Inday TrendingInday Trending
May Pagtangi ang Mayamang Dalagita sa Anak na Binatilyo ng Kanilang Kasambahay; Paano Kapag Nalaman Ito ng Kaniyang mga Magulang?

May Pagtangi ang Mayamang Dalagita sa Anak na Binatilyo ng Kanilang Kasambahay; Paano Kapag Nalaman Ito ng Kaniyang mga Magulang?

Nang marinig ni Isabel na sinabi ng kanilang kasambahay na si Aling Laura na muling pupunta ang binatang anak nito na si Obet para ayusin ang mga pananim ng kaniyang Mama, pakiramdam niya ay tila lumundag ang kaniyang puso.

Matagal nang naninilbihan sa kanila bilang kasambahay si Aling Laura, kaya kilala na nila ang pamilya nito. At paminsan-minsan, suma-sideline sa kanila ang anak nitong si Obet, na kasing-edad din niya.

Noon pa man, may lihim na siyang paghanga para kay Obet. Bukod sa taglay nitong kagwapuhan at magandang pangangatawang batak sa trabaho, ang labis na hinangaan niya rito ay ang pagmamahal nito sa ina, at ang kasipagan nito.

Balita niya na nag-aaral ito sa kolehiyo sa isang state university habang rumaraket ng kung ano-anong mapagkakakitaan para matustusan ang kaniyang pag-aaral at makatulong na rin sa kanilang mga gastusin sa bahay.

Kaya sa tuwing nagagawi si Obet sa kanila dahil may patrabaho ang kaniyang Mama, palihim siyang kinikilig at nag-aayos.

Pero kapag nariyan na si Obet, kabang-kaba naman siya. Hindi siya mapakali. Nagkakasya na lamang na tanawin mula sa malayo ang kaniyang itinatanging lalaki. Mailap sa tao si Obet. Hindi siya nito pinapansin sa tuwing inaabutan niya ito ng meryenda. Matipid na ‘salamat’ lamang ang isinusukli sa kaniya, at pagkatapos niyon ay umiiwas na ng sulyap.

Maya-maya, narinig ni Isabel na kausap na ni Aling Laura ang anak na si Obet na kararating lamang. Nang mga sandaling iyon, kunwari ay abala siya sa pagpipiano sa kanilang sala. Panakaw-nakaw na sulyap ang ginawa niya kay Obet, na nakasulyap din pala sa kaniya, na biglang binawi ang tingin nang magkasalubong ang kanilang mga paningin.

Alam ni Isabel na namumula ang kaniyang pisngi kaya yumuko siya at nagsimulang tumugtog.

Maya-maya, mula sa bintana ay natatanaw na niya ang hub*d-barong si Obet habang nagsisimula nang ayusin ang mga pananim ng kaniyang Mama.

Napalunok na lamang si Isabel nang makita ang napakakisig na pangangatawan ni Obet. Parang nais niyang lapitan ang binata at punasan ang mga tumutulong pawis mula sa ulo nito, sa likod, sa katawan, pababa sa…

“Isabel, galit na galit ka naman sa pagtipa sa piano, anak… gigil na gigil ka,” sita sa kaniya ng Mama na si Myrna.

“P-Po?” napamaang na tanong ni Isabel kay Myrna.

“Ang sabi ko, sisirain mo yata ang piano, masyadong gigil ang pagtipa mo.”

“Pasensya na po, Mama,” ang nasabi na lamang ni Isabel.

“Siya nga pala anak, malapit na ang debut mo. Nasabihan mo na ba ang mga kaklase at kaibigan mo?” usisa ng kaniyang Mama.

“Ay opo, Mama. Nasabihan ko na po sila. Sinabihan ko na po sila na dito sa bahay gaganapin,” sagot naman ni Isabel.

“Sige, sige. Oh bukas ha, maghanda ka, dahil pupunta tayo sa designer ng gown mo para masukat mo na.”

Dumating ang marangyang debut party ni Isabel, kagaya ng tradisyunal na debut ng isang dalagitang maituturing nang dalaga. May 18 candles at may 18 roses. Ang huling lalaking nakasayaw niya ay ang Papa niya.

Sa dami ng mga guwapong lalaking nagtungo sa kaniyang debut party, isang tao lamang ang hinahanap-hanap ng kaniyang mga mata. Si Obet.

Si Obet na kay kisig sa simpleng kasuotan nito bilang serbidor. Isa ito sa mga kinuhang tagapagsilbi ng kaniyang Mama. Nakasuot lamang ito ng puting long sleeves subalit napakaguwapo pa rin nito. Narinig pa nga niya ang dalawa niyang kaibigan.

“Ang guwapo ng waiter oh… parang kaedad lang natin.”

“Hoy, waiter lang ‘yan, pati ba naman waiter pagdidiskitahan mo.”

Gustong sawayin ni Isabel ang kaibigan subalit pinili na lamang niyang manahimik.

Pagkatapos ng mga seremonya ay nagsimula na ang sayawan. Dahil medyo nasusulasok na sa ingay, minabuti ni Isabel na lumayo muna.

Nagtungo siya sa hardin ng kaniyang Mama. Ang mga halaman na naroon ay inayos at itinanim ni Obet. Namumukadkad na ang mga bulaklak gaya ng rosas, orkidyas, poinsettia, at iba pa.

