Inday TrendingInday Trending
Hindi Tinatanggap ng Babaeng Ito ang Paniningalang-Pugad ng mga Lalaking Nagkakagusto sa Kaniya; Takot Ba Siyang Magmahal, O May Mas Malalim na Dahilan?

Hindi Tinatanggap ng Babaeng Ito ang Paniningalang-Pugad ng mga Lalaking Nagkakagusto sa Kaniya; Takot Ba Siyang Magmahal, O May Mas Malalim na Dahilan?

“Kat…”

Nagulat si Katrina nang biglang lumitaw sa kaniyang harapan si Zedrick, masugid na manliligaw niya. Anim na buwan na siya nitong nililigawan, subalit gaya ng mga nanliligaw sa kaniya noon, todo-iwas siya.

Ngunit aminado siyang gustong-gusto niya si Zedrick. Ramdam niya ang sinseridad nito sa kaniya. Hindi kagaya ng mga naunang nanligaw sa kaniya na mabilis na nawala, matapos niyang sabihang wala siyang interes magpaligaw.

“Z-Zedrick, i-ikaw pala… anong ginagawa mo rito sa opisina namin?” tanong ni Katrina kay Zedrick.

“Hindi ka na kasi sumasagot sa mga mensahe ko sa iyo. Nag-alala lang ako. Puwede ba tayong mag-usap? Gusto lang kitang kausapin.”

“Ang kulit mo rin ‘no? Hindi ba sinabi ko na sa iyo na wala akong panahon sa mga ligaw-ligaw na iyan, bakit ba ang kulit mo?” kunwari ay naiinis na sabi ni Katrina.

Subalit hindi makapagsisinungaling ang kaniyang mga mata.

Kitang-kita na kinikilig at masaya siya nang makitang muli si Zedrick.

“Hindi kasi ako naniniwala sa sinasabi mo na hindi mo rin ako gusto, Kat. Ano bang kinatatakot mo? Hindi naman kita lolokohin. Wala akong balak na saktan ka, Kat. Magtiwala ka naman sa akin,” wika ni Zedrick.

“Sige… gusto mo talagang malaman kung anong problema ko? Sige, sasama ako sa iyo. Tara, saan ba tayo?” tanong ni Katrina.

Lumiwanag ang mga mata ni Zedrick. Sa wakas, hindi siya makapaniwalang sa loob ng anim na buwang matiyagang panliligaw kay Katrina ay pumayag na rin itong lumabas kasama niya. Hindi na niya palalagpasin ang pagkakataong ito.

Hindi lamang sa coffee shop dinala ni Zedrick si Katrina kundi sa isang mamahaling restaurant. Umorder siya ng tenderloin steak para sa kanilang dalawa. Para sa kaniya, natatanging babae si Katrina kaya nararapat lamang na alayan ito ng mga bagay na espesyal.

“Gaano ka ba kaseryoso sa akin?” walang patumanggang tanong ni Katrina.

“K-Katrina, hindi ako magtitiyaga sa iyo sa loob ng anim na buwan kung sa tingin ko, hindi talaga kita gusto. Ikaw lang ang babaeng nais kong makasama sa buhay ko,” wika ni Zedrick.

“Tanggap mo ba ako? Matatanggap mo ba ang buong detalye sa buhay ko?” tanong ni Katrina.

“Kahit ano ka pa, Katrina. Matatanggap ko ang lahat sa iyo. Kung ang tinutukoy mo ay estado sa buhay, sa palagay ko ay wala namang kaso sa isa’t isa. Hindi batayan ang estado sa buhay sa pag-ibig. Huwag kang mag-alala, nagsusumikap naman ako sa buhay ko. Maayos naman ang trabaho ko, may ipon ako. Kaya ko naman sigurong ibigay ang mga pangangailangan mo, pati na ng pamilyang bubuuin natin nang magkasama… paumanhin kung sumosobra na ako, pero ganoon talaga ang nakikita ko,” sagot ni Zedrick.

“Kahit na may sakit ako? Matatanggap mo ako?”

Natigilan si Zedrick.

“S-Sakit? Anong ibig mong sabihin? You look good and well naman…”

“I have H*V.”

Napamaang si Zedrick sa malaking rebelasyon ni Katrina.

“H-Ha?”

“I said, I have H*V. I’m a person living with H*V,” diretsahang pag-uulit ni Katrina.

Hindi nakakibo si Zedrick. Nabigla siya sa mga sinabi ni Katrina. Ayaw naman niyang magsinungaling sa kaniyang nararamdaman.

“S-Seryoso ka ba diyan? P-Paanong nangyari ‘yun, paano mo nakuha…” nauutal na tanong ni Zedrick. Iisa lamang ang nasa isip niya: maaaring nakuha ni Katrina ang virus dahil sa pakikipagtal*k.

Ayaw niyang isiping ‘liberated’ o masamang babae si Katrina na kung kani-kaninong lalaki nagpapagalaw nang walang proteksyon, kaya nakuha ang gayong sakit.

