Pinagtawanan ng Babae ang Matandang Trainee sa Call Center; Pahiya Siya Nang Malaman ang Pagkatao Nito
Limang na taon na sa pinagtatrabahuhang call center si Rikka bilang trainer. Bukod sa pagiging mayabang ay hindi mahaba ang pasensiya niya pagdating sa pagtuturo sa mga bagong trainee. Ayaw na ayaw niya sa mga trainee na hindi magaling. Kapag nagtuturo siya, ayaw niya ng paulit-ulit at tanong nang tanong, binubulyawan niya na kapag ganoon.
Itsinitsismis din niya sa iba niyang kasamang trainer ang kahinaan ng mga hinahawakan niyang trainee. Naging katuwaan na nila iyon lalo na kapag breaktime.
“Naku ‘yung trainee kong si Mr. Castillo, aba pinahiya ko! Akalain mong pagkatapos ng training ay nilapitan ako, sinabing hindi raw niya maintindihan ‘yung itinuro ko. Ang hinang makaintindi ng instruction kaya ayun, pinahiya ko sa harap ng mga kasama niyang trainee nang sumunod na araw,” tatawa-tawang sabi niya habang kumakain sila ng kasamahan niyang trainer din na si Lety.
“G*ga ka talaga, dapat sinagot mo na lang. Mamaya magsumbong pa iyon sa HR, sabihin pinapahirapan mo’t binu-b*lly,” sagot naman ng babae.
“Wala akong pakialam! Edi magsumbong siya, siguradong ako ang kakampihan ng HR, alam mo naman na marami rin akong friends doon,” sabi niya sabay hagikgik.
Maya maya ay pareho silang napalingon nang dumating ang isa sa mga senior trainer nila, kasunod nito ang isang bagong trainer na babae.
“Ay ‘yan daw ‘yung magaling,” bulong ni Lety sa kaniya.
“Ows, talaga ba?” wika niya at nagmamasid na rito. Nginitian naman sila ng babae.
“Oo, pinag-uusapan nila Ma’am Lorenzo kahapon. Summa Cum Laude ‘yan sa U.P. Tumawang-tuwa nga si Ma’am nung iniinterbyu niya ‘yan, napakagaling daw talaga,”sabi pa ni Lety.
Napangiti naman si Rikka, ganito ang mga gusto niyang kaibigan. Agad siyang tumayo at nilapitan ang babae.
“Hello, ako si Rikka, five years na akong trainer dito. If you need something don’t hesitate ha?” masuyong sabi niya.
“Thank you, Rikka! Ako si Shiela, nice meeting you,” tinanggap nito ang kamay niyang nakalahad, sa tantiya ni Rikka ay nasa beinte dos anyos pa lamang ang babae.
Gusto niya pa sanang makipag-usap nang mapasulyap siya sa orasan, alas kwatro na. Kailangan na niyang bumalik sa training room. Bago siya makalabas sa canteen ay tinawag siya saglit ng senior trainer.
“Yes ma’am?” aniya.
“Rikka, magdaragdag ng limang trainee sa iyo ha, eto ang ang mga pangalan nila,” sabi nito at iniabot sa kaniya ang rekord.
Lalo siyang napasimangot nang makita ang listahan ng mga trainee, napataas ang kilay niya nang mabasa ang rekord ng nagngangalang Stella Manriquez. Aba, sisenta anyos na ang babae, bakit tinanggap bilang trainee? Pag minamalas ka nga naman.
Pagdating sa training room ay sinalubong siya ng limang trainee, lalo siyang naasiwa nang makilala na ang matandang babae. Diyos ko, hindi ba ito nahihiya? Eh parang lola na ito ng ibang trainee na naroon!
Natitiyak niyang mahihirapan siyang magturo rito. Sa mga mas batang trainee na nga lang na mahinang pumik-ap maiksi ang pasensya niya, dito pa kaya sa gurang na?
Mula noon ay wala na siyang naging puntirya kung hindi si Stella. Sinasadya niyang ipahiya ito sa harap ng mga kasama, pilit niyang tinatanong ng mga mahihirap na tanong kaya hindi niya mapigilang matawa kapag napapatulala ito sa kakaisip ng isasagot sa kaniya.
Makalipas ang ilang araw ay sumapit ang foundation day ng kumpanya. May inihandang programa para sa mga empleyado, may mga dance at song numbers, may kainan din at mga palaro. Taon-taon din na namimili ang senior trainer sa mga bagong trainee na magsasalita sa stage para magbahagi ng istorya ng kanilang buhay, at ang napili ay si Stella Manriquez – ang matandang trainee na kinaiinisan ni Rikka.
