Kahit Mahirap ay Nakipagtanan ang Mayamang Babae sa Nobyo; Nang Malaman ng Lalaki na Buntis Siya ay Tinakbuhan Siya Nito
Ilang taon din ang nagdaan bago muling nagtagpo ang landas nina Lianne at Kirby. Pumunta ang lalaki sa bahay ng babae kahit walang kasiguraduhan na haharapin siya nito.
Biglang uminit ang ulo ni Lianne nang makita ang pagmumukha ng dating kinakasama.
“Ang walanghiya at ang lakas pa ng loob na magpakita!” gigil na sabi ng babae sa isip.
Sa oras na iyon ay kumakatal ang laman ni Lianne sa pagbabalik ng alaala sa utak niya.
“Hindi ka magsisisi sa ginawa mong pagsagot sa akin, Lianne,” sabi noon ni Kirby sa kaniya nang sagutin niya ito.
“Sana nga, Kirby…sana nga,” sagot niya.
Dahil mahal nila ang isa’t isa ay nagdesisyon silang magsama sa iisang bubong kahit walang matrimonyo. Palagi namang nangangako sa kaniya si Kirby na pakakasalan siya nito.
“Maka-jackpot lang ako sa trabaho ko ay pakakasal na tayo,” anito.
“May pera pa naman ako rito, a! Puwede nating gamitin iyon. Hindi naman ako naghahangad ng marangyang kasal, eh,” sabi niya.
Umiling ang lalaki. “Hindi sapat iyon, Lianne. Ang gusto ko…sa kasal natin ay maimbita natin ang iyong mga magulang. Iyon bang hindi ka magiging kahiya-hiya sa kanila…’yong matatanggap na nila ako bilang iyong asawa,” tugon ng kinakasama.
Maganda naman ang mga pangako sa kaniya ni Kirby, kaya naging matiwasay ang kalooban niya.
“Sana nga’y magtagumpay si Kirby para naman pagharap namin kina papa ay mapatawad niya kami,” bulong niya sa sarili.
Dahil iyon ang kagustuhan ng lalaki kaya nakipagtulungan na rin siya rito.
“Kahit paano’y makatutulong ang paglalabada ko sa pag-iipon namin ni Kirby,” sambit niya. Kahit hindi siya sanay sa mahirap na buhay ay kinakaya niya alang-alang sa pagsasama nila.
Ang totoo’y nagmula siya sa mayamang pamilya samantalang si Kirby naman ay mahirap lang. May-ari ng isang malaking kumpanya ang ama ni Lianne, ang mga magulang naman ni Kirby ay parehong nagtitinda ng gulay sa palengke. Nagkakilala silang dalawa sa opisina ng papa niya, siya ang manager at janitor naman doon ang lalaki. ‘Di nila inasahan na titibok ang puso nila sa isat isa kaya nagkaroon sila ng relasyon. Hindi boto ang mga magulang niya kay Kirby dahil sa estado nito sa buhay pero ipinaglaban niya ito. Sumama siya na makipagtanan kay Kirby at eto na nga, nagsasama sila sa maliit na apartment. Nag-resign sila ni Kirby sa kumpanya nila at lumipat sa iba ang lalaki, ngayon ay staff ito sa pabrika ng tela at siya naman ay tinutulungan niya sa pagtatrabaho ang kinakasama, tumatanggap siya ng labada sa mga kapitbahay nila.
Kahit maghapong pagod sa paglalabada si Lianne ay masaya pa rin niyang sinasalubong si Kirby kapag umuuwi ito galing sa trabaho.
“Tiyak na marami kang makakain ngayon, darling! Paborito mo ang ulam na niluto ko, adobong manok,” masaya niyang sabi.
“Aba, eh kailangang maghain ka na. Naku, amoy palang katakam-takam na,” sagot ng lalaki.
Naging maligaya naman ang pagsasama nila sa loob ng limang buwan hanggang sa isang araw…
“A-Ano? Buntis ka?!” gulat na sabi ni Kirby.
“Oo, hindi ka ba natutuwa na magkaka-baby na tayo?” tanong niya.
“Natutuwa…bakit naman hindi ako matutuwa, eh anak natin ‘yan,” sagot ng kinakasama.
“Salamat, Kirby, ngayon siguro’y puwede na tayong magpakasal para naman makahingi na tayo ng tawad sa aking mga magulang,” aniya.
Pero mula noon ay hindi na kumibo ang lalaki, hanggang sa…
“W-Wala ang mga damit ni Kirby sa aparador!” gulat niyang sabi nang makitang wala ni isa mang gamit doon ang lalaki.
Sinubukan niyang tawagan ito ngunit hindi rin nito sinasagot ang mga tawag niya. Sa puntong iyon, alam ni Lianne na tinakasan na siya ni Kirby.
“Bakit mo ginawa sa akin ito Kirby? Bakit?” hagulgol niya.
Masakit ang pagtanggap sa katotohanan, subalit kinakailangan niyang bumalik sa kaniyang mga magulang.
“Iyan na nga ba ang sinasabi ko! Noon pa man ay wala na akong tiwala sa Kirby na iyon. Malakas ang kutob ko na wawalanghiyain ka lang ng lalaking sinamahan mo!” gigil na sabi ng mama niya.
“Hayaan mo na, Mercedes, nariyan na iyan eh. Ang mahalaga ay nasa atin na ang ating anak at ang ating apo,” wika naman ng papa niya.
Dahil sa pag-iwan sa kaniya ni Kirby ay para na rin siyang pinat*y ng lalaki sa sobrang sakit ng ginawa nito.
“Hindi kita mapapatawad, Kirby, hindi!” sambit niya sa sarili.
At ngayon nga, matapos ang mahabang panahon ay muling nagpakita sa kaniya si Kirby. Muling bumalik ang sakit ng nakaraan.
“Palayasin niyo ang walanghiyang iyan! Palayasin niyo!” sigaw niya sa mga kasambahay.
Subalit kahit anong pagtataboy ay nanatiling nakatayo sa harap ng bahay nila si Kirby.
“Parang-awa mo na…sabihin mo kay Lianne na gusto ko siyang makausap, parang awa mo na!” pagsusumamo ng lalaki.
“A, eh, ayaw nga po niyang makipag-usap sa inyo, eh,” sagot ng kasambahay.
Ngunit kahit pinaalis na ang lalaki ay nanatili itong nakatayo roon. Mainit man ang sikat ng araw, subalit ‘di iyon naging sagabal upang matinag sa kinalulugaran.
“Hindi pa po kumakain ‘yong mama sa labas, senyorita,” sabi ng kasambahay.
“Hayaan mo siya,” aniya.
Sa buong magdamag na nasa labas lang ang lalaki ay nakaramdam na ng awa si Lianne nang bumuhos na ang malakas na ulan. Kitang-kita niya na kahit basang-basa na ito ay wala pa rin itong katinag-tinag.
“Naghahanap ba talaga ng sakit ang lalaking ito?” sabi niya sa isip.
Napilitan na niyang labasin ito. Naging bato man ang puso niya ay unti-unti namang lumambot iyon nang mapansing hindi talaga umaalis sa pwesto nito si Kirby.
“O, salamat, Lianne. Nangangahulugan ba na pinapatawad mo na ako?” tanong nito.
Bumuntung-hininga muna siya bago sagutin si Kirby.
“Sige, pinapatawad na kita. Hindi naman ako ganoong kasama para hindi magpatawad, pero ‘di nangangahulugan na makikisama pa ako sa iyo,” sagot niya.
“Alam kong nasaktan kita noon, inaamin ko na natakot ako sa responsiblidad dahil hindi ko pa kayang ibigay sa inyo ng ating anak ang magandang buhay kaya nagdesisyon ako na umalis, pero pinagsisisihan ko na iyon. Nagsikap ako para tuparin ang hindi ko naibigay sa inyo noon. May maganda na akong trabaho ngayon at nakapagpagawa na rin ako ng sariling bahay para sa atin. Sapat na rin ang ipon ko para maituloy na natin ang pagpapakasal. Lahat ng imposible noon ay kaya ko nang ibigay sa iyo ngayon. May maipagmamalaki na ako sa mga magulang mo. Pero kung wala ka nang nararamdaman sa akin ay buong puso kong tatanggapin. Ang hangad ko lang ay ang iyong kapatawaran. Hangad ko ang inyong kaligayahan. Ihalik mo na lang ako sa ating anak, salamat,” sabi ni Kirby bago tumalikod.
Sa sinabi ng lalaki ay napagtanto ni Lianne na hindi niya pala kayang mawala si Kirby sa buhay niya. Mahal pa rin niya ito. Handa niya itong bigyan ng isa pang pagkakataon.
“Sandali, Kirby!” sigaw niya saka patakbo itong sinundan. “Kailangan kita, Kirby, kailangan ka namin ng anak mo,” saad niya.
Hindi makapaniwala ang lalaki na bigla siyang niyakap nang mahigpit.
“Patawad, Lianne sa lahat! Muli akong nangangako, hindi ko na ulit kayo iiwan,” sambit nito.
“Aasahan ko ‘yan, Kirby, aasahan ko ‘yan,” tugon niya.
Mula noon ay tinupad ni Kirby ang pangako nito sa kaniya, pinakasalan siya nito at kahit kailan ay hindi na nawalay pa sa piling nilang mag-ina. Natanggap na rin at napatawad ng mga magulang niya ang kaniyang asawa na ngayon ay tuwang-tuwa pa dahil magkaka-apo na ulit ang mga ito. Dinadala niya ngayon ang pangalawa nilang anak ni Kirby na malapit na rin niyang isilang.