“M-Ma’am Isabel, maligayang kaarawan po…”

Muntik nang mapatili si Isabel nang bigla na lamang may baritonong tinig na narinig mula sa likuran.

Si Obet.

“O-Obet, ikaw pala… ginulat mo naman ako… salamat,” kunwari ay nagulat na sabi ni Isabel kaya nakatutop ang kaniyang kanang kamay sa dibdib, sa tapat ng puso.

Pero ang totoo, lumulundag ang kaniyang puso sa kilig. Kaharap niya ngayon ang lalaking hinahangaan.

“Pasensya na po kayo. Ma’am, sinundan ko po kayo rito, akala ko kasi kung saan kayo pupunta. Gusto ko lang pong sabihin sa inyo na… na napakaganda n’yo po. Lagi naman kayong maganda, Ma’am…”

Hindi malaman ni Isabel kung saan siya humugot ng lakas ng loob ng mga sandaling iyon upang ipagtapat kay Obet ang kaniyang nararamdaman.

“G-Gusto kita, Obet. Matagal na. Kaya lang, hindi mo naman ako pinapansin. Ang suplado mo sa akin.”

Huli na para bawiin pa ang kaniyang pahayag.

“G-Gusto rin po kita Ma’am… kaya lang… matagal na panahon ko nang sinisikil ang damdamin ko para sa inyo. Tingnan naman ninyo ang kalagayan natin. Mayaman kayo, mahirap lang kami. Langit at lupa ang pagitan natin, Ma’am. Parang sa pelikula o drama sa telebisyon, hindi po tayo bagay, Ma’am. Tiyak po na tututol ang inyong Mama at Papa…”

Hindi na nakapagsalita pa si Isabel. Totoo rin naman ang sinabi ni Obet, pero hindi niya alam ang magiging tunay na reaksyon ng mga magulang kung sakaling malaman nila na may nararamdaman siya para sa anak ng kanilang kasambahay.

Kinabukasan, masinsinang kinausap ng kaniyang Mama si Isabel.

“Anak… narinig ko ang pag-uusap ninyo ni Obet kagabi.”

Natigilan si Isabel.

“M-Ma… wala naman po kaming ginagawang masama ni Obet, wala pong kami…”

“Alam ko, anak. Magkasama kami ng Papa mo kagabi. Hinanap ka namin. Party mo pero wala ka roon sa mga nagsasayawan, kaya hinanap ka namin. Nakita ka namin sa hardin. Nang lalapitan ka na namin, nakita naming palapit si Obet. Narinig namin ang usapan ninyo.”

Hiyang-hiya si Isabel sa kaniyang mga nalaman.

“Isabel, anak… gusto ko lang sanang sabihin sa iyo na walang masama sa nararamdaman mo para kay Obet, kung iyan talaga ang nararamdaman mo para sa kaniya. Kilala namin ang nanay niyang si Laura, mapagkakatiwalaan, masipag… at nakita rin namin kung gaano kasipag si Obet. Walang problema sa amin ng Papa mo kung gusto mo siya. Hindi namin pipigilan ang nararamdaman mo.”

Hindi makapaniwala si Isabel sa mga narinig niya. Kabaligtaran pala ang mga iniisip niya!

“Sa kabilang banda anak, pareho pa kayong nag-aaral ni Obet. Gusto namin ng Papa mo na makatapos ka muna ng pag-aaral mo, magkaroon ka muna ng sarili mong masasabi na nagawa mo. Sana huwag ka munang makipagrelasyon, kahit kanino man yan, hindi ka namin pipigilan, basta maayos at matino ang lalaki.”

Hindi napigilan ni Isabel na yakapin ang kaniyang ina.

Nag magkausap ulit sina Obet at Isabel, sinabi ni Isabel sa kaniya ang mga sinabi ng kaniyang Mama.

“Ma’am Isabel, natutuwa po akong marinig ‘yan. Sa ngayon po, gusto ko munang ayusin ang sarili ko. Gusto ko po munang makatapos ng pag-aaral, makahanap ng magandang trabaho, at mabigyan ng magandang buhay ang nanay ko. Iyan po ang priyoridad ko ngayon. Gusto ko po munang makaahon sa kahirapan. At kapag nangyari na po ‘yun at wala pa po kayong asawa o kasintahan, babalikan ko po kayo… sana po makapaghintay kayo… sana po mahintay ninyo ako…” saad ni Obet.

“Oo Obet… handa akong maghintay…”

Makalipas ang halos pitong taon…

“Mabuhay ang bagong kasal!”

Masayang-masayang lumabas ng simbahan ang bagong kasal na sina Obet na isa nang matagumpay na arkitekto, at ang misis na si Isabel na isa namang negosyante. Masayang-masaya namang nakatingin sa kanila ang dating mag-amo, ngayon ay magbalae na na sina Aling Laura at Myrna.

“Ilan ang gusto mong anak, Mahal…” pilyang bulong ni Isabel sa mister.

“Isa lang…”

“Isa lang?”

“Isang dosena!” pabirong banat ni Obet sabay kindat.

Napuno ng tawanan ang kotse kung saan sila lulan, na maghahatid sa lugar ng kanilang pulot-gata.

Advertisement