Hindi Sinipot ng Kaniyang Ka-Date ang Matronang Ito Kaya Umalis na Lamang Siya; Bakit Kaya May Lalaking Sumusunod sa Kaniya?
“Pangako, huli na ‘to, for God’s sake, Alice, huli na ‘to,” bulong ni Alice sa kaniyang sarili habang kanina pa hindi mapakali sa kaniyang pagkakaupo, sa mesang pinareserba niya kung saan sila magkikita ng kaniyang ka-date.
55 anyos na si Alice. Oo, hindi na maitatago pa ng make up ang mga kulubot sa kaniyang balat, ang mga ‘wrinkles’ sa kaniyang mukha, subalit hindi maipagkakailang maganda at balingkinitan pa rin ang kaniyang pangangatawan.
Sabi nga nila, ‘may asim pa’.
Pero alam na niya ang tawag sa kaniya ng iba.
Matrona.
Tatlong taon nang biyuda si Alice dahil ang kaniyang mister ay sumakabilang-buhay na dahil sa leuk*mia. Malalaki na ang mga anak niya na pawang may sari-sarili na ring pamilya, at lahat sila ay nasa ibang bansa na. Siya na lamang ang naiwan sa Pilipinas. Wala kasing mag-aasikaso sa kanilang negosyo at mga ari-arian gaya ng mga paupahan at plantasyon.
Ang totoo niyan, wala na siyang balak mag-asawa. Praktikal. Iniisip niya, baka peperahan lamang siya at kung magpapakasal siya, baka maharbat pa ang kayamanang naipundar nila ng kaniyang mister. Gulo ‘yun, lalo na sa mga anak niya.
Pero hindi ibig sabihin, na hahayaan na niyang kalawangin ang kaniyang ‘hiyas’. Noong nabubuhay pa ang kaniyang mister, walang araw na hindi sila ‘umaakyat sa ikapitong glorya’. Bahagi na iyon ng kaniyang buhay. Kaya nang mawala ang mister, para siyang mababaliw. Hinahanap-hanap ng kaniyang katawan ang sarap ng pagdating sa rurok.
Kaya naman, minabuti niyang gumamit ng dating app. Kahit sino, basta guwapo. Ang hanap lamang niya ay libangan. Pero sa madalas na pagkakataon, walang sumisipot kapag nakikipag-eye ball siya. Siguro, kapag nakikita na kung gaano siya katanda ay umaatras na.
Kailangan na niyang ‘madiligan’. Uhaw na uhaw na ang tigang na lupa.
Itong katagpo niya, alam niyang gwapo at maskulado ito. Sa dating app kasi na ginagamit niya, hindi puwedeng totoong litrato ang gamitin. Kaya nga ‘Mystery’ app ang pangalan nito. Misteryoso ang pagkakakilanlan ng isa’t isa.
Makalipas ang halos isang oras, tila namumuti na ang mga mata ni Alice. Ipinasya niyang gumamit ng voice message at ipinadala sa account ng katagpo.
“Puny*ta ka… kung ayaw mong magpakita sa akin, fine! Aalis na ako!”
Matapos magbayad ng bill ay lumabas na nga ng restaurant si Alice na bihis na bihis pa naman nang mga sandaling iyon.
Habang patungo siya sa kaniyang kotse ay naramdaman niyang may sumusunod sa kaniyang lalaki. Naka-jacket at nakasumbrero. Kinabahan si Alice. Akala niya’y holdaper kaya binilisan niya ang lakad. Bumilis din ang lakad ng lalaki na tiyak na niyang siya ang puntirya.
Sa pagmamadali at dahil mataas din ang takong ng kaniyang sapatos ay napatid si Alice at nadapa. Tumama ang kaniyang tuhod sa semento. Napaaringkingking siya sa labis na sakit.
“A-Alice, okay ka lang?” nag-aalalang tanong ng lalaking humahabol sa kaniya.
“H-Ha? Bakit kilala mo ko? Sino ka? Holdaper ka ba, kidnaper, o ano?” takot na tanong ni Alice habang napapangiwi sa nararamdamang kirot ng tuhod at paa.
“H-Hindi. A-Ako si… ako si Jerome. Ako yung ka-eye ball mo,” pagpapakilala ng lalaki.
Natigilan si Alice. Napatingin siya sa lalaki.
Ngayon lamang niya napagmasdan itong maigi. Guwapo, makisig, at makinis! Tantiya niya ay mga nasa 28 hanggang 33 taong gulang.
“Eh bakit hindi mo ako sinipot? Tarantado ka!”
Napakamot naman sa kaniyang ulo si Jerome.
“K-Kasi, kuwan… nahiya ako. Tingnan mo naman ang hitsura mo sa hitsura ko… napagkamalan mo nga akong masamang tao, ‘di ba? Parang nailang na akong pumasok sa loob at magpakita sa iyo. Pero noong lumabas ka na at nagalit ka na sa akin, naglakas-loob na ako na sundan ka at makipagkilala sa iyo. Pasensya ka na sa akin. Na-intimidate lang ako sa iyo,” paliwanag ni Jerome.
Tinulungan siya ni Jerome na makatayo, at sa halip na ang unang date nila ay masayang kuwentuhan, nauwi pa sa ospital upang ipagamot ang sugat sa kaniyang tuhod dulot ng pagkakadapa. Mabuti na lamang din at maayos naman ang kaniyang mga buto at hindi siya napilayan.
“Mabuti pa, ihatid na kita sa inyo, para ligtas kang makauwi,” pagmamagandang-loob ni Jerome kay Alice.
Pumayag na rin si Alice.
Mabuti na lamang at marunong ding magmaneho ng kotse si Jerome dahil may sarili itong sasakyan, owner-type jeep nga lamang, hindi kagaya sa kotse ni Alice na talaga namang mamahalin.
Sa bahay ni Alice, pinatuloy niya si Jerome. Umorder na lamang siya ng pagkain at saka sila nag-usap. Mabilis silang nagkapalagayan ng loob.
At iyon na ang naging simula ng kanilang mas malalim na ugnayan.
Tatlong taon na ngayon sina Jerome at Alice bilang magkasintahan. 28 taon si Jerome, 58 naman si Alice. Sa kabila ng mga batikos na natatanggap nila sa mga taong mapanghusga, hindi nila ito alintana.
Wala ring problema kay Jerome kung hindi sila maikasal ni Alice. Payag din siya kung sakaling humantong sila sa kasalan, pero may pre-nuptial agreement.
Tanggap naman ng mga anak ni Alice ang pakikipagrelasyon ng kanilang ina kay Jerome.
At iyon ang mahalaga para sa kanilang dalawa. Tanggap sila ng mga taong nakapaligid at malalapit sa kanila, at mahal nila ang isa’t isa.