Inday TrendingInday Trending
Nang Mapansing Mali pala ang Numerong Kaniyang Natawagan ay Agad Siyang Humingi ng Tawad sa Ale; Iyon pala ang Pinakamagandang Pagkakamaling Kaniyang Nagawa

Nang Mapansing Mali pala ang Numerong Kaniyang Natawagan ay Agad Siyang Humingi ng Tawad sa Ale; Iyon pala ang Pinakamagandang Pagkakamaling Kaniyang Nagawa

Naglalakad si Kyra patungo sa kaniyang locker habang panay ang tingin sa kaniyang relong pambisig. Alas nuwebe na at hanggang ngayon ay naririto pa rin siya sa trabaho. Aabot pa naman siya para sa selebrasyon ng mahalagang okasyon na dinadaos ng kaniyang pamilya – ang wedding anniversary ng mga magulang niya. Kaso nga lang ay late na, ang mahalaga’y umabot.

Matapos lagyan ng pulbo ang mukha at ayusin ang sarili’y nagdesisyon si Kyra na lumabas na. Kailangan niyang magmadali. Habang nagmamadali sa paglabas ay kinapa-kapa niya ang selpon sa loob ng bag. Nang makapa iyon ay agad niya itong kinalikot. Pinindot niya ang numero ng ina upang abisuhan itong pauwi na siya.

Panay ring lamang sa kabilang linya ang kaniyang naririnig, ngunit hindi pa rin iyon ibinababa ni Kyra. Siguro’y masyadong abala ang ina sa mga bisita nito kaya hindi napansin ang pagtunog ng selpon.

Ilang ring ang lumipas nang sa wakas ay may sumagot sa kabilang linya.

“‘Nay, sobrang dami ba ng bisita niyo?” natatawa niyang bungad. Malapit na siya sa paradahan ng dyip na sa ngayon ay nakikita na niya kung gaano kahaba ang pila.

“S-sino po sila?” nauutal na tanong ng boses babae sa kabilang linya.

Kumunot ang noo ni Kyra sa narinig. Agad niyang inilayo ang hawak na selpon sa may tainga at tiningnan ang numerong kaniyang tinawagan. Agad niyang napalo ang sariling noo nang makita ang pagkakamali. Wrong number pala ang kaniyang natawagan.

“Nakakahiya,” mahina niyang usal sa sarili bago ibinalik sa tainga ang selpon upang muling kausapin ang babae. “Naku! Sobrang sorry po, ma’am. Hindi ko napansing nagkamali ako ng pindot, akala ko’y numero ng nanay ko ang napindot ko kanina. Pasensya na po sa abala,” aniya.

“Ayos lang hija,” magaan ang boses ng babae sa kabilang linya.

Hindi naman niya kaharap ang babaeng kausap sa selpon ngunit tila nasa harapan lamang niya ito, dahil habang nagpapaalam siya’y bahagya siyang yumuko saka ibinaba ang tawag. Nang matapos ang tawag ay saka niya muling pinindot ang selpon upang tawagan ang tamang numero ng kaniyang ina, upang ipaalam ritong pauwi na siya.

Nasa loob na siya ng dyip nang makatanggap ng mensahe. Galing iyon sa ginang na hindi sinasadyang matawagan niya kanina.

“Maraming salamat sa biglaang pagtawag. I was about to end my miserable life, but then you called. Thank you so much,” basa ni Kyra sa mensahe. Hindi niya alam kung ano ang tamang emosyong nais ipahiwatig ng ale, ngunit nararamdaman niya ang labis na kalungkutan nito base sa nababasa niyang mensahe. “Hindi ko itinuloy ang binabalak kong pagtalon sa mataas na bahagi ng gusali dahil akala ko tumawag ang anak ko mula sa langit upang pigilan ako sa masama kong binabalak. Maraming-maraming salamat, hija. I missed my daughter so much, gaya kung paano mo tawagin ang mama mo’y ganoon rin niya akong tawagin… nanay. That was a beautiful mistake, thank you.”

Hindi napigilan ni Kyra ang maiyak sa nabasang mensahe ng aleng hindi pa man niya nakikita at nakilala’y gustong-gusto na niyang bigyan ng mahigpit na yakap. Hindi niya alam kung ano ang mismong nangyari sa anak nitong babae, ngunit base sa nababasa niya’y sumakabilang buhay na ito.

Nanlalabo ang mga matang ni-replyan niya ang mensahe nito. “Baka nga iyon ang sign na ayaw ng anak niyong may gawin kayong masama sa sarili ninyo, ma’am. I’m sorry for your loss, pero sa palagay ko’y payapa naman ang anak niyo kung nasaan man siya ngayon. Sigurado po akong hindi niya gustong nakikita kayong miserable ngayon,” sagot niya rito.

Gusto niyang pagaanin ang mabigat na nararamdaman ng ale. Hindi pa man niya nakikita’y parang konektado na ito sa kaniya. Pakiramdam niya’y nakikita niya ang sariling ina rito. Ayaw niyang isipin na pwede iyong mangyari sa nanay niya. Walang magulang ang gustong maglibing ng kanilang mga anak. Kaya alam niya kung gaano kasakit para sa ale ang pagkawala ng anak nitong babae.

Hanggang sa nakauwi siya sa bahay nila’y nagpapalitan pa rin sila ng mensahe ng ale. Natutuwa siyang malaman na kahit papaano’y napapagaan niya ang loob nito. Siguro nga’y siya ang ipinadala ng Panginoong Maykapal upang pigilan ang ale sa masama nitong binabalak.

Nalaman niyang mag-isang anak lamang ng ale ang nasira nitong anak, at ang mas nakakataas balahibo’y halos ka-edad niya lang ang anak nito, hiwalay na rin ito sa asawa. Kaya labis itong nasaktan noong iniwan ng nag-iisang anak. Makalipas ang dalawang linggo mula noong nagkaka-text sila ng ale ay nagdesisyon itong kilalanin siya nang personal, agad naman niyang pinaunlakan ang nais nitong makita siya.

Noong araw na nagkita sila’y agad siyang niyakap ng ale habang umiiyak. Hinayaan lamang ni Kyra na umiyak sa balikat niya si Aling Zara, kung iyon ang makakagaan sa bigat ng dinadala nito. Matapos nilang mag-iyakan ay nagdesisyon silang mamasyal.

Kahit papaano’y naging masaya rin si Kyra habang kasama si Aling Zara, dahil nakikita niyang totoo itong naging masaya nang makita siya. Sino ba siya upang ipagdamot ang maliit na kaligayan ng ale matapos nitong mawalan ng mahal sa buhay? Kung siya ang paraan upang maisip nitong magpatuloy sa buhay ay hindi niya iyon kokontrahin.

“Maraming-maraming salamat sa araw na ito, Kyra. Sana magkita pa tayong muli,” anito na may malungkot na ngiti sa labi.

Hindi niya ito sinagot, niyakap lang niya ito nang mahigpit. Hindi niya kailanman mapapalitan ang pwesto ng anak nito, pero kahit papaano’y kaya niyang pasayahin ang matanda upang mapagaan ang mabigat nitong pinagdadaanan.

Advertisement