Ayaw Isama sa Trabaho ang Lalaking Ito dahil sa Kapurulan ng Kaniyang Kokote, May Maipagmamalaki Pala Siya

“Tonyo, may trabaho ulit ako bukas sa construction. Isasama kita, ha, kailangan ko nang katuwang sa pagpapalatada, eh, tapos humanap ka na rin ng isang electrician,” balita ni Ambol sa kaniyang kumpare, araw ng Linggo nang muli siyang makatanggap ng mensaheng mayroon ulit siyang raket sa isang construction site.

“O, hindi ba’t electrician si Kaloy? Bakit hindi na lang siya ang isama natin para hindi na tayo maghanap pa ng ibang tao?” pang-uusisa ni Jurel habang nag-aayos ng lambat sa pangingisda.

“Diyos ko! Inis na inis na akong kasama ‘yon! Alam mo naman kung gaano kapurol ang utak no’n!” inis nitong sagot habang iiling-iling pa.

“May ginawa na naman ba siyang kapalpakan sa trabaho niyo kahapon?” tanong pa ng kausap niya dahilan para siya’y mapabuntong-hininga.

“Ano pa nga bang inaasahan mo? Ilang beses ‘yon nagpabalik-balik sa torch dahil sa kat*ngahan no’n! Hindi pala marunong magbasa at magbilang ng pera ‘yon, ayon naloko ng tindero ro’n! Nagkabarangayan pa tuloy!” pasigaw pa nitong kwento dahilan para magsitawanan ang ilang mga kapitbahay nilang nakakarinig.

“Ah, ganoon ba? O, sige, magtatanong-tanong na lang ako sa tropa kung sino ang marunong,” malumanay na tugon nito.

Rinig na rinig ni Kaloy ang pag-uusap na iyon ng kaniyang mga katrabaho at kumpare tungkol sa kaniya na talagang ikinadurog ng puso niya.

Aminado naman talaga siyang mahina ang kokote niya. Sa katunayan, ito nga ang dahilan para hindi niya ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral sa hayskul. Marami kasi sa kaniyang mga kamag-aral noon, kahit mga tinuturing niyang mga kaibigan, ang nangmamaliit sa kaniya dahil sa katangian niyang ito.

Advertisement

Kaya naman, imbis na magsayang siya ng oras sa pagmamaktol dahil sa mga natatanggap na masasakit na salita, naisipan na niyang rumaket-raket gamit ang galing niya sa pag-aayos ng kuryente.

Ngunit dahil nga hindi siya marunong magbasa at magbilang, hindi pa rin niya maiwasang hindi makaramdam nang kahihiyan at kaliitan tuwing siya’y nakakatanggap nang paghuhusga sa kaniyang mga katrabaho.

Simula noong araw na ‘yon, wala na siyang nasamahang trabaho sa kapitbahay niyang si Ambol. Palagi na itong may kasamang ibang electrician na talaga nga namang nagtulak sa kaniya na patalasin ang kaniyang pag-iisip.

Pinagpatuloy niya ang pag-aaral sa hayskul habang siya’y nangingisda sa gabi. Hirap man siya dahil parehas na utak at pagod ng katawan ang kalaban niya, labis pa rin siyang nagpursigi upang mapatunayan sa lahat ang kakayahan niya.

Kahit na wala siyang pasok sa eskwela, o kahit kapag siya’y naghihintay ng huling isda sa laot, nag-eensayo pa rin siyang magbasa at magbilang sa pamamagitan ng isang kwadernong naglalaman ng mga leksyon na palagi niyang bitbit-bitbit. 

Hindi nagtagal, tuluyan na nga siyang nabihasa sa pagbabasa, pagbibilang, at pagsusulat. Gumaling din siya sa matematika at siyensya dahil sa pagsubsob niya sa pag-aaral.

Dahil sa angking niyang kasipagan, marami sa kaniyang mga guro sa hayskul ang natuwa sa kaniya at siya’y tinulungan makapasok sa isang unibersidad ng pag-iinhinyero. 

Doon muli niyang pinatunayan ang galing at sipag na mayroon siya. Doble man ang hirap na nakaharap niya sa pag-iintindi sa mga leksyong pinag-aaralan, malaking tulong ang mga kamag-aral niyang palagi siyang handang tulungan para maintindihan niya ang bawat pag-aaral na kanilang ginagawa.

Advertisement

Ilang taon pa ang lumipas, siya’y tuluyan nang nakapagtapos ng pag-aaral at dahil sa galing na kaniyang naani mula sa matinding pag-aaral, siya’y pinag-agawan nang nagsisilakihang kumpanya ng pagkokonstruksyon.

Iyon na ang naging simula ng pag-arangkada niya sa buhay na talagang nagpahanga sa kanilang buong barangay na dati’y nangmamaliit sa kaniya. 

Ang kumpare niyang si Ambol na dati’y inis na inis sa kapurulan ng kokote niya, tila ba gusto nang himurin ang paa niya mapautang niya lang ito ng pambili ng bigas at mabigyan ng trabaho sa mga proyektong kaniyang ginagawa. 

Ngunit dahil nga likas sa kaniya ang kabaitan at alam niyang hindi niya ito maaabot kung walang tulong ng mga taong naniwala sa kaniya, pinili niya itong patawarin at tulungan.

Hindi naman siya nagkamali sa desisyon niyang iyon dahil dumoble ang biyayang natanggap niya simula nang pakawalan niya ang sama ng loob na naramdaman niya noon na naging dahilan para mabigyan niya ng trabaho sa konstruksyon ang halos buong barangay nila.

“Ang sarap sa pakiramdam na makatulong sa mga taong pilit kang dinidikdik no’n,” sabi niya sa sarili habang tinitingnan niyang magtrabaho ang kaniyang mga kapitbahay na ngayo’y tinatawag na siyang “Bossing!”