“Nakuha ko siya sa Mommy ko… dati siyang bayarang babae. Nang isinilang ako, sa kasamaang-palad, nagpositibo na ako. Dala-dala ko na ito mula noong isinilang ako. Iyan ang dahilan kung bakit lahat ng mga nanligaw sa akin, binabasted ko. Ayokong makahawa. Ayokong masira ang buhay ng ibang tao dahil sa akin, dahil lang sa nagmahal ako,” emosyunal na pahayag ni Katrina.

Hindi nakaimik si Zedrick. Hindi niya malaman ang sasabihin niya.

“M-Maiintindihan ko kung pagkatapos nito, mawawala ka na. Maraming salamat sa lahat,” at bago pa tuluyang bumalong ang mga luha ay tumayo na si Katrina at walang-lingong-likod na umalis na.

Hindi naman nakahuma si Zedrick. Sa totoo lang, hindi niya alam ang mararamdaman. Nangalisag ang kaniyang mga balahibo sa pagbubunyag ni Katrina sa tunay nitong kalagayan sa kalusugan.

Magdamag namang umiyak si Katrina habang nasa kaniyang tabi ang picture frame ng kaniyang sumakabilang-buhay na ina.

Minsan, gusto niyang sisihin ang ina sa ‘sumpang’ ipinamana nito sa kaniya, subalit ano pa nga ba ang magagawa niya?

Mabuti na lamang at nabuhay siya sa panahong moderno na ang panahon at may mga gamot na siyang iniinom na anti-retroviral upang hindi lumala ang kaniyang sakit. Patuloy rin ang kaniyang pagkonsulta sa mga counselor at advocates upang maging maganda pa rin ang kaniyang disposisyon sa buhay, sa kabila ng pinagdaraanan.

Alam niya, matapos ang rebelasyon niya kay Zedrick, matatapos na ang pangungulit nito sa kaniya. Inihanda na niya ang sarili para dito. Naiintindihan niya kung lalayo na ito sa kaniya. Sino nga ba namang hangal ang papayag na makasama ang isang taong gaya niya? Sa opisina, ilag na ilag din siya sa pakikisalamuha sa mga tao. Walang kamalay-malay ang kaniyang mga kasamahan sa kalagayan niya.

Isang araw.

Tatlong araw.

Limang araw.

Isang linggo.

Isang linggo ang lumipas. Wala nang Zedrick na nagparamdam, nangulit kay Katrina.

Gaya ng inaasahan niya. Ganoon talaga. At hindi siya galit o nagtatampo kay Zedrick. Naiintindihan niya.

“Kat…”

Nagulat si Katrina nang salubungin siya ni Zedrick. Papauwi na siya ng mga sandaling iyon.

“Z-Zedrick… bakit nandito ka…”

“Mag-usap tayo. Sumama ka sa akin ulit.”

“N-Nasabi ko na sa iyo ang lahat, at hindi ako nagsisinungaling…”

“Basta sumama ka sa akin. Hayaan mo akong magpaliwanag sa iyo.”

Kitang-kita ni Katrina sa mga mata ni Zedrick ang pagsusumamo kaya pumayag siyang sumama ulit dito. Dinala siya nito sa una at huling restaurant na kinainan nila kung saan niya isiniwalat ang kaniyang kalagayan.

“Pasensya ka na kung isang linggo akong nawala. Aaminin ko, nabigla ako sa mga sinabi mo. Hindi ko alam ang magiging reaksyon at gagawin ko sa simula. Pero ginamit ko ang isang linggo para makapag-isip-isip. Nagsaliksik ako. Pinag-aralan ko ang tungkol sa… sa sakit mo. Nalaman ko na may mga mag-asawang matagumpay na nagsama kahit ang isa sa kanila ay may sakit na gaya mo. Puwede. Puwedeng mangyari, basta mag-iingat lamang at may proteksyon,” wika ni Zedrick.

“A-Anong ibig mong sabihin…” nauutal na tanong ni Katrina.

Kinuha ni Zedrick ang kaniyang mga kamay. Dinala sa mga labi. Hinalikan.

“Mahal kita, Katrina. Totoo at paninindigan ko ngayon ang mga sinabi ko sa iyo. Tanggap ko kung ano ang meron sa iyo. Sana, hayaan mo akong alagaan ka. Sana, hayaan mo akong makasama ka. Sana, hayaan mo akong mahalin ka…”

At napaiyak nang tuluyan si Katrina.

Saan ka pa ba makakahanap ng isang taong sa kabila ng kapintasan mo, na maaari ring makapagpahamak sa kaniya, ay pipiliin ka pa rin?

Bihira ang kagaya ni Zedrick. Kung tutuusin, may matibay na itong dahilan upang lumayo sa kaniya. Mas marami pang mga babae diyan na walang pasanin sa buhay.

Pero siya pa rin ang pinipili nito.

Sa kauna-unahang pagkakataon, tinanggap ni Katrina ang idinudulog na pagmamahal ni Zedrick dahil gusto naman niya talaga ito, at nakadagdag pa ang lubusan nitong pagtanggap sa kaniya.

Makalipas ang dalawang taon ay nagkaanak na sila at mapalad na negatibo sa sakit ang kanilang mga supling. Namuhay nang maligaya sina Katrina at Zedrick kasama ang kanilang malulusog na mga anak.

Advertisement