Labis ang Pagtanggi ng Dalaga sa Muling Pagpapakasal ng Kaniyang Ama; Ito ang Nagpabago sa Isipan Niya

Labis ang Pagtanggi ng Dalaga sa Muling Pagpapakasal ng Kaniyang Ama; Ito ang Nagpabago sa Isipan Niya

FamilyLoveStories

“Mga anak, balak kong magpakasal ulit. Gusto kong umuwi kayong magkapatid para mapag-usapan natin ang mga detalye nang personal.”

Iyon ang laman ng mensahe na natanggap ni Rachelle mula sa ama. 

Hindi niya kailanman naisip na balang-araw ay mariririnig niya ang mga salitang iyon mula sa ama. Dali-dali niyang tinipa ang numero ng kaniyang kapatid para makausap ito tungkol sa plano ng kanilang Papa.

Hindi kagaya niya, kalmado ang kapatid niya. Mukha ngang masaya pa ito sa nalaman. 

“Bakit naman ako mababahala, Rachelle? Ilang taon na rin namang biyudo si Papa. Mabuti nga ‘yun,” tila balewalang tugon nito, bagay na ikinadismaya niya. 

Buong linggo siyang hindi mapalagay hanggang sa sumapit ang araw ng uwi nilang magkapatid. Mas lalo pa siyang nabigla nang malaman niya kung sino ang babaeng pakakasalan nito. 

“Si Tita Mildred, Papa? Sigurado ka?” hindi makapaniwalang tanong niya. Kaibigan kasi ito ng namayapa nila ina. 

Ngumiti ito at tumango. May kislap sa mga mata nito. 

Napatingin siya sa kapatid. Kung ito ay kalmado pa rin, siya naman hindi mapigilan ang bayolenteng reaksiyon. Hindi niya sukat-akalain na ang kanilang Tita Mildred pa pala ang babaeng pakakasalan ng kanila ama. 

Alam niyang mabait at mabuting tao ngunit tila kakaiba iyon dahil nga kaibigan pa ito ng Mama nila. 

“Gaya nga ng sinabi ko, magpapakasal kami sa lalong madaling panahon. Gusto kong malaman kung ano ang opinyon n’yo tungkol dito,” sabi ng kanilang Papa. 

Matapos ang ilang minutong katahimikan ay nagsalita ang kaniyang Kuya Rommel.

“Sa akin Papa, ayos lang. Kung saan ka sasaya, susuportahan kita,” nakangiting komento nito. 

Lumingon sa kaniya ang ama. Nasa mata nito ang pag-asam. Pero ayaw niya naman magsinungaling dito. 

“Kung ako po ang tatanungin mo, tutol ako sa kasalang ito. S’yempre, gusto ko rin naman na maging masaya ka, pero hindi ba’t parang pinagpapalit mo si Mama sa kaibigan niya? Ano na lang ang sasabihin ng iba?” kunot-noong usisa niya. 

“Anak, hindi naman mahalaga kung anong iisipin ng ibang tao. Mabuting tao naman ang Tita Mildred mo. Sigurado akong magugustuhan mo rin siya kapag nakausap mo siya at nakasama. Baka naman pwedeng subukan mo muna siyang kilalanin para sa akin?” pangungumbinsi nito. 

Labag man sa kalooban ay tumango siya. Ayaw niya naman na madismaya ang kaniyang Papa. 

“Ayan, mabuti naman! Iimbitahin ko siya bahay mamaya!” maligayang bulalas ng kaniyang ama. 

Habang minamasdan ni Rachelle ang masayang mukha ng ama ay gumagana ang isipan niya kung paano mapipigilan ang napipintong kasalan.

Alas siyete ng gabi nang dumating ang nobya ng ama sa kanilang buhay. May dala itong mga pagkain na ito raw ang nagluto mismo. 

In-obserbahan niya itong mabuti at gaya dati wala pa rin itong pinagbago. Mabait pa rin ito, palangiti, at maraming baon na kwento para sa kanila. 

“Rachelle, hija, kumusta ka na? Ang laki ng pinagbago mo!” anito habang kumakain sila. 

Alanganin siyang ngumiti, bago malamig na sumagot. Ayaw niya kasi na isipin nitong ayos lang sa kaniya ang sitwasyon. 

“Tikman mo itong niluto ko. Balita ko paborito mo ‘yan,” alok nito bago itinulak palapit sa kaniya ang kare-kare. 

Palihim siyang umirap ngunit tinanggap rin naman ang inaalok nito. Kanina niya pa iniisip kung ano ang gagawin niya para magbago ang isip ng kaniyang ama na pakasalan ito, ngunit wala naman siyang makitang kapintasan kay Mildred. 

