Inday TrendingInday Trending
Panay ang Bigay Niya ng mga Mamahaling Regalo sa Kaibigan; Ngunit Wala sa Anumang Regalo ang Tutumbas sa Binigay Nito

Panay ang Bigay Niya ng mga Mamahaling Regalo sa Kaibigan; Ngunit Wala sa Anumang Regalo ang Tutumbas sa Binigay Nito

Napasinghap ang matalik niyang kaibigan na si Ellen nang makita nito ang laman ng magarbong kahon na iniabot niya rito bilang regalo niya para sa kaarawan nito.

“Julie, bakit mo naman ako bibigyan ng ganito kamahal na regalo?” nanlalaki ang mata na tanong nito.

Imbes na sumagot ay isinuot niya na lang sa kaibigan ang mamahaling relo na regalo niya. Kaparehong-kapareho iyon ng relo na suot niya.

“Ano ka ba… Hindi ka na nasanay sa akin. Alam mo naman na kung anong meron ako, gusto ko meron ka rin,” nakangiting pahayag niya.

Naiiling na lang na minasdan nito ang bagong relo.

“Ayoko lang naman na nagagastusan ka sa akin. Kasi wala naman akong pambigay sa’yo ng mga mamahaling bahay na kagaya ng binibigay mo sa akin,” naghihimutok na sabi nito.

Pabiro niyang hinampas ang braso ng kaibigan.

“Ano ka ba naman, hindi mo ako kailangan bigyan ng kahit na ano. Alam mo naman na nag-iisang bagay lang ang hiling ko…”

Kapwa sila natahimik nang masaling ang isang maselan na usapin.

Ang tinutukoy kasi niya ay ang tuluyan nang paggaling ng kaniyang ina.

Marangya ang buhay niya, at kung tutuusin ay kayang-kaya nilang ipagamot ang kaniyang ina sa kahit na saang panig ng mundo.

Subalit paano naman nila iyon gagawin kung wala namang magbibigay ng bagong kidney sa kaniyang ina?

Sa malaking angkan nila, ni isa man ay walang nag-match na kidney para sa kaniyang ina. Isang taon na rin silang naghihintay na may dumating, subalit nananatili silang bigo.

Alam niya na kung tatagal pa ay baka hindi na kayanin ng kaniyang ina.

Narinig niyang napabuntong hininga ang kaibigan.

“Julie, matagal-tagal na rin tayo na naghihintay. Pasasaan ba’t makakahanap din tayo ng magma-match ka Tita. Kaya ‘wag kang mawalan ng pag-asa riyan,” anito, tila pinalalakas ang loob niya.

Malungkot siyang tumango.

“Kung pwede nga lang na ibigay ko ang kidney ko sa nanay mo, ginawa ko na. Alam mo naman na parang nanay ko na rin si Tita Marissa,” biro pa nito.

Totoo ang sinabi ni Ellen. Wala na itong mga magulang kaya naman parang bahagi na rin ito ng pamilya nila. Malapit ito sa kaniyang ina.

Pilit niyang iwinaksi ang kalungkutan at ngumiti sa kaibigan.

“Salamat, Ellen. Sana nga gumaling na si Mama…” halos pabulong na anas niya, na tila umuusal ng panalangin.

Hindi niya inaasahan na tutuparin pala ng kaibigan ang biro nito.

Isang umaga ay nakatanggap na lang siya ng tawag mula sa ospital.

“Kilala niyo po ba si Ellen Basilan? Pangalan niyo po ang nasa emergency contacts niya,” anang lalaki sa kabilang linya.

Agad na kumabog ang dibdib niya. Bago pa siya makasagot ay nagsalita na ang lalaki ng tila madaling-madali.

“Ma’am, naaksidente po ang pasyente. Malubha po ang lagay niya, at kailangan po kayong makausap ng doktor,” anang lalaki.

Taranta siyang sumugod sa ospital. Sa daan ay natawag niya na yata ang lahat ng santo upang ipanalangin ang kaligtasan ng matalik niyang kaibigan.

Ngunit nang dumating ang doktor ay tila pinagsakluban siya ng langit at lupa sa sinabi nito.

“Halos wala nang tiyansa na mabuhay siya. Kausapin mo na ang pasyente, dahil baka ito na ang huli,” direktang sabi ng doktor.

Nanginginig na pumasok siya sa loob ng silid kung saan naroon ang kaibigan niya. May kung ano-anong aparato ang nakakabit sa kaibigan niya, ngunit gising ito ay may malay.

Agad na bumulwak ang luha mula sa kaniyang mga mata.

“Julie…”

Nang marinig niya ang paos na tinig ng kaibigan ay agad siyang lumapit.

“E-ellen…” garalgal ang boses na bulong niya habang mahigpit ang kapit sa kamay ng kaibigang nakaratay.

Nakita niya ang pagtulo ng luha sa gilid na mata ng kaibigan, bagay na dumurog ng puso niya.

“Salamat sa’yo at sa pamilya mo… Nagkaroon ako ng pamilya. Naging masaya ako sa maikli kong sandali sa mundo…” anito sa basag na boses.

Tuluyan na siyang napahagulhol. Tila kasi namamaalam na ang kaibigan.

“Kaya naman masaya ako na ibigay ang huli kong regalo…”

Hinawakan nito ang kamay niya.

“Ang kidney ko… Gusto ko na mapunta ito kay Tita Marissa. Gusto ko na maging makabuluhan ang pag-alis ko sa mundo…”

Marahas siyang umiling. Alam niya kasi na maaari lang ilipat sa kaniyang ina ang kidney ng kaibigan kung papanaw ito. At hindi niya gustong mangyari iyon.

“Ayoko! Magpapagaling ka at lalabas ka ng ospital,” humahagulhol na wika niya sa kaibigan.

Umiling ito.

“Hindi na ako tatagal, Julie. Ituring mo na lang ito na bayad ko sa lahat ng kabutihan na ginawa mo sa akin. Mahal na mahal kita, Julie. Sana sa susunod na buhay natin ay magkaibigan pa rin tayo…” banayad na sabi nito, tila hapong-hapo.

Walang nagawa ang pagpalahaw niya ng iyak nang ilabas na siya ng mga doktor mula sa silid ng kaibigan.

“Kailangan nating irespeto ang nais ng pasyente…” kalmadong payo ng doktor.

Sa huli, tila isang himala ay naging matagumpay ang operasyon ng kaniyang ina. Maganda ang naging pagtanggap ng katawan nito sa bagong kidney.

Labis man ang pighati ni Julie sa pagkawala ng matalik na kaibigