Nagkasagutan ang Binatang Ito at ang Kaniyang Ama, Sinunog Niya ang Kanilang Bahay nang Dahil Dito

Nagkasagutan ang Binatang Ito at ang Kaniyang Ama, Sinunog Niya ang Kanilang Bahay nang Dahil Dito

FamilyHeartbreakingStories

“Ano ba naman ‘yan, Alexis? Nakapamalengke na ako, nakapagluto na, nakalinis na ng bahay, tulog ka pa rin? Wala ka na ngang ginagawa rito sa bahay, palagi ka pang tanghali kung magising!” sermon ni Mang Tasyo sa kaniyang nag-iisang anak, isang tanghali nang makita niyang mahimbing pa rin ang tulog nito. 

“Bakit ba nangingialam ka, ha? Kung naiinggit ka sa pagpapahinga ko, matulog ka rin hanggang tanghali! Pati pagtulog ko, gusto mong limitahan!” sigaw ni Alexis sa ama habang padabog-dabog pa. 

“Aba, dapat lang talagang limitahan dahil sobra-sobra na! Ang tanda-tanda mo na, Alexis, hanggang ngayon, pasaway at palamunin ka pa rin! Subukan mong magtrabaho, kahit ano’ng gawin mo, hindi ko papakialaman!” sigaw pa nito sa kaniya na ikinailing niya. 

“Ayan, mukha ka kasing pera! Wala lang maiabot sa’yo, gan’yan ka na! Hayaan mo, lalayas na ako rito!” sagot niya rito na ikinainit talaga ng ulo nito. 

“Bawiin mo ‘yang sinabi mo!” utos nito sa kaniya. 

“Ayaw ko…” hindi niya pa man natatapos ang sasabihin, agad na siyang pinaulanan ng suntok nito dahilan para siya’y mapatakbo palabas ng kanilang bahay. 

Pasaway sa kaniyang ama ang binatang si Alexis. Kahit ito na lang ang tangi niyang kasama niya sa buhay, hindi niya pa rin ito magawang pakitunguhan nang maayos. 

Sariwa pa kasi sa kaniyang isip at puso ang ginawa nitong kalokohan sa kaniyang ina dahilan para maghiwalay ang mga ito at siya’y kupkupin ng kaniyang ama. Pinagpalit kasi nito dati ang kaniyang ina sa isang mayamang ginang dahilan para siya’y magtanim ng poot dito. 

Ngunit kahit pa nakikita na niya ang pagbabago ng kaniyang ama sa pamamagitan ng pagpapaaral, pag-aalaga, at pakikitungo sa kaniya nang maayos, nananatili pa rin ang sama ng loob niya rito. 

Ito ang dahilan para sa tuwing siya’y pinapangaralan at sinesermunan nito, hindi niya maiwasang hindi sumagot at makapagsalita ng hindi magagandang bagay dito. 

Nang araw na ‘yon, kitang-kita niya ang galit sa mukha ng kaniyang ama. Kahit na gustong-gusto niyang gantihan ito ng suntok, siya’y napatakbo na lamang. 

Ngunit dahil nga may sama siya ng loob dito na mas lalo pang nadagdagan ngayong siya’y puro pasa at galos sa katawan, napag-isip-isip niyang gantihan ito. 

“Tutal, lalayas na naman ako sa puder mo, mas maiging sunugin ko na ang bahay mo para maranasan mo ang paghihirap na tiyak naramdaman ng nanay ko!” sabi niya sa sarili, habang siya’y bumibili ng gas sa gasolinahan gamit ang natitira niyang pera. 

Pagsapit ng dilim, agad siyang nagtungo sa tapat ng kanilang bahay. Dali-dali niyang binuhos ang binili niyang gas sa paligid ng kanilang bahay at ito’y sinindihan. May nakakita man sa kaniya, hindi niya ito inintindi at dahan-dahan pang lumabas ng kanilang eskinta habang natataranta na ang kanilang mga kapitbahay sa pag-apula ng apoy. 

“Pasensya na kayo, nadamay pa ako sa galit ko!” nakangisi niyang sabi habang nagsisitakbuhan ang mga tao sa paligid niya.

Buong akala niya, agad na maaapula ang apoy dahil marami namang tao ang nagtulong-tulong para mabuhusan ng tubig ang kanilang bahay. Ngunit dahil gawa sa kahoy at pawid ang kanilang bahay, nahirapang apulahin ang apoy at kumalat pa sa mga karatig bahay na pawang gawa rin sa mga nasusunog na materyales. 

Doon na siya bahagyang kinabahan. Hindi bababa sa sampung trak ng bumbero ang sunod-sunod na nagsidatingan at nang makita niya kung gaano na kalaki ang apoy, siya’y nagpasiya nang tumakas. 

Kaya lang, bago pa siya makalayo, siya’y agad nang hinuli ng mga pulis na kanina pa pala nakamasid sa kaniya. Nagpumiglas man siya, wala itong nagawa dahil siya’y tinutukan na ng baril ng isa sa mga pulis na kapitbahay nila na galit na galit sa ginawa niya. 

Bandang alas kwarto ng umaga nang tuluyan maapula ang apoy. Agad niyang nakitang nakaluhod sa bukana ng kanilang eskinita ang kaniyang ama na humihingi ng tawad sa mga naapektuhan nilang kapitbahay. 

“Ayan ba ang gusto mong makita? Ang maging kaawa-awa ang tatay mo?” tanong sa kaniya ng pulis dahilan para siya’y mapaiyak na lamang. 

Doon niya labis na napag-isip-isip na wala talagang magandang maidudulot ang pagtatanim ng galit sa magulang. Bukod sa bibigyan ka lang nito ng bigat sa dibdib, maaapektuhan pa nito nang malaki ang mga magulang na handang gawin ang lahat para sa kanilang mga anak.

Gusto man niyang bumawi o kahit yakapin ang ama noong panahong iyon, wala siyang magawa kung hindi ang umiyak dahil ngayon, siya’y nakakulong na sa isang mabaho at maruming selda na malayong-malayo sa tirahan nila noon ng kaniyang ama na kaniyang sinunog.

More Stories