“Diyos ko naman! Sa dinami-rami ng pwedeng piliin, si gurang pa!” matalim na sabi niya, sinaway siya ni Lety dahil napantingin sa kanila ang ibang trainer at empleyado na kasama nila sa mesa.Naroon din ang bago nilang kasama na si Shiela, napatingin din ito sa sinabi niya, pero wala siyang pakialam, sasabihin niya kung ano ang gusto niyang sabihin.
“Sus, totoo naman, eh, dapat nga hindi na tinatanggap ang mga senior citizen sa call center. Ang dapat sa kanila ay nagpapahinga na lang sa bahay, ang call center ay para lang sa mga mas bata at magagaling, ‘di para sa mga mahihina ang utak at mashoshonda. Kung ako ang anak niyan mahihiya ako! My gosh! Ikaw ba Shiela, what do you think? Sabi nila magaling ka raw, matalino, so I want to hear your opinion tungkol dito, ‘di ba dapat may age limit ang pagtanggap sa mga bagong empleyado?” baling niya sa babae na nakangiti, pilit na humahanap ng kakampi.
Bago pa nakasagot si Shiela ay tinawag na sa stage si Stella kaya pareho silang napalingon.
“Ako po si Stella, bagong call center trainee. Sa mga nag-iisip po kung ilang taon na ako, 60 years old na po ako. Hindi lingid sa akin ang mga matang nakamasid, mga taong nag-iisip na nakakahiya na ang ginagawa kong ito. Pero isang tao lang ang palaging nagpapaalala sa akin na hindi hadlang ang edad ng isang tao para magtrabaho. Ang taong ito ang nagpapalakas ng loob ko at palaging nagsasabing kaya ko, ang aking anak si Ms. Shiela Manriquez,” sabi ng matanda, napuno ng bulung-bulungan sa loob ng bulwagan.
Namutla si Rikka, nanay ni Shiela si Stella! Bakit nga ba hindi niya naisip na pareho ng apelyido ang mga ito?!
Nagtuloy sa pagsasalita ang babae sa stage.
“Kaya inaalay ko ang araw na ito sa mga kapwa ko trainee, sa mga empleyado na narito at sa aking anak na buong puso kong ipinagmamalaki, si Shiela. Proud na proud ako sa iyo, anak, dahil sa kabila ng hirap natin sa buhay ay nagawa mong makapagtapos ng pag-aaral at makakuha ng magandang trabaho para sa amin ng mga kapatid mo. Naaalala ko nang sabihin ko sa iyo na gusto kong magtrabaho para kahit paano’y matulungan ka’y ayaw mong pumayag, pero pinilit pa rin kita dahil gusto ko, kahit may edad na ako’y maranasan ko rin ang paghihirap mo,” maluha-luhang sabi nito.
‘Di naman nakapigil si Shiela at naiiyak na rin na umakyat sa stage, niyakap nito ang ina at kinuha ang mikropono.
“Actually po, hindi talaga ako sang-ayon na nag-apply siya rito bilang call center agent. Ayoko siyang magtrabaho, gusto ko ay sa bahay na lamang si nanay at nagpapahinga pero ayaw kong hadlangan ang pangarap niya na maranasang magtrabaho. Mula po kasi nang ikasal sila ng yumao kong tatay ay hindi siya nito pinaghanapbuhay dahil may hika si nanay. Bata pa lang po ang nanay ko, mahina na ang katawan niya kaya nga nang makagradweyt siya sa kolehiyo ay hindi na siya pinagtrabaho ng aking lolo at lola. Hiling po niya sa akin gusto raw po niyang maranasan ang pagbanat ng buto at kumita ng sarili niyang pera na hindi niya nagawa noon. Labag man sa kalooban ko pero pinagbigyan ko na si nanay, minsan lang siya humiling sa akin. Sabi ko nga sa kaniya, basta huwag lang siya magpapakapagod at kapag hindi na niya kaya ay hihinto na siya. May edad na si nanay, gusto kong ibigay sa kaniya kung ano ang magpapasaya sa kaniya. Mahal kita, nanay! Proud na proud din ako sa iyo!” sambit ni Shiela.
Nagpalakpakan naman ang lahat habang umiiyak. Si Rikka naman ay pasimpleng tumayo at umalis, pahiyang-pahiya siya sa sarili niya.
Mula noon ay nagbago na ang babae, mas mahaba na ang pasensya niya sa mga bagong trainee na tinuturuan niya. Hindi na rin siya mapanghusga sa kapwa gaya ng ginagawa niya noon. Naging mabait na siya sa mga matatandang trainee dahil may karapatan din ang mga ito na maghanapbuhay basta kaya pa ng katawan at kalusugan.