Akala ng Mag-Asawa ay Hindi na Sila Magkakaanak Kaya Nang Mabuntis ang Babae ay Laking Tuwa Nila; Isang Malaking Hiwaga Pala ang Nangyari sa Kanila
Sobrang sakit para sa mag-asawang sina Lorna at Waldo nang mawala ang nag-iisa nilang anak na si Crystal.
“Talagang ganyan ang buhay ng tao, una-una lang. Kung nasaan man siya ngayon, siguradong kasama na niya ang ating Panginoon,” sabi ng isa mga kaibigan ni Lorna habang nasa burol.
“Ang sakit kasi, mare, para bang pinatikim lang kami ng pagkain, tapos nang sarap na sarap na kami’y saka naman ito binawi sa amin,” lumuluhang sagot ni Lorna. “Sampung taon bago ako nagkaanak tapos ngayon….”
Hindi na naituoy ng ginang ang sasabihin dahil mas lalo siyang napahagulgol nang muling pagmasdan ang anak na wala nang buhay na sa loob ng kabaong.
“Mare, kayakayanin ninyong mag-asawa ang pagsubok na ito, Magpakatatag lang kayo,” tugon ng kaibigan na pilit siyang pinakakalma.
At muling bumalik sa alaala ni Lorna ang panahon na hindi pa sila binibiyayaan ng anak. Lahat ng paraan ay ginawa nila noon ni Waldo para magkaanak, kumonsulta na rin sila sa doktor.
“Wala naman kayong diperensiyang mag-asawa, maybe you just need some rest and a second honeymoon,” payo nito.
“Siguro nga, doc. Masyado kasi kaming pressured sa trabaho, eh,” wika ni Waldo.
Sinunod nila ang sabi ng doktor, gumayak sila para magbakasyon. Sa probinsya nina Waldo sa Ilocos ang pinili nilang puntahan.
“Sana darling bago matapos ng bakasyon natin ay makabuo na tayo ng baby,” malambing na sabi ni Waldo sa misis.
“Sana nga, sabik na rin kasi akong magkaanak, eh,” sagot ni Lorna.
Maya maya, may napansin ang babae sa kalangitan.
“Darling, tingnan mo ‘yung bituin na ‘yon, parang may bata sa loob at nakangiti sa atin,” aniya sabay turo sa itaas.
Natawa lang si Waldo. “Naku, kung anu-ano ang nakikita mo. Tena na ngang matulog at baka kung saan ka pa dalhin ng ilusyon mo,” anito saka niyaya na siya nitong pumasok sa bahay.
“Diyos ko, dinadalangin ko po na sana ay magkaroon na kami ng anak,” bulong ni Lorna na nakatingin pa rin sa kalangitan.
Ilang linggo ang binuno ng mag-asawa sa probinsya at bago nga natapos ang kanilang bakasyon ay…
“Waldo, Waldo, pinulsuhan ako ni Manang Diday na hilot, ang sabi niya’y buntis na raw ako!” sabik na sabi ni Lorna na pinuntahan ang mister na abalang nag-iihaw ng isda para sa kanilang pananghalian.
Hindi makapaniwala ang lalaki na nilapitan ang asawa.
“H-Ha? Totoo ba ‘yan, darling? Kailangang makauwi tayo agad sa Maynila para makumpirma natin kung totoo na ‘yan!”
“Hay naku, walang duda, nagdadalantao na ako!” tuwang-tuwang sabi ni Lorna sabay haplos sa kaniyang tiyan.
Hindi nga nagkamali ang hilot, totoong nagdadalantao na nga si Lorna. Habang dinadala niya iyon sa kaniyang sinapupunan ay wala silang ginawang mag-asawa kundi ang alagaan at bantayan ang pagbubuntis niya. Pagkalipas nga ng ilang buwan ay isinilang niya ang kanilang panganay.
“At last may baby girl na rin ako!” masayang-masayang sabi ni Waldo nang kargahin niya ang sanggol.
“Ang ganda-ganda ng baby natin, darling. Manang-mana sa akin,” proud na sabi ni Lorna.
Lumabas na malusog at maganda ang bata at sa paglipas ng panahon sa murang edad ng kanilang anak ay kinakitaan na nila ito ng kakaibang talino. Namamangha nga si Waldo sa mga sinasabi ng bata lalo na ang tungkol sa mga bituin.
“Alam mo, papa, tulad ng tao ay may sariling buhay at pag-iisip ang mga bituin at iba pang nilikha sa kalawakan,” wika ng anak na si Crystal.
“Naku, anak, kung anu-ano na ang napapanood mo sa TV kaya kung ano na lang ang naiisip mo. Tena, matulog na tayo. Kanina pa naghihintay sa kwarto ang mama mo,” sabi ng lalaki sa anak.
“Totoo ang sinasabi ko, papa. Marami pang hindi nalalaman ang tao tungkol sa kalawakan,” sagot ng bata.
Hindi na iyon pinansin pa ni Waldo, sa halip ay kinarga na niya ang anak papasok sa kwarto.
Bukod sa pagiging henyo ay maituturing na isang normal na bata si Crystal. Mahilig itong makipaglaro at makihalubilo sa kapwa bata.
Akala ng mag-asawa ay wala nang katapusan ang ligaya nila nang magkaroon sila ng anak hanggang isang araw, isang aksidente ang naganap. Nab*ndol ng sasakyan si Crystal habang pauwi sa bahay nila. Halos gumuho ang mundo ni Lorna dahil harap-harapan niyang nakita kung paano ito nas*gasaan.
“Blag!”
“Crystal!”
Agad namang bumaba sa sasakyan ang nakabangga sa anak niya, hindi raw nito sinasadya ang nangyari. Tumulong din ito na dalhin ang bata sa ospital ngunit…
“Huwag kang umiyak, mama. Hindi kita iiwan, babalik lang ako sa pinanggalingan ko,” huling salita na lumabas sa bibig ni Crystal bago ito tuluyang bawian ng buhay.
“Crystal, anak ko!” iyak ni Lorna nang pumanaw sa kandungan niya ang anak.
D*ad on arrival ang bata sa ospital kaya ngayon nga ay pinaglalamayan na ito sa bahay nila. Ang mas masakit ay hindi man lang naabutan ni Waldo na buhay ang anak.
Bumalik ulit sa kasalukuyan ang gunita ni Lorna na patuloy na umiiyak sa harap ng kabaong ni Crystal.
“Anak ko, anak ko! Bakit ikaw pa?!”
“Mare, kalmahin mo lang ang loob mo!” nag-aalalang sabi ng kaibigan niya dahil nagsisimula nang sumikip ang dibdib niya.
Hanggang sa hindi na niya kinaya ang nararamdaman at bigla siyang nawalan ng malay.
“Mare! Diyos ko!”
“Ihiga ninyo at paypayan! Si Waldo? Nasaan ba?” sabad ng isa sa mga kapitbahay.
Makalipas ang ilang oras at hindi pa siya nagkakamalay ay dinala na siya sa ospital ni Waldo nang dumating ito.
Pagkatapos na suriin ng doktor si Lorna ay ikinagulat ni Waldo ang sinabi nito.
“Huwag kang mag-alala sa iyong asawa. Natural lamang ‘yan sa isang nagdadalantao,” hayag nito.
“A-Ang ibig mong sabihin doc ay…”
Tumango ito. “Yes, your wife is two months pregnant.”
Dahil sa pangyayari ay maluwag na natanggap ng mag-asawa ang pagkawala ng kanilang panganay na anak. Pero isang araw, ‘di nila inasahan na dadalawin sila ng isa sa mga kaklase ni Crystal.
“Hindi ba ikaw ang bestfriend ni Crystal sa school?” tanong ni Lorna sa batang babae.
“Yes po. Pasensya na po hindi ako nakapunta sa burol ni Crystal, kakauwi lang po kasi namin galing sa probinsya. Nga po pala, may ipinagbilin po kasi sa akin si Crystal bago po nangyari ‘yung aksidente,” anito.
“Ano iyon, hija?” tanong ni Waldo.
“Ibigay ko daw po ito sa inyo bago kayo manganak,” sabi ng bata saka iniabot sa kanila ang isang sulat.
Nanlaki ang mga mata ng mag-asawa lalo na si Lorna. Paano nalaman ng kanilang anak ang tungkol sa pagdadalantao niya? Eh, pumanaw ito bago pa nila nalaman na buntis siya?
Sabay na binasa nina Lorna at Waldo ang sulat na ginawa ni Crystal. Pagkakita pa lang nila ay sulat kamay nga iyon ng kanilang unica-hija.
“Mama, Papa,
Kung natatandaan ninyo ay humiling kayo noon sa Diyos ng anak, narinig ko iyon. Alam kong matatagalan pa bago ibigay ang inyong kahilingan kaya pumasok muna ako sa sinapupunan mo, mama, upang pansamantala ay tighawin ang pagkauhaw ninyo ni papa sa anak, perongayong dadating na ang inyong tunay na anak ay kailangan ko nang umalis para bumalik sa kalawakan. Isa akong bituin na tumutupad ng kahilingan ng mga tao at tinupad ko panandalian ang inyong hiling. Hangad ko ang inyong kaligayahan, mama, papa. Alagaan at mahalin ninyo ang tunay ninyong anak gaya ng pagmamahal ninyo sa akin. Paalam!
Crystal”
Hindi makapaniwala ang mag-asawa sa kanilang natuklasan. Isa mang malaking misteryo o kababalaghan ay nangyari sa kanila ay itinuturing pa rin nila itong malaking biyaya. Kahit kailan ay hindi nila makakalimutan si Crystal.
Kinagabihan ay sabay silang tumingala sa kalangitan at muli nilang nakita ang kakaibang bituin na una nilang nakita sa probinsya. Napangiti sila, naisip nila na iyon ang anak nilang si Crystal.
“Kung totoo ngang ikaw ‘yan, nagpapasalamat pa rin kami sa iyo, anak,” wika ni Lorna.
“Mahal na mahal ka namin,” sambit naman ni Waldo.
Ang buhay ay puno ng hiwaga, pero minsan ang hiwagang ito ang nagpapaalala sa atin na huwag mawawalan ng pag-asa. Patuloy na maniwala dahil matutupad din ang ating mga ninanais sa tamang panahon.