Kabaliwan daw ang Pagtuturo ng Gurong Ito sa mga Preso, Wala nga bang Kahihinatnan ang Ginagawa Niyang Ito?

Kabaliwan daw ang Pagtuturo ng Gurong Ito sa mga Preso, Wala nga bang Kahihinatnan ang Ginagawa Niyang Ito?

InspiringStoriesSuccess

“May napapala ka ba talaga sa ginagawa mo, hija? May dagdag sahod ba ‘yang ginagawa mong pagtuturo sa mga preso, ha? Tiyak, nagsasayang ka lang ng oras sa mga iyon!” sabi ni Aling Norma sa kapitbahay niyang dalaga, araw ng Sabado nang dumaan ito sa harap niya habang siya’y naninigarilyo sa tapat ng kaniyang bahay. 

“Manang, hindi ko naman po hangad na makatanggap ng kapalit sa ginagawa kong ito. Matuto lang silang magsulat at magbasa, ayos na po ako,” mahinahon at nakangiting tugon ni Jennifer sa matanda. 

“Diyos ko, ano ka, bayani? Nagpapakapagod ka para sa mga walang kwentang tao? Sinasayang mo lang ang buhay mo riyan, hija! Kung ako ang nasa katayuan mo, hindi ko sasayangin ang ganda at talino ko sa mga makakasalanang iyan! Baka nga mamaya, bastusin ka pa niyan nila, eh!” sagot pa nito na ikinabuntong-hininga niya lamang. 

“Masaya po ako sa ginagawa ko, manang, at higit pa roon, mababait po sila. Nirerespeto po nila ako hindi lang bilang guro, kung hindi bilang isang babae,” katwiran niya pa habang tinitingnan sa mga mata ang matanda. 

“Hay naku, ‘yang mga gan’yang linyahan, pangteleserye lang! Kapag ikaw talaga napahamak sa kulungang iyan, magpapainom pa ako sa buong barangay! Ang t*nga-t*nga mong bata!” sigaw nito sa kaniya dahilan para siya’y magdesisyong tuluyan nang umalis sa harapan nito. 

Isang guro sa elementarya ang dalagang si Jennifer. Mula araw ng Lunes hanggang Biyernes, mga makukulit at bibong bata ang kaniyang mga tinuturuan, at tuwing araw naman ng Sabado at Linggo, mga preso sa kulungan ang kaniyang pinagtitiyagaang bigyan ng edukasyon. 

Marami mang tao, kahit ilan sa kaniyang mga kaanak at kaibigan, ang nagsasabing isang kabaliwan ang kaniyang ginagawa dahil wala na nga raw saysay ang buhay ng mga presong ito, patuloy pa rin siyang nagtuturo sa mga ito. Naniniwala siyang bukod sa aral sa buhay, edukasyon ang kailangan ng mga ito upang magpatuloy sa pagbabagong buhay. 

Kaya naman, kahit hirap na hirap siyang turuan ang ilang mga preso kung paano magbasa at magsulat, binubuhos niya ang buong lakas para matulungan ang mga ito. Palagi niyang pangaral sa mga estudyante niyang preso, “Tiyak na magkaroon kayo ng magandang trabaho paglaya niyo kapag may alam kayo. Malabo rin na maloko kayo dahil marunong na kayong magsulat at magbasa.” 

Nang araw na ‘yon, kahit na nasaktan siya sa mga sinabi ng matandang iyon, nagpatuloy pa rin siya sa pagpunta sa kulungan. 

Agad na lumiwanag ang mukha niya nang makitang nagtutulungan ang mga preso sa pagbabasa ng isang libro. 

“Ang gagaling niyo naman!” sabi niya sa mga ito. 

“Syempre, ma’am! Magaling at mabait ang guro namin, eh!” sagot ng isang preso na labis niyang ikinatuwa. 

Nagpatuloy pa rin ang pagtuturo niya sa kulungang iyon kahit na maraming walang bilib sa paniniwala niyang magbabago ang mga presong ito. May nagsasabi pa nga sa kaniya na hindi na siya dapat magturo sa mga bata dahil baka naimpluwensyahan na ng mga preso ang pagkatao niya na talagang ikinadudurog ng puso niya dahil alam niyang mababait naman ang mga ito at handang magbago. 

Kahit pa ganoon, umabot na sa isang dekada ang pagtuturo niya sa kulungang iyon at sa tagal ng pagtuturo niya, may mga presong estudyante niya ang nakalaya na at masaya siyang mabalitaan na ang iba sa mga ito, piniling pumasok sa eskwela habang naghahanap ng pagkakakitaan. 

Isang araw, habang siya’y naglalakad patungo sa eskwelahang kaniyang pinagtatrababuhan, may tatlong lalaki na puro tattoo ang sumalubong sa kaniya at nang makilala niyang ilan ang mga ito sa mga presong naturuan niya, agad siyang napangiti sa saya. 

“Kumusta kayo?” agad niyang bati rito. “Ito, ma’am, nakapagtapos na po ng kolehiyo,” sambit ng isa na agad niyang ikinatuwa. 

“Talaga? Naku, ang gagaling niyo naman!” tugon niya saka isa-isang tinapik ang mga ito. 

“Ikaw ang magaling, ma’am. Ikaw lang ‘yong tanging tao na naniwalang may pag-asa pa ang mga kr*minal na katulad namin,” mangiyakngiyak na tugon pa ng isa na ikinalambot ng puso niya. 

Tuluyan nang pumatak ang luha niya nang paanyayahan siya ng mga ito sa seremonya ng kanilang pagtatapos na agad niyang namang tinanggap. 

Kinabukasan, maaga siyang nagtungo sa bulwagan pagdarausan ng naturang pagtatapos at siya’y agad na napaiyak nang makitang nakasuot ng toga ang tatlong lalaking iyon. 

Lalo pa siyang napaiyak nang umakyat na sa entablado ang isa sa mga dating preso at siya’y binati, pinagmalaki, at binigyang karangalan sa harap ng maraming tao. 

Agad na umingay sa social media at telebisyon ang pangyayaring iyon dahilan upang maraming tao ang bumilib sa kaniya.

“Ang tagumpay nila ay tagumpay ko rin. Masaya akong makita silang nagbabago dahil sa edukasyong itinuro ko,” sabi niya sa isang interbyu ng isang sikat na reporter na naghihintay sa labas ng bulwagang iyon.

Simula noon, mas lalong umigting ang puso niya sa pagtulong sa mga preso. Kung dati’y siya’y nakakatanggap ng mga masasakit na salita, ngayo’y nakakatanggap na siya ng tulong mula sa iba’t ibang parte ng bansa dahilan para mas marami siyang maturuang mga preso na nais magbagong buhay.

More Stories