ang pagpapakasal sana ninyo ni Thomas sa Norway ‘di ba, kasi ayaw mong mawalay sa kanila?” saad pa ni Nuelan.
“Oo. Pero iba na ngayon… basta… hindi ko naman sila talaga tatalikuran nang lubos. Pero sa ngayon, ayoko munang makita at magpakita sa kanila.”
Matuling lumipas ang panahon.
Dalawang taon. Dawalang taong tiniis ni Derick na walang koneksyon sa kaniyang pamilya.
Nagpalipat siya ng ibang branch sa trabaho, at mahigpit na nagbiling huwag sasabihin lalo na sa kaniyang pamilya, kung nasaan siya.
Masaya sa kaniyang buhay si Derick. May ka-live in partner na rin siya. Masaya silang namumuhay sa apartment ni Derick.
Subalit isang araw, sa ‘di-inaasahang pagkakataon, naabutan niyang may ibang kasiping ang live-in partner sa mismong kama nila. Pinalayas niya ito.
Wasak na wasak ang puso niya.
Saka niya naisip na bumalik sa kaniyang pamilya.
Subalit bigla siyang nakaramdam ng hiya. Anong sasabihin niya kung babalik siya? May babalikan pa ba siya? At kung babalik siya sa kaniyang pamilya, tatanggapin pa ba siya?
Litong-lito siya. Tila nagdilim ang kaniyang paligid. Nangangapos ang kaniyang hininga. Sinubukan niyang lumabas ng kaniyang apartment.
Nagdilim ang lahat sa kaniya…
Paggising niya, nakatunghay ang lumuluhang mukha ng kaniyang ina. Palagay niya ay tumanda na ito.
“Anak… anak… mabuti naman at gising ka na…” lumuluhang sabi ng kaniyang ina.
“N-Nasaan ako? Bakit nandito kayo?” nanghihinang tanong ni Derick.
“Nawalan ka ng malay sa labas ng tinutuluyan mong apartment, anak. Mabuti na lamang at nadala ka sa ospital ng kasera’t mga kapitbahay mo. Pagkatapos, nakita nila sa mga ID mo ang numero ng cellphone ko. Tinawagan nila ako…” lumuluhang paliwanag ng kaniyang ina.
“Hindi na sana kayo nagsadya pa rito. Hinayaan n’yo na lang sana akong mawala…”
“Anak, miss na miss ka na namin. Umuwi ka na. Dalawang taon kang nawala at alam kong matutuwa ka sa pagbabalik mo sa atin. Ibang-iba na ang buhay ng mga kapatid mo. At iyon ang gusto kong makita mo…”
Sa kapipilit ay napapayag si Derick na bumalik na sa kaniyang pamilya. Gulat na gulat siya sa kaniyang nakita. Ang dalawang taong pagkawala niya, parang dalawang dekada.
Malalaki na ang kaniyang mga pamangkin kay Daisy. Agad na nagmano sa kaniya at humalik sa pisngi.
Si Daisy, ibang-iba na rin ang hitsura. Nagtatrabaho ito bilang call center agent.
Si Mike, tumigil na sa pag-aaral… kasi nakatapos na siya. Nagtatrabaho na rin sa kursong pinili at pinandigan.
Si Charles naman ay malapit na ring magtapos sa kolehiyo; ginamit ang perang napapanalunan sa online games upang magkaroon ng sariling motorsiklo, at makapag-sideline bilang delivery rider upang makatulong sa mga gastusin sa kanilang bahay.
“Salamat Kuya… noong nawala ka, natagpuan namin ang mga sarili namin, na kailangan naming kumilos, para sa mga sarili namin…” naiiyak na turan ni Daisy.
“Kaya noong nawala ka, talagang nagpursige kaming magsikap para naman may mapatunayan kami sa mga sarili namin na kaya namin. Patawarin mo kami, kuya, kung masyado kaming sumandal sa ‘yo,” naiiyak na paghingi ng tawad ni Mike.
“Babawi kami sa iyo, kuya. Bumalik ka na sa atin, sa amin…” turan naman ni Charles.
Hindi na napigilan ni Derick ang pagdaloy ng mga luha sa kaniyang mga mata. Lumayo siya sa kaniyang pamilya—heto’t sa matinding pagkadurog ng puso, pamilya niya ang bumuo nito.
Tuluyan na ngang bumalik si Derick sa kaniyang pamilya, at nagdesisyon siyang babawi siya sa dalawang taong nawala siya, lalo na sa kaniyang pinakamamahal na ina.