Narinig ng Dalaga ang Hiling ng Kaniyang mga Magulang na Hindi Siya Makapasa sa Unibersidad na Pangarap Niya; May Malalim Palang Dahilan ang mga Ito
Ilang buwan na lamang ay makakapagtapos na ng hayskul ang dalagang si Ice at sa pagtatapos niyang ito, may isa na namang hamon ang naghihintay sa kaniya. Ito ay ang makapasok sa isang sikat na unibersidad na pangarap niyang mapasukan noon pa man.
Kilalang-kilala ang unibersidad na iyon sa buong bansa dahil bukod sa ganda ng kalidad ng pagtuturo rito, karamihan sa mga estudyante rito ay talagang matatalino.
Sa dami ng gustong makapasok sa unibersidad na ito sa kabila ng malaking singil nito sa tuition, iilan lamang ang nakakapasa sa entrance exam na siyang ikinakakaba ni Ice.
“Mabuti ka pa nga, Ice, entrance exam lang ang problema mo. Kayang-kaya mo naman iyong pag-aralan, eh ako? Pera ang problema ko, kaya ngayon pa lang pinapakawalan ko na ang pangarap kong makapag-aral sa unibersidad na iyon,” sabi ng kaibigan niyang si Gwen, isang araw nang masabi niya rito ang kabang nararamdaman niya.
“Bakit ba kasi hindi ‘yan pinag-ipunan ng mga magulang mo?” taas kilay niyang tanong.
“Ice, hindi naman kasi katulad ng mga magulang mo ang mga magulang ko. May negosyo ang tatay mo, may trabaho ang nanay mo. Habang ang mga magulang ko ay tindera lamang sa bangketa. Hindi parehas ang antas ng buhay nila kaya maswerte ka dahil sigurado nang makakapag-kolehiyo ka,” malungkot na sabi nito kaya wala siyang nagawa kung hindi tapik-tapikin na lamang ito.
At dahil nga sa kagustuhan niyang makapasok sa paaralang iyon, wala na siyang sinayang na oras pa. Agad niyang sinubsob ang sarili sa pag-aaral. Mapaumaga man o gabi, may pasok man siya sa eskwela o wala, palagi siyang naglalaan ng oras upang magbasa at mag-aral ng sangkatutak na libro sa kaniyang silid. Kaya lang, isang gabi, nang makaramdam siya ng gutom habang nag-aaral, hindi niya sadyang marinig ang usapan ng kaniyang mga magulang na sabay na umiinom ng kape sa kanilang kusina.
“Sana, hindi makapasa si Ice sa entrance exam niya, ano?” wika ng kaniyang ama.
“Oo nga, eh, tiyak na malaki ang gasgastusin natin kapag doon siya nag-aral,” tugon pa ng kaniyang ina na talagang ikinalamig ng kalamnan niya.
“Mga magulang ko ba talaga kayo? Bakit pagbagsak ko ang panalangin niyo?” sigaw niya sa mga ito saka siya agad na tumakbo pabalik sa kaniyang kwarto.
Todo suyo man ang mga ito para buksan niya ang pinto, hindi niya ito ginawa. Umiyak lamang siya nang umiyak doon habang pinagpupupunit niya ang mga librong bigay ng mga ito.
Kinabukasan, maaga siyang gumising upang makaalis papuntang paaralan nang hindi nakikita ang kaniyang mga magulang. Matagumpay nga siyang hindi makita ang mga ito ngunit naabutan niya namang nagkakape ang nakatatanda niyang kapatid na katuwang ng kanilang ama sa negosyo.
“Nabalitaan ko, nagalit ka raw kila mama at papa, ha?” bungad nito kaya agad niyang sinabi rito ang kaniyang narinig.
“Kung ako ang nasa kalagayan nila, iyan din ang hihilingin ko,” sagot nito na ikinalaki ng mata niya.
“Ano?! Wala ka rin bang puso katulad nila? Bakit ba hindi niyo ako masuportahan sa kung anong gusto ko?” sigaw niya rito.
“Baon na sa utang ang negosyo ni papa, bunso. Pilit naming sinolusyunang dalawa ang problema sa negosyo ngunit hindi na talaga kayang maisalba pa. Hinihiling nila na huwag kang makapasa sa entrance exam dahil hindi nila kakayanin ang babayaran sa unibersidad na iyon. Marami ka namang unibersidad na pupwedeng pasukan, ang iba pa nga ay libre na. Intindihin mo rin sila, bunso, namomroblema at natatakot din sila sa hinaharap katulad mo,” pangaral nito na talagang nagbigay kurot at konsensya sa puso niya.
Sa sinabi ng kaniyang kapatid, napagtanto niyang maaari pa rin naman pala siyang magpatuloy sa kolehiyo nang hindi gumagastos nang malaki ang kaniyang mga magulang dahilan para oramismo, pinakawalan na niya ang pangarap niyang unibersidad alang-alang sa kaniyang mga magulang.
Dahil sa katotohanang nalaman, dali-dali niyang pinuntahan ang kaniyang mga magulang na tulog pa sa kanilang silid. Niyakap niya ang mga ito habang siya’y nahingi ng tawad. Wala ibang masambit ang mga ito kung hindi, “Patawad din, anak, hindi namin maibigay ang gusto mo,” na talagang ikinaiyak niya.
Katulad ng sabi ng kaniyang kapatid, sa isang libreng unibersidad na lamang siyang nagpatuloy ng kolehiyo pagkalipas ng ilang buwan. Wala naman siyang pinagsisisihan dito dahil bukod sa maganda rin ang turo rito, ni piso ay wala siyang ginagastos at nakakasama niya pa ang kaibigan niyang si Gwen na talagang nagpagaan ng buhay kolehiyala niya.
Hindi man agad nakabangon ang kaniyang ama sa pagkakabagsak ng negosyo, masaya siyang makita itong muling nagsisimula katuwang ang kaniyang kapatid at ina para sa kanilang pamilya.