Noon bumagsak ang tingin niya sa pagkain. Ilang sandali lang ang isang malawak na ngisi ang pumaskil sa kaniyang labi. May plano na siya!

Nagsimula siyang kumain. Ngunit maya-maya lamang ay sinadya niyang ihulog ang kutsara, bago niya madamdaming sinapo ang kaniyang dibdib. 

“Tulong! H-hindi ako makahinga!” sigaw niya. 

Agad na nataranta ang mga kasama niya. 

“Ano’ng nangyayari, anak?” 

“Allergy!” aniya bago itinuro niya ang pagkain sa hapag. 

Kitang-kita niya ang pagkatigagal ni Mildred. Maya-maya ay nagsimula na itong umiyak dahil sa takot. 

“Dadalhin kita sa ospital, anak!” kakargahin na sana siya ng ama nang magsalita ang kaniyang kapatid. 

“Rachelle! Tama na ‘yang biro mo, hindi nakakatawa! Tinatakot mo lang si Papa at si Tita. Hindi ka naman talaga allergic sa kahit ano,” galit nitong saad. 

Naiinis na napangiwi siya, bago unti-unting inayos ang kaniyang upo at itinigil ang pag-iinarte, 

Isang matalim na sulyap ang ibinato niya sa kapatid. Hindi niya akalain na ilalaglag siya nito! 

“Ano’ng ibig sabihin nito, Rachelle?” 

Nang lingunin niya ang ama ay may bahagyang galit sa mukha nito. 

Wala siyang nagawa kundi ang aminin ang totoo na nagpanggap lang siya. 

“Bakit mo ginawa ito?” 

Hindi niya na napigilan ang bugso ng damdamin. 

“Ayaw ko kay Tita Mildred! Hinding-hindi niya mapapalitan si Mama!” naiiyak na katwiran niya. 

“Kung hindi mo kayang irespeto ako at ang desisyon ko, hindi kita pipilitin. Pero ito ang tandaan mo, Rachelle. Hindi ko kailanman binastos ang ina niyo. Hindi namin kayo pinalaking bastos! Respetuhin mo man lang sana ang bisita ko,” matigas na pahayag ng kaniya ama. 

Sa labis na sama ng loob niya ay sumugod siya sa bahay ng kaniyang Lola, ang ina ng kaniyang Papa, upang magsumbong. Alam niya kasing kakampi ito sa kaniya, dahil mahal nito ang kaniyang ina. 

Ngunit imbes na madismaya ay isang malawak na ngiti ang pumaskil sa labi nito. 

“Naku, si Mildred ba kamo, hija? Siya ang first love ng Papa mo. Hindi sila nagkatuluyan dahil ang Mama mo ang mas gusto namin noon.” 

Ganoon na lamang ang panlalaki ng mata niya. 

“Ano ‘yan, ‘La? Ibig sabihin, hindi niya mahal si Mama? Paano naman kami ni Kuya?” naiinis na usisa niya sa matanda. 

Umiling ang matanda. 

“Hindi. Natutunang mahalin ng ama mo ang iyong ina. Kita mo naman kung gaano katagal siyang nagluksa, hindi ba? Ang tagal-tagal nang wala ng Mama mo. Malungkot ang Papa mo, hija, halos nalimutan niya nang ngumiti. Ayaw mo bang sumaya ulit siya gaya ng dati?” 

Hindi makaimik si Rachelle. Sa unang pagkakataon kasi ay naunawaan niya ang kaniyang ama. Tila tuksong sumagi pa sa isip niya ang maningning na mata ng kaniyang ama. Muli itong sumaya matapos ang mahabang panahon. 

“Isa pa, kalaunan ay magkakaroon din kayo ng sariling pamilya, at maiiwang mag-isa ang Papa niyo. Iyon ba ang gusto mo?” dagdag pa ng matanda.

Umiling siya. Mahal na mahal niya ang ama at wala siyang ibang hiling kundi ang maging masaya itong muli. Alam niyang ‘yun din ang nanaisin ng kaniyang Mama.

Ngumiti siya at nagpaalam sa matanda para bumalik sa bahay ng kaniyang Papa. Nang makita niya ito ay awtomatikong tumulo ang luha niya.

Niyakap ito habang humihingi ng tawad sa mga nasabi. 

Nang makita niya si Mildred ay nilapitan niya rin ito at hinawakan ang mga kamay nito tanda ng pagtanggap at pangakong ituturing niya itong pamilya, bagay na alam niyang nanaisin ng kaniyang ina na gawin niya.

More Stories