Walang Awang Ipinahiya ng Ginang ang Isang Matandang Lalaki sa Botika; Hanggang sa Natameme Siya sa Sinabi Nito

Walang Awang Ipinahiya ng Ginang ang Isang Matandang Lalaki sa Botika; Hanggang sa Natameme Siya sa Sinabi Nito

HeartbreakingKarmaStories

Panay ang paypay ni Glenda habang nakapila. Halos kalahating oras na kasi ang lumipas, ngunit hindi pa rin siya nakakarating sa unahan ng pila. 

Bibili sana siya ng gamot para sa anak niya na nilalagnat. 

.

Lalo pa siyang nakaramdam ng pagkairita nang makita na nadagdagan na naman ng tao sa loob ng botika. 

Tumaas ang kilay niya nang isang lalaki ang dire-diretso na pumunta sa unahan ng pila. Awtomatikong tinawag niya ang atensyon nito. 

“Manong, sandali lang ho! Pumili ho kayo!” sita niya. 

Tila napahiyang nilingon siya nito. 

“Ay, magtatanong lang po sana ako. Baka kasi pumila ako tapos wala pala sila nung gamot na hinahanap ko,” paliwanag nito. 

“Aba. mabuti. Hindi kami pumipila nang matagal dito para lang may sumingit,” mataray na tugon niya sa lalaki. 

Talagang binantayan niya ang kilos ng lalaki upang masiguro na magtatanong lang ito at babalik din sa dulo ng pila.  

Habang naghihintay ay hindi maiwasan ni Glenda na obserbahan ang mga kasama niya sa pila. Karamihan sa mga naroon ay mga matatanda. 

“Mabuti na lamang at walang sariling pila ang mga matatanda. Kung hindi ay baka abutin na naman ako ng siyam-siyam,” sa isip-isip ng ginang. 

Higit tatlong minuto pa ang lumipas at sa wakas ay malapit-lapit na siya unahan. Bahagya nga lang bumagal dahil sa matandang babae sa unahan. 

Tila nawala nito ang reseta at hinahanap nito iyon sa bitbit nitong maliit na pitaka.

Nang matapos ang matanda, sa wakas ay siya na. Sasabihin na sana niya ang pangalan ng gamot na nais bilhin nang makarinig siya ng mahinang boses sa kaniyang likuran. 

“Hija, baka naman pwedeng makisingit?” 

Tila nagpanting ang tainga niya sa narinig. Nang lingunin niya ang may-ari ang ng tinig ay nakita niya ang isang matandang lalaki. Matandang-matanda na ito. Sa tingin niya ay nasa otsenta pataas na ang edad nito. Gaya niya ay may bitbit din itong papel na nahinuha niyang reseta rin ng doktor. 

Sa inis ay halos masigawan niya ang matanda. Naantala pa kasi nito ang transaksyon niya. 

“Ano ho? Bakit ko naman ho kayo pauunahin, eh kadarating n’yo lang? Magpunta kayo sa dulo ng pila!” asik niya rito. 

Napayuko ito dahil sa matalas niyang salita. 

“Pasensya na, hija. Kailangang-kailangan lang talaga. Pakiusap.” 

Bakas sa mukha ng matanda ang pagmamakaawa. 

“Aba, kailangang-kailangan ko din ho! Pipila ba ako ng higit isang oras, kung hindi ko kailangan? Kayo ho, kadarating n’yo lang, gusto niyo sa unahan kaagad?” nakapamewang na kompronta niya sa matanda.

Unti-unti na niyang naririnig ang pagbubulungan ng mga nasa likod niya dahil sa komosyon. 

“Pagbigyan mo na. Matanda naman ‘yan,” komento ng isang lalaki sa likuran. 

“Oo nga naman. Pagbigyan mo na. ‘Wag mo nang hiyain,” sabi naman ng buntis sa likuran niya. 

Napairap na lang si Glenda sa sulsol ng mga tao. Muling nagsalita ang matanda. 

“Sige na, hija. Para sa anak kong may sakit…” muli ay susog nito. 

Sarkastikong siyang natawa. Ito lang ba ang may anak?

“Hindi lang ho anak n’yo ang may sakit. May sakit din ang anak ko. Pareho lang tayo ng sitwasyon,” malamig na wika niya bago ito tinalikuran. Ibinaling niya ang atensyon sa parmasyutiko. 

Akala niya ay tapos na ang pag-uusap nila ngunit may sinabi pa ang matanda. 

“Talaga? Parehas tayo ng sitwasyon? Sinong nag-aalaga sa anak mo?” walang ano-ano ay tanong ng matanda. 

Nagtataka man ay sinagot niya ito. 

“Ang nanay ko ho.” 

Mapait na ngumiti ang matanda. 

“Magkaiba tayo. Ang anak ko ay sitenta na. Wala na siyang ina dahil pumanaw na ang asawa ko. Iniwan ko siya sa bahay nang nag-iisa, kahit na inaapoy siya ng lagnat, para bumili ng gamot. Hindi siya makabili ng sarili niya, kailangang ako ang bumili. Otsenta y otso na ako, pero ako pa rin ang nangangalaga sa kanila. Alagain kasi siya at may sakit sa pag-iisip. Ganoon rin ba ang anak mo?” litanya nito. 

Nasa mukha nito ng bahagyang hinanakit. Tila inipon nito ang lahat ng bigat bago nito inilabas iyon. 

Ang malakas na ugong ng bulungan ay biglang nawala. Lahat ay natahimik sa kaawa-awang sitwasyon ng matanda. 

Tila naumid ang dila ni Glenda. Sa unang pagkakataon ay wala siyang maisagot. Maya-maya ay tila may sariling isip ang paa niya na gumilid upang bigyan ng espasyo ang matanda sa unahan ng pila. Abot-abot naman ang pasasalamat ng matanda bago nito lisanin ang botika. 

Hiyang-hiya siya sa mga tao lalo na sa matanda, at sa kaniyang sarili. Imbes na umunawa ay namahiya pa siya para lang sa simpleng pabor para sa isang matanda.

Matagal na siyang nakauwi ngunit naiisip niya pa rin ang matanda at ang kagaspangan ng ugali na ipinakita niya rito. 

Noon naisip ni Glenda na hindi nga naman talaga pantay ang mundo sa lahat. May mga nasa itaas, may mga nasa ibaba.

Kaya naman ipinangako niya na sa kaniyang simpleng pamamaraan, tutulong siya sa mga nasa ibaba imbes na apak-apakan ang mga ito.

More Stories