Suplado, Seryoso, at Ilag sa mga Tao – Iyan ang Pagkakakilala ng mga Empleyado sa Kanilang Boss; Isang Araw, Nagulat Sila Nang Ngumiti Ito
Marami ang nahihiwagahan kay Timothy, 33 taong gulang, dahil sa kaniyang naiibang pananaw sa buhay.
Hindi siya nakikipagkaibigan.
Hindi siya nakikipagkilala.
Hindi siya nag-aaksaya ng panahon upang manligaw man lamang o humanap ng mapapangasawa.
Naniniwala siya na ang lahat ng bagay at nilalang sa mundo ay mawawala rin naman at darating sa katapusan, kaya walang silbi kung makikipaglapit ng kalooban sa sinuman, na sa huli, dalawa lamang ang patutunguhan: ikaw ang mang-iiwan, o ikaw ang maiiwanan.
Katwiran niya, mas mabuting huwag na lamang makipaglapit kahit na kanino.
Ulilang-lubos na siya. Sa murang edad ay parehong sumakabilang-buhay ang kaniyang mga magulang. Wala rin siyang mga kapatid, solong anak kasi siya.
Ang masaklap, ang mga tiyo at tiya na kumupkop sa kaniya ay nagsilisan na rin.
Maagang namulat para sa kaniyang sarili si Timothy. Nagsumikap siya upang mabuhay mag-isa. Kung tutuusin ay malaki ang kinikita niya subalit hindi siya marunong mag-ipon. Hindi siya nag-iimpok. Katwiran niya, kaya naimbento ang pera ay upang gamitin at laspagin. Kaya nagtatrabaho ang tao ay upang kumita ng pera. Kapag may pera, kayang paligayahin ang katawang-lupa.
Kung mag-iipon daw siya, sino naman ang makikinabang kung halimbawang sumunod na rin siya sa mga magulang at kaanak? Mauuwi lamang daw sa wala ang kaniyang mga pinaghirapan.
Kaya sa tuwing kumikita siya, talagang hindi siya nanghihinayang na masaid ang mga ito, lalo na kung ginamit naman niya sa paglalakbay, sa pagkain ng masasarap sa mga mamahaling restaurant, sa pagbili ng mga damit, at pagbili ng serbisyo ng mga babae, kapag mataas ang pangangailangan niya bilang lalaki.
Pagdating sa trabaho, mahusay naman makihalubilo si Timothy at walang maipipintas sa kaniya. Mahusay ang kaniyang pagtrato sa mga empleyadong nasa ilalim ng kaniyang pamumuno bilang General Manager.
Pero pagdating sa personal na bagay at detalye, napakailap niya. Hindi niya alam, isa ito sa mga dahilan kung bakit marami sa kababaihang empleyado ang nahuhumaling sa kaniya; bukod sa pagiging gwapo, simpatiko, at matalino, nakabibighani raw ang pagiging misteryoso niya.
Isang araw, nagulat si Timothy nang malaman niyang makakatrabaho niya ang General Manager ng isa nilang branch, ayon na rin sa rekomendasyon ng kanilang kompanya. Ngayon lamang niya makakaharap ito.
“Gusto ko, mag-usap kayong dalawa para masimulan na ang pagtatayo ng isa pa nating branch,” utos ng may-ari ng kompanya. Nag-set na ito ng pagpupulong nila, kasama ang iba pang mga may katungkulan sa kompanya.
Tumango-tango naman si Timothy. Gusto niya ang mga ganitong mga hamon sa trabaho dahil kahit paano, nababaling ang kaniyang atensyon sa mga mas produktibong bagay, at hindi sumasagi sa kaniyang isipan ang kalungkutang lumulukob sa kaniya dulot ng pag-iisa, aminin man niya o sa hindi.
Maya-maya, pumasok na ang isang napakagandang babae sa conference room.
“Ah, Timothy, I’d like you to meet Olga Miranes, our General Manager BGC branch. Olga, here’s my General Manager sa main branch, Timothy Laxamana.”
May ilang segundong natulala si Timothy sa magandang mukha ni Olga, bago niya napansing nakalahad na pala ang isang palad nito para sa isang pakikipagkamay.
“Nice meeting you, Mr. Laxamana,” nakangiting sabi ni Olga.
Nakipagkamay naman si Timothy at agad niyang binawi ang kamay. Tila may kuryenteng gumapang mula sa pagkakadaiti ng kanilang kamay, patungo sa bawat himaymay ng kaniyang katawan.
