Nagkabasagan ng Mukha ang mga Padre De Pamilya ng Magkakapitbahay na Ito; Aabot Ba Sila sa Barangayan?

Nagkabasagan ng Mukha ang mga Padre De Pamilya ng Magkakapitbahay na Ito; Aabot Ba Sila sa Barangayan?

FamilyInspiringStories

“Hoy! Mga salaulang kapitbahay, matuto nga kayong magwalis ng tubig na pinaglabhan ninyo! Huwag ninyong ipadaloy sa harap ng bahay ko!”

Napatigil sa masayang pagkukuwentuhan habang nagmemeryenda ang mag-anak na Matiwasay. Narinig na naman nila ang palaaway at barumbado nilang kapitbahay, na walang ginawa kung hindi ang sitahin at pakialaman sila.

Row house o magkakadikit kasi ang mga bahay sa lugar nila; kaunting pukpok lamang sa dingding kung may kukumpunihin ay mayayanig ang kabilang bahay. Kaunting kalabog lamang ay makabubulahaw kaagad ng natutulog na bata, o kaya’y nagsisiestang matanda.

Palibhasa’y kalilipat lamang ng mag-anak na Matiwasay sa nabiling bahay na iyon, kaya kung tratuhin sila ng kapitbahay na si Mauro, akala mo ay kung sino na ito. Balita nila, talagang barumbado ito at maraming nakakaaway sa kanilang lugar.

Iyan daw ang dahilan kung bakit lumayas ang dating may-ari ng bahay na tinutuluyan ngayon ng mag-anak na Matiwasay.

Ang tubig na tinutukoy ni Mauro kung bakit ito nagagalit, ay ang tubig na ipinaagos ng ilaw ng tahanan ng pamilya Matiwasay na si Mildred. Winalisan naman niya ito subalit may bahagi ng tubig na dumaloy na sa harapan ng bahay ni Mauro.

Hindi na niya pinagkaabalahang walisin dahil mainit naman ang panahon, at naisip niyang matutuyo naman kaagad ito.

“Aba’y pasensya na ho… wawalisin ko na lang mamaya. Pero sana ho huwag naman ninyong pagsabihan nang ganyan ang misis ko,” mariin subalit nagtitimpi ang tinig ni Tales, ang haligi ng tahanan.

This image has an empty alt attribute; its file name is image-110.png

“Siguraduhin n’yo lang. Matuto kayong lumugar ah…”

At hindi na nga nakapagtimpi si Tales. Umigkas ang kaniyang kanang kamao. Sapol ang kaliwang panga ni Mauro. Napahandusay ito sa kalsada. Agad na bumangon. Dinaluhong si Tales.

Naghisterya naman si Mildred gayundin ang mga anak nilang sina James at Jennifer. Napalabas na rin ng bahay ang pamilya ni Mauro. Kaniya-kaniyang awat sila.

“Tama na ‘yan, ‘Pa, tama na ‘yan,” nanginginig ang katawan ni Mildred habang hinihila na palayo ang mister. Nagmumura na si Mauro at nagbabanta na.

“May araw ka rin sa akin! Pupulbusin ko kayo!” pagbabanta ni Mauro. Nahila na ito papasok sa bahay ng mga kaanak nito.

Agad na kumuha ng ice cubes at bimpo si Mildred upang gamutin ang mga pasa sa mukha ng mister.

“Bakit mo naman pinatulan pa? Huwag mo nang patulan ang mga ganyan,” naiiyak na sabi ni Mildred kay Tales.

“Nakakapikon na eh. Binabastos na tayo. Hayaan mo siya para magtanda. Para makita niya na hindi niya tayo dapat kinakanti-kanti.”

“Tales, akala ko ba magbabagong buhay na tayo kaya tayo lumipat dito? Na titigilan mo na ang pakikipagbasag-ulo?”

“Hindi ko matitiis na may gumaganyan-ganyan sa atin. Tatandaan ninyo, makikipaglaban ako at makikipagbasagan ako ng mukha para lang ipagtanggol kayo,” pangako ni Tales sa kaniyang misis.

“Tales naman… hindi lahat ng mga problema, kailangang idaan sa dahas. Hindi lahat ng mga ‘di-pagkakasundo, kailangang idaan sa bugbugan. Ano ka ba naman? Isipin mo naman ang mga anak mo. Gugustuhin mo bang lagi tayong mamuhay sa takot?”

Hindi kumibo si Tales. May punto naman ang kaniyang misis.

“Nangako ka sa akin, nangako ka sa amin na magbabago ka na, na hindi mo na dadaanin sa init ng ulo ang mga bagay-bagay. Kaya nga tayo naghanap ng bagong malilipatan, ‘di ba? Kasi ayaw na nating mangupahan. Kasi gusto na nating mamuhay nang maayos. Uulitin mo na naman?” umiiyak na pagpapaalala ni Mildred sa kaniyang mister.

Tumayo si Tales at niyakap ang kaniyang pinakamamahal na asawa.

“Pasensya ka na sa akin, mahal. Hindi ko naman sinasadya. Talaga namang magbabago na ako. Kaya lang kanina, hindi ko lang nagustuhan ang ginawa ng kapitbahay natin. Masakit para sa akin na marinig na iniinsulto kayo ng ibang tao, lalo na’t hindi pa naman tayo lubusang kilala. Ang punto ko naman, puwede naman niya tayong kausapin nang maayos kung may isyu siya sa atin,” paliwanag naman ni Tales.

“Hayaan mo, bukas na bukas din ay pupunta ako sa bahay nila para humingi ng tawad.”

Kinabukasan, naghanda na sina Tales at Mildred na magtungo sa kanilang nakaalitang kapitbahay upang humingi ng tawad.

Subalit nagkagulatan sila nang magkasalubong sila. Kasama ni Mauro ang kaniyang misis na si Sally.

“S-Saan kayo pupunta?” tanong ni Mauro.

“Pupunta kami sa inyo. Nais naming humingi ng tawad sa nagawa ko kahapon, lalo na sa iyo, Mauro. Nadala lamang ako ng emosyon ko at init ng ulo,” dispensa ni Tales sa kaniyang nasuntok na kapitbahay.

“Naku, papunta rin kami ng misis ko sa inyo para humingi ng paumanhin. Kami ang pagpasensyahan ninyo, lalo na ako, dahil sa inasal ko sa inyo. Alam mo ngayon lang may nanuntok sa akin at para akong natauhan. Dapat tayong mga magkakapitbahay ang nagtutulungan, hindi nagkakawatak-watak,” paghingi rin ng tawad ni Mauro.

This image has an empty alt attribute; its file name is image-109.png

At nagkasundo na ang dalawang pamilya. Sinong mag-aakalang ang dating magkaalitang kapitbahay, ngayon ay magkakaibigan na?

More Stories