Hindi Sumasama ang Babae sa Kaniyang mga Kaklase sa Tuwing Inaaya Siyang Lumabas; Sadyang ‘KJ’ Nga Ba Siya o May Mas Malalim Pang Dahilan?

Hindi Sumasama ang Babae sa Kaniyang mga Kaklase sa Tuwing Inaaya Siyang Lumabas; Sadyang ‘KJ’ Nga Ba Siya o May Mas Malalim Pang Dahilan?

FamilyInspiringStories

“Hoy Emily, sumama ka naman sa amin minsan. Bonding nating magkakaklase. Bakit ka ba laging nagmamadaling umuwi?”

Napangiti na lamang si Emily sa sinabi ng kaniyang beking kaklase na si Raywin. Nasa Unang Taon pa lamang sila ng pag-aaral sa kursong Office Administration, at bagong sabak sa kolehiyo ang lahat.

“Naku, p-pasensya na kayo, pass na muna ako, ah. Kailangan ko kasing umuwi kaagad sa amin. Alam mo na, bahay-eskuwela lang ako. Hindi naman kasi ako masyadong palalabas at pala-gala. Pasensya ka na talaga,” paliwanag ni Emily kay Raywin, na siyang pangulo rin ng klase nila.

“Oh siya sige bahala ka na nga. Masyado kang pamisteryosang babae ka. Get a life naman, teh! Walang masamang sumama sa amin at makipag-bonding,” giit pa ni Raywin.

“Gustuhin ko mang makipag-bonding sa inyo, kuwan kasi, medyo istrikto kasi ang mga magulang ko. Kaya hindi ako basta-basta makakasama sa inyo, pasensya na talaga. Hayaan mo sa susunod sasama na talaga ako,” paliwanag ni Emily.

Tinatantanan na ni Raywin ang kaklase at umalis na lamang bago pa siya madismaya sa ‘KJ’ niyang kaklase.

Kung tutuusin, hindi naman talaga KJ si Emily.

Sa totoo lang, gustong-gusto niyang sumama sa mga kaklase. Gusto niyang makipagbonding sa kanila. Gusto niyang makipagkaibigan.

Subalit hindi maaari.

Hindi totoong istrikto ang mga magulang ni Emily kaya siya umuuwi kaagad pagkatapos ng kaniyang klase.

Ang mga magulang niya ay nasa Romblon. Siya lamang ang nasa Maynila.

“Oh Emily, mabuti naman at dumating ka na. Magluto ka na. Pagkatapos mong maghugas ng mga kinainan at pinaglutuan ko, mamalantsa ka naman. Maagang papasok bukas ang Tiyo Fidel mo. Maliwanag ba?” utos sa kaniya ni Tiya Isabel, mister ng kaniyang tiyuhin.

“Opo, tita. Eh tita, puwede po ba akong makabale kahit 500 pesos lang po? May kailangan po kasi akong bilhin para po sa school…”

“Bale na naman? Ano ba ‘yan… eh 200 pesos na lang ang pera ko rito, ayos lang ba?” naiiritang sabi ni Tiya Isabel.

“O-Ok na po ‘yan, gagawan ko na lang po ng paraan,” sagot ni Emily. Mabuti sa wala. Bahala na siyang mag-isip kung paano bubunuin ang 300 piso, upang makumpleto ang bayad niya sa school project na kailangan nilang gawin ng kaniyang kagrupo.

Matapos gawin ang lahat ng mga ipinagagawa ni Tiya Isabel, pagod na pagod na nahiga si Emily sa kaniyang higaang papag. Napasulyap siya sa orasang nasa dingding. 11:00 na pala ng gabi. Antok na antok na siya. Nakahanda na sana siyang matulog nang maalala niyang may dalawang homework pala siya sa dalawang magkaibang asignatura, na deadline na bukas.

Napabuntung-hininga na lamang si Emily.

Pagod na pagod na siya. Gusto na niyang sumuko.

Sa isiping tatlong taon pa ang gugugulin niya bilang kasambahay sa bahay na iyon, parang nanghihina na siya at nais na niyang bumalik sa Romblon.

Namimiss na niya ang masayang mga banat ng kaniyang tatay.

Namimiss na niya ang wagas makatawang nanay, na walang pakialam kahit bungi-bungi na ang ngipin.

Hinahanap-hanap na niya ang ingay ng kaniyang maliliit na kapatid. Siya ang panganay sa limang magkakapatid, kaya siya rin ang tiyak na inaasahang tutulong sa pamilya.

Para kasing hindi kaanak ang tingin sa kaniya rito, lalo na ang misis ng kaniyang tiyuhin.

Hindi naman siya pinagmamalupitan. Hindi rin naman pinagbubuhatan ng kamay.

Subalit parang kasambahay na hindi kadugo ang turing sa kaniya. Kapalit ng kaniyang pag-aaral sa kolehiyo, kailangan niyang maglingkod sa kanila.

Palagay niya ay hindi naman libre ang kaniyang pag-aaral dahil lagi namang kinakaltasan ang kaniyang natatanggap na suweldo buwan-buwan. Nauubos din dahil hindi niya matiis na hindi mabigyan kahit paano ang pamilya sa Romblon.

Ito ang dahilan kung bakit hindi siya maaaring basta-basta lumabas kasama ang mga kaklase.

Kaya nang ayain siya ng mga ito nang biglang makansela ang mga klase dahil sa sama ng panahon, nagpaunlak na siya. Subalit ipinagtapat na niya ang katotohanan upang wala na siyang tinatago pa.

“Pasensya ka na friend kung nahusgahan ka namin na KJ. Iyan pala ang dahilan mo,” nahihiyang pagpapaumanhin ni Raywin kay Emily matapos marinig ang kuwento ng buhay nito.

“Oo nga Emily. Alam mo saludo kami sa ‘yo kasi nagagawa mong pagsabayin ang trabaho mo at pag-aaral. Pero ako payo ko sa iyo, matuto ka rin namang mag-enjoy, para naman hindi ka rin maburn-out at malungkot lalo na’t malayo ka sa pamilya mo,” payo sa kaniya ng isa sa mga kamag-aral.

Tila nabunutan naman ng tinik si Emily simula nang ipagtapat niya sa mga kaklase ang tungkol sa kaniyang trabaho. Mas naging magaan ang kaniyang pag-aaral at buhay dahil nakasumpong siya ng mga taong maiintindihan siya, at mapagsasabihan niya ng mga problema.

Matuling lumipas ang tatlong taon.

Nakatapos na ng kaniyang pag-aaral si Emily. Nagbitiw na siya sa kaniyang trabaho bilang kasambahay. Pinayagan naman siya ng mga ito. Wala naman daw siyang utang na loob sa kanila dahil bayad naman ang naging serbisyo niya.

Hindi nagpatumpik-tumpik si Emily. Nakahanap kaagad siya ng mas maayos na trabaho na may mainam na suweldo, nang sa gayon ay makatulong siya sa mga gastusin at pag-aaral ng kaniyang maliliit na kapatid.

Alam ni Emily na darating din ang panahong matututukan din niya ang pansariling kaligayahan; sa ngayon, gusto muna niyang tulungang maiangat ang pamumuhay ng kaniyang pinakamalaking inspirasyon sa buhay—ang kaniyang pamilya!

More Stories