Aminado si Timothy na hindi siya masyadong nakikinig sa mga napag-uusapan sa pulong dahil napupukaw ang kaniyang atensyon sa kagandahan ni Olga. Iba ang dating ng babaeng ito.
Gusto niyang pagalitan ang sarili. Marami na siyang nakaengkuwentro, nakaulayaw na babae na karaniwan ay isang gabi lamang pagkatapos ay etsa-puwera na. Pero iba ang karisma ni Olga. May kung anong pagpitlag sa puso niya sa tuwing nagsasalita ito.
Kaya nang tanungin siya nito, sa kauna-unahang pagkakataon ay nahirapan siyang sagutin ito.
“Uy, Timothy, anong nangyayari sa iyo, para kang nahipnotismo ni Olga,” pambubuska ng may-ari ng kompanya.
Naramdaman ni Timothy ang pag-iinit ng kaniyang pisngi at pamumula nito.
“N-No, s-sir, I mean…” nauutal na sabi niya, sabay sagot na sa itinatanong sa kaniya ni Olga hinggil sa ilang mga detalye sa pamamahala sa main branch.
Sa mga sumunod na araw ay direkta nang nagkatrabaho sina Timothy at Olga. Hindi maintindihan ni Timothy ang kaniyang nararamdaman sa twuing nakikita niya ang masayang ngiti ni Olga. Madali siyang mairita sa mga taong nakangiti, subalit iba kapag ang babaeng ito ang ngumingiti sa kaniya.
Naisip ni Timothy na tanggihan na ang pakikipagtrabaho sana kay Olga subalit tiyak niyang magagalit sa kaniya ang may-ari ng kompanya. Hindi siya puwedeng makaiwas at baka madismaya ito sa kaniya.
Hanggang sa nakasanayan na nga ni Timothy ang presensya ni Olga. Hindi nila namalayan ang pagtatapos ng kanilang trabaho.
Sa wakas, tapos na ang kanilang pagkikita ni Olga. Ngunit tila hinahanap-hanap naman niya ito. Noong una, gusto niyang matapos ang kanilang ginagawa. Pero ngayong tapos na, saka naman siya humihiling na sana ay magtagpo ulit ang kanilang mga landas.
Isang araw, nagulat na lamang si Timothy nang makatanggap siya ng text message mula kay Olga. Inaaya siya nitong magkape sila sa isang coffee shop.
“Bakit? May problema ba sa ginawa natin?” kunwari ay tanong ni Timothy.
“Wala naman. Masama bang maka-bonding ka?”
May kung anong kasiyahan ang naramdaman ni Timothy. Kinilig siya. Sa kauna-unahang pagkakataon ay kinilig siya!
At nagulat na lamang siya na nakatingin na sa kaniya ang iba pa niyang mga katrabaho. Paano, ngayon lamang nila nakitang ngumiti nang ubod-tamis ang kanilang boss!
Dahil nahiya namang tumanggi at gusto rin naman niyang makita si Olga, pumayag siyang makipagkita rito.
Hindi trabaho ang kanilang pinag-usapan kundi iba’t ibang mga bagay sa kani-kanilang mga buhay. Hanggang sa namalayan na lamang ni Timothy na nagbubukas na siya ng sarili sa dalaga.
“I did my research. Kaya pala sinasabi nila na suplado at masyado kang seryoso sa buhay,” wika ni Olga.
Ang unang beses na pagkikita nila ni Olga ay nadagdagan ng pangalawa, pangatlo, at maraming beses pa.
Hanggang sa umamin na sa kaniya si Olga.
“I don’t believe in courting, and I’m a strong woman. Gusto kita, Tim,” wika nito.
Parang musika sa pandinig ni Timothy ang pagkakasambit ng ‘Tim’ sa kaniya ni Olga.
“G-Gusto rin kita… Olga…”
At doon na nagsimula ang kanilang pagkakaigihan.
Sa isang iglap lamang, hindi namalayan ni Timothy na bumalik ang sigla niya sa buhay. Madalas na siyang ngumiti. Hindi na niya nakikita ang buhay ngayon na walang saysay at naghihintay lamang kung kailan kukunin at babawiin ito.
Binago siya ni Olga.
Binago siya ng pagmamahal ni Olga.
Binago siya ng pagmamahal niya kay Olga.
May dahilan na ngayon siya para magkaroon ng kulay ang kaniyang buhay.
Pagkatapos ng kanilang kasal, dumiretso sila sa sementeryo kung saan nakalagak ang mga labi ng kaniyang mga magulang, tiyo at tiya. Pormal niyang ipinakilala ang kaniyang asawang si Olga, na siya ngayong katuwang, na dating sanay sa pag-iisa!