Inday TrendingInday Trending
Nakapulot ng Isang Libong Piso ang Binata sa Daan; Ipangbabayad Niya Kaya Ito sa Kaniyang Utang o Itutulong sa Dalagang Umiiyak?

Nakapulot ng Isang Libong Piso ang Binata sa Daan; Ipangbabayad Niya Kaya Ito sa Kaniyang Utang o Itutulong sa Dalagang Umiiyak?

Petsa de peligro na naman. Kagaya ng ibang mga empleyado, namomroblema na naman ang binatang si Austin kung saan o kanino na naman siya makakakuha ng pera. Sa isang empleyadong katulad niya na sumasahod lamang ng pitong libong piso kada kinsenas na may malaking pamilyang pinapakain, kulang na kulang ito para matugunan niya ang pangangailangan ng kaniyang buong pamilya. Idagdag pa rito ang para sa pansariling pangangailangan niya.

Ito ang kinaiinisan niyang rason kung bakit napipilitan siyang manghiram ng pera kung kanino kahit lingid ito sa kagustuhan niya. Mabuti na lang talaga, nariyan ang kaibigan niyang si Greg na bukod sa wala namang pamilyang sinusuportahan, maganda pa magpasahod ang kumpanyang pinagtatrababuhan dahilan para isang sabi niya lang dito’y agad na siya nitong mapahiram ng pera.

“Sigurado ka bang ayos lang sa’yo, Greg? Malaki-laki na ang utang ko sa’yo. Sa katunayan, hiyang-hiya na talaga ako, eh. Kaso wala naman akong ibang malalapitan kung hindi ikaw lang,” daing niya rito nang mapagpasiyahan na niya itong tawagan bago siya pumasok sa trabaho.

“Ang dami mo pang sinasabi riyan. Pumunta ka na rito sa bahay! Kaaga-aga, inaartehan mo ako,” sigaw nito sa kaniya na agad niyang ikinangiti.

“Ito na, ito na! Maraming salamat talaga sa lahat, pare. Mabuhay ka sana habambuhay,” tuwang-tuwang wika niya na ikinatawa na lamang din nito.

Dali-dali na siyang nagpunta sa bahay nito pagkatapos ng tawag na iyon at nang makuha na niya ang isang libong pisong inutang niya rito, agad na niyang binigay ang kalahati sa kaniyang ina upang makabili ng kakainin nila sa loob ng tatlong araw.

“Pasensya na, nanay, ha? Ikaw na pong bahala kung paano mapagkakasiya ‘yan,” sabi niya sa ina, ngumiti lang ito at nagpasalamat na talagang nagpagaan ng loob niya.

Upang makatipid, naglakad na lamang siya papasok sa kaniyang trabaho. Habang naglalakad, wala siyang ibang iniisip kung hindi ang isang maalwang buhay na pangarap niya para sa kaniyang pamilya.

Kaya lang, maya maya, tila may natapakan siyang nakatuping papel. Wala sana siyang balak na kuhanin ito kaya lang, nang makita niyang kulay asul ito at may tatlong mukha, hindi na siya nagdalawang-isip. Agad na niya itong pinulot!

Tila sinuwerte naman talaga siya dahil pagbuka niya sa nakatiklop na papel, totoong pera nga ito.

“Salamat sa Diyos! Mababayaran ko na agad ang utang ko kay Greg,” sigaw niya habang naglalakad. Ngunit pagliko niya sa isang kanto, narinig niyang humihikbi ang isang dalaga habang may kausap ito sa selpon.

“Mama, kailan po ba kayo magpapadala? Bente pesos na lang po ang pera ko rito. Kailangan ko pa pong magbayad ng libro sa eskwelahan.”

“Ano po? Kung wala po kayong maipadalang pera ngayon, titigil po muna ako ng isang taon? Huwag naman po, mama!”

“Mama, parang-awa mo na po!”

Ilan lang ito sa mga sinabi ng dalagang nakapagpalambot ng kaniyang puso at dahil hindi niya masikmura ang kahabag-habag na eksenang iyon, dali-dali niyang iniabot sa dalaga ang perang napulot niya. Sabi niya pa rito, “Biyaya ng Diyos sa akin ‘yan, maging biyaya ka rin sa iba, ha? Mag-aral ka nang mabuti at magtapos ng pag-aaral!” saka siya agad na tumakbo palayo. Rinig na rinig man niya habang siya’y papalayo ang hagulgol nito, alam niyang dahil na iyon sa kasiyahan kaya siya’y nagmadali nang pumasok sa trabaho.

Ilang linggo ang nakalipas, nabayaran na nga niya ang utang niya kay Greg ngunit dumating na naman ang petsa de peligrong kinatatakutan niya. Tatawag na sana siyang muli sa kaibigan niyang ito nang bigla niyang makita sa harap ng kanilang bahay ang dalagang tinulungan niya noong nakaraan.

“O, kumusta ka? Paano mo nalamang dito ako nakatira?” tanong niya rito.

“Hindi na ‘yon mahalaga, kuya. Ang importante sa ngayon, makausap ka nila. Ilan lang sila sa mga taong gusto kang makilala at maitampok sa isang palabas ang buhay nating dalawa. Nasungkit ko kasi ang gintong medalya sa isang patimpalak ng patalinuhan sa siyensya. Kung hindi mo ako binigyan ng pera noon, hindi ko magagawang maipanalo ito dahil wala akong pangbili ng libro. Utang ko sa’yo ang tagumpay kong ito, kuya!” sabi ng dalaga saka isa-isang pinakilala sa kaniya ang mga kasama nito.

Dahil nga ginamit ng mga ito ang buhay nilang dalawa bilang isang inspirasyon sa isang palabas sa telebisyon, malaki-laking pera ang kinita niya rito na naging daan upang tuluyan niyang mabayaran si Greg at makabili ng pangangailangan ng kaniyang buong pamilya.

Ang palabas na iyon pa ang nagbigay sa kaniya ng oportunidad upang maging isang artista at dito na nga nagsimula ang maalwang buhay na pangarap niya.

Sa patuloy na pag-angat ng buhay niya, hindi pa rin nawawala sa kaniya ang paglalakad sa kalsada kung saan siya nakakakita ng mga taong pupwede niyang tulungan na lalong hinahangaan ng mga taong nakakakilala sa kaniya.

Advertisement