Inday TrendingInday Trending
Mahina man ang Utak Niya sa Paaralan, Siya Nama’y Magaling sa Musika; Ang Talento Niyang Ito ang Magbibigay Tagumpay sa Kaniya

Mahina man ang Utak Niya sa Paaralan, Siya Nama’y Magaling sa Musika; Ang Talento Niyang Ito ang Magbibigay Tagumpay sa Kaniya

Sabi ng nakararami, lalo na ng mga taong malapit sa kaniya kagaya ng kaniyang mga kaanak at kaeskwela, wala raw patutunguhan ang buhay ng binatang si Pio. Bukod kasi sa palagi na lang siyang nahuhuli sa klase, palagi rin siyang nakakakuha ng bokyang iskor sa mga pagsusulit. Imbes na siya’y tulungan ng mga taong ito, nagagawa pa ng mga itong pagtawanan ang kahinaan ng utak niya.

“Ano ba naman ‘yan, Pio? Huli ka na naman sa klase! May nagawa ka na bang takdang-aralin sa matematika?” tanong ng kaklase niyang si Bryan, isang umaga pagkapasok niya sa eskwela.

“Ipupusta ko ang lahat ng baon ko! Sigurado akong wala pang gawa ‘yan! B*bo ‘yan, eh!” mayabang na sabat ni Mark sabay lapag ng singkwenta pesos na baon.

“Naku, siguradong walang lalaban sa pusta mo dahil alam naman ng lahat kung gaano kapabaya sa pag-aaral ‘yang si Pio!” tawang-tawa sagot naman ni Bryan.

“Anong pabaya ang sinasabi mo? Ang sabihin mo, wala naman talaga siyang utak na maaari niyang gamitin sa eskwela!” pangbubuska pa ni Mark saka siya dahan-dahang nilapitan, “Kung ako talaga sa’yo, Pio, ngayon pa lang, aaralin ko na kung paano pumadyak ng pedicab! Tiyak naman, doon ka babagsak pagdating ng araw!” dagdag pa nito.

“Tumigil na kayo!” tangi niyang sigaw sabay takbo palayo para lamang matigil ang pangmamaliit sa kaniya ng mga ito.

Lingid sa kaalaman nila, mayroon siyang angking galing sa musika. Palagi siyang nahuhuli sa klase dahil tinuturuan niyang kumanta, tumugtog ng gitara at gumawa ng kanta ang mga batang kalyeng tanging nakakaintindi at humahanga sa kaniya.

Ilang beses man siyang pagsabihan ng kaniyang mga magulang na wala siyang mapapala sa mga batang iyon, hindi siya nagawang pigilan ng mga ito dahil busog sa kasiyahan ang puso niya tuwing ginagawa niya ito.

Nang araw ding iyon, kahit alam niyang muli na naman siyang mapag-iiwanan sa klase dahil nga siya’y lumiban na naman, tumuloy pa rin siya sa isang bakanteng lote malapit sa kanilang paaralan kung saan niya palaging natatagpuan ang mga batang kalyeng estudyante niya.

Kaya lang, bago pa siya makarating sa bakanteng loteng iyon, napansin niyang may ilang kabataan ang kumakausap sa kaniyang mga estudyanteng batang kalye. Lilihis na sana siya ng lakad upang huwag siyang makita ng mga iyon, napansin pa rin siya ng isa sa mga estudyante niyang si Kokoy. Sigaw pa nito, “Ayon po si Kuya Pio, o! Siya po ang nagtuturo sa aming tumugtog at kumanta!” kaya wala na siyang nagawa kung hindi ang lumapit doon at makipagkilala sa ibang mga kabataang naroon.

Doon niya nalamang ang mga kabataang iyon pala ay miyembro ng isang sikat na teatro sa kanilang lugar at labis na humanga ang mga ito sa ganda ng boses at galing sa pagtugtog ni Kokoy.

“Pinagmamalaki ka sa amin ni Kokoy. Sabi niya, gumaling daw siya dahil sa’yo. Tiyak, maganda rin ang boses mo at magaling ka ring tumugtog ng mga instrumento! Maaari ka ba naming marinig na umawit at tumugtog?” sabi ng isa sa mga ito.

“Ah, eh, naku, nagkakamali po kayo. Marunong lang po ako pero hindi ako bihasa,” kamot-ulo niyang tugon.

“Sige na, Kuya Pio! Huwag ka nang magsinungaling! Magpakitang gilas ka na para hindi ka na apihin ng iba!” pangungumbinsi naman ni Kokoy dahilan para ipakita niya nga sa mga ito ang kaniyang talento.

Sa ganda ng boses niya, napanganga na lang ang lahat ng nakarinig nito. Sa sobrang pagkahanga ng isa sa kaniya, agad siya nitong inabutan ng isang tseke at imbitasyon.

“Sumali ka sa teatro namin! Buhayin natin ang sigla ng musika!” sabi pa nito na talagang ikinatuwa niya.

Hindi niya alam, sa oras na iyon, habang siya’y kumakanta, naka-live video pala ang isa sa mga kabataang nanunuod sa kaniya. Marami sa mga kaibigan nito sa social media ang humanga sa kaniya at siya’y pinaanyayahan sa iba’t ibang pagdiriwang dahilan para siya’y bahagyang makaipon ng pera.

Tutol pa rin man ang mga magulang niya sa gawain niyang ito sa kabila ng mga pinansyal na tulong na naibibigay niya dahil nga hindi siya makakapagtapos ng pag-aaral, tinuloy niya ang pagsali sa teatro at doon siya nakakilala ng mga taong nakakaintindi at nagbibigay paghanga sa talentong mayroon siya.

Sa dami ng mga manunuod na humanga sa kaniya at naantig sa kwento niya, may isang guro ang nagboluntaryong tutukan siya sa pag-aaral na talagang ikinatuwa niya.

Sa ganoong paraan, mas napagyabong na niya ang kaniyang talento, nabigyan niya pa ng kasiyahan ang kaniyang mga magulang dahil ngayon, nahahasa na ang utak niya pagdating sa mga aralin sa paaralan! Kung dati’y pinagtatawanan siya ng kaniyang mga kaklase, ngayo’y isa na siya sa mga pinakahinahangaang estudyante sa kanilang paaralan na magaling hindi lang sa akademikong larangan kung hindi pati na rin sa sining at musika!

Bilang pasasalamat sa mga taong tumulong sa kaniyang magkaroon ng masayang buhay sa piling ng musika at sining, patuloy niyang binahagi sa mga batang kalye ang kaniyang galing at talento na ngayon ay sinusuportahan na ng kaniyang mga magulang.

Advertisement