Humawak ng Paluwagan ang Ginang na Ito upang Makabili ng Telebisyon, Siya pala’y Masisilaw sa Pera

“Mare, may hawak akong paluwagan ngayon. Kulang pa ako ng isang tao, baka gusto mong sumali! Lingguhan ang pasweldo ko. Malaki-laking pera ang makukuha mo, mare, marami akong nahatak na tao, eh,” alok ni Shaine sa kaniyang kumare, isang araw nang makasabay niya ito sa pamamalengke.

“Naku, wala akong hilig sa gan’yan, eh. Mas gusto ko pang mag-ipon mag-isa kaysa sumugal sa gan’yang uring pag-iipon. Sasakit lang ang ulo mo riyan, mars, kapag may hindi nagbabayad sa oras!” tanggi nito habang iiling-iling pa dahilan para siya’y magpaawa rito.

“Ang sabihin mo ayaw mo lang akong suportahan! Ito na nga lang ang tangi kong naiisip na paraan para makabili kami ng telebisyon, eh, ayaw mo pa akong tulungan!” pangongonsenya niya rito na ikinatawa nito.

“Diyos ko, ang kumare ko talaga! Palaging pambida ng teleserye ang pag-iinarte! Sige na, isali mo na ako! Siguraduhin mo lang na sasahod ako, ha?” sambit nito na talaga nga namang ikinatuwa niya. 

“Salamat talaga!” sigaw niya saka ito niyakap-yakap dahil sa sobrang saya.

Matagal nang pangarap ng ginang na si Shaine na magkaroon sila ng telebisyon sa bahay. Simula kasi nang makabuo sila ng sariling pamilya ng kaniyang asawa, ni minsan, hindi pa sila nagkakaroon nito dahil mas inuuna nilang paggastusan ang mga mas importanteng bagay katulad ng pagkain, bayarin sa kuryente at tubig, at iba pang pangangailangan ng kanilang dalawang anak.

Ngunit kahit pa ganoon, hindi niya pa rin maiwasang makaramdam ng pagkainggit sa mga taong may sariling telebisyon sa bahay. Sila kasi ng kaniyang mga anak, madalas na nakikinuod lang sa kanilang kapitbahay.

Ito ang dahilan para maisipan niyang humawak ng isang paluwagan. Wala man siyang ilalabas na pera rito, may makukuha naman siyang pakimkim sa mga taong papaswelduhin niya.

Advertisement

Walang mapaglagyan ang sayang naramdaman niya nang makumpleto niya ang mga taong kasali sa kaniyang paluwagan noong araw na ‘yon dahilan para oramismo, kaniya agad sinimulan ang paniningil.

Kaya lang, paglipas ng isang linggo, nang makalikom siya ng halos dalawampung libong piso na susuwelduhin ng dalawa sa kaniyang mga hawak na tao, siya’y biglang nakaisip ng isang masamang gawain. 

Imbis na ibigay niya sa dalawang taong iyon ang kani-kaniyang sahod, naisip niyang bumili na agad ng telebisyon para sa kaniyang pansariling kasiyahan.

Nakaramdam man siya nang kaunting pangongonsenya, ito’y kaniyang tinabla at pinagpatuloy pa rin ang naiiisip na gawain.

Kakaibang saya ang kaniyang naramdaman nang makita niya kung gaano kaligaya ang kaniyang dalawang anak sa uwi niyang telebisyon. Bigla ring sumigla ang munti nilang bahay dahil sa ingay na gawa nito dahilan para ganoon na lang niya maisip na tama ang kaniyang ginawa.

Bukod pa sa telebisyong iyon, binili niya rin ng grocery, ilang damit, at selpon ang natirang perang hawak niya. “Mababayaran ko naman ‘to kapag patuloy silang naghulog sa akin. Papakiusapan ko na lang ‘yong dalawang taong unang sasahod,” sabi niya sa sarili saka agad na nagtungo sa dalawang taong iyon upang makiusap.

Nabalitaan ng kaniyang kumare ang nangyari dahilan para siya’y puntahan nito sa bahay at ganoon na lang ito labis na nagulat nang makita itong telebisyon sa kaniyang bahay. “Mali ‘yang iniisip mo, ha, hindi ‘yan galing sa paluwagan.

Wala pa akong kita roon,” agad niyang tanggi rito.

Advertisement

“Wala naman akong sinasabi, ha?” sagot nito na ikinalaki ng mga mata niya, “Umamin ka nga, saan galing ang pinambili mo niyan? Punong-puno pa ng pagkain ang kusina niyo,” pang-uusisa nito dahilan para siya’y umamin na rito. 

“Pasensya ka na, nasilaw lang talaga ako sa pera,” nakatungo niyang sabi rito na ikinailing nito.

Papangaralan pa lang sana siya ng kumare, bigla namang dumating ang iba pa niyang tao sa paluwagan at sabay-sabay na nagrereklamo. Nalaman na pala ng mga ito ang ginawa niyang kalokohan dahil sa kaniyang mga kapitbahay. Nagkaisa pa ang mga ito na siya’y ipabarangay na labis niyang pinagsisihan.

Nalaman din ito ng asawa niyang kakauwi lang mula sa stay-in na trabaho sa construction dahilan para labis itong magalit sa kaniya. “Uunahin mo pa talaga ‘yang telebisyon kaysa sa dignidad mo, Shaine? Saan ka ngayon kukuha ng pera pambayad sa kanilang lahat, ha?” sigaw nito sa kaniya na labis niyang ikinaiyak. 

Doon niya naisip na muling ibenta ang mga bagay na kaniyang binili at sa kabutihang palad naman, may mga naawa sa kaniyang tao dahilan para muli siyang makalikom ng dalawampung libong piso na agad niyang sinauli sa kaniyang mga tao sa paluwagan.

Nasauli man niya ang pera ng mga ito, mabigat pa rin ang loob niya dahil alam niyang sira na ang pangalan at dignidad niya sa lahat ng tao sa kanilang lugar.

Kahit pa ganoon, siya’y nagpatuloy pa rin sa paghahanap ng pagkakakitaan. Hindi para bumili ng telebisyon, kung hindi para makatulong sa asawa niyang pagod na sa pakikipagbakbakan sa buhay.