Parehong Malalakas ang Personalidad ng Ate at Nobya Niya; Sino ang Susundin ng Lalaking Ito Pagdating sa Gagawing Pagpapakasal?
Hindi makakalimutan ni Cassandra kung paano siya titigan ng ate ng kaniyang nobyong si Lance, nang magtungo siya sa malaking bahay nito kung saan nakikitira ang lalaki.
Parang inuurirat ang kaniyang pagkatao. Malakas ang dating ng ate nito, palibhasa ay matandang dalagang seryoso, masungit, at istrikta, na isang propesor sa isang pamantasan.
Sa kabuuan ng pag-uusap nila ay hindi makampante si Cassandra lalo’t napansin niyang oo lamang nang oo ang nobyo sa bawat kumpas ng kaniyang ate, na ayon sa kuwento ni Lance ay malaki ang utang na loob niya.
“Palagay ko, kailangang gawin sa katedral ang kasal ninyo, kung sakali mang balakin ninyong lumagay na sa tahimik,” wika ng ate ni Lance na si Rosendra, habang banayad na hinihiwa ang steak sa sariling plato. “What do you think, Lance?”
“Oo naman ate, tama naman po kayo, pero s’yempre, I have to ask Cassandra din. Hon, okay ba sa iyo na sa katedral tayo…”
“Ikaw ang lalaki kaya ikaw ang masusunod,” sansala ni Rosendra sa kapatid.
“Kung okay sa iyo at ikaw naman ang gagastos, sa katedral tayo. Palagay ko ako na lang ang bahalang humanap ng wedding coordinator nang sa gayon ay wala na kayong atupagin. Dumalo na lang kayo ng pre cana seminar,” paladesisyong sabi ni Rosendra.
Hindi na nakapagpigil pa si Cassandra.
“Mawalang-galang na po, Ate Rosendra, kaya lang po, parang medyo kailangang ikonsidera muna natin ang mga bagay-bagay po. Nagpapasalamat po ako sa tulong at alok ninyo, pero may nakuha na po akong wedding coordinator na siyang mag-aasikaso ng lahat. Matagal ko na po kasi siyang nasabihan,” giit ni Cassandra.
Hindi kumibo si Rosendra, bagkus ay tumingin lamang kay Lance.
Tila nahulaan naman ni Lance ang ibig sabihin ng ate. Hindi nito nagustuhan ang pagsagot ni Cassandra.
“Ah, Love, nagmamalasakit lang naman si Ate. Wala naman siyang ibig sabihin. Para lang makatulong sa mga gastusin natin,” sabi ni Lance.
Ngunit kapansin-pansing hindi na kumibo si Rosendra.
Nang inihatid ni Lance ang nobya ay nagkadiskusyunan pa sila sa loob ng kotse.
“Sinabi sa akin ni Ate Rosenda na hindi niya nagustuhan ang pambabara mo kanina,” wika ni Lance.
“Lance, iginagalang ko ang ate mo at hindi ko intensyon na masaling ang damdamin niya. Ang punto ko naman, tayo ang magpapakasal. Tayo ang magdedesisyon. Oo, nakatatandang kapatid mo siya, utang mo sa kaniya kung anuman ang mayroon ka ngayon. Pero baka nakakalimutan niya na nasa hustong edad ka na. Balang araw, magiging padre de pamilya ka, ikaw ang magiging lider ng tahanan natin,” giit naman ni Cassandra.
“Nasanay na ako na si Ate Rosendra ang tumatayong magulang sa akin, Love,” katwiran naman ni Lance.
“Love, hindi ko naman inaalis ‘yan sa iyo. Pero tatandaan mo, hindi sa lahat ng pagkakataon eh susundin mo ang bawat kumpas ng ate mo. Siya nga pala, hindi ako payag at pabor na matapos ang kasal natin, doon tayo sa kanila titira, kahit na mala-mansyon pa ang laki at lawak ng bahay. Mas gusto ko na kahit nangungupahan lang, tayo pa rin ang masusunod at hindi nakikisama. Isa pa, mas mainam sigurong bumukod tayo, dahil baka mag-away lang kami ng ate mo kapag pinagsama mo kaming dalawa.”
Tila naiipit sa dalawang nag-uumpugang bato si Lance. Parehong dominanteng babae sina Rosendra at Cassandra, at parang nakikini-kinita na niyang may gulo kapag nangyari nga ito.
Hindi niya alam ngayon kung paano niya sasabihin kay Ate Rosenda ang nais na mangyari ni Cassandra. Paano kung sabihin sa kaniya nito na ayaw niyang maging hipag ang nobya?
Huwag naman sana. Mahal na mahal niya si Cassandra.
Kaya naman nang muling magkausap ang magkapatid at muling mabuksan ang isyu ng pag-aalok ni Rosenda na sa bahay na niya manirahan ang mag-asawa, nagulat si Lance nang pumayag ang ate.
“Nakita ko na malakas ang personalidad ng mapapangasawa mo. Nakikita ko ang sarili ko sa niya. Sa palagay ko, magiging mabuting maybahay mo siya at katuwang sa buhay. Ang mga kagaya niya, gustong hinahayaan na gawin ang mga bagay na sa tingin niya ay nararapat.”
At nang ikasal na sila ay nangupahan muna sila habang nag-iipon pa sila para sa pagpapagawa ng kanilang dream house sa lote na kanilang nabili, sa pinagsama nilang pera.
Napagtanto ni Lance na totoo pala ang mga kasabihan ng mga nakatatanda, na kapag nag-asawa ka na, kailangang matuto ka nang magdesisyon para sa kapakanan ng itinataguyod na pamilya, katuwang ang maybahay na siyang magiging ilaw ng tahanan.
Naging magkasundo naman sina Cassandra at Rosendra kahit na minsan ay magkaiba ang mga pananaw nila sa mga bagay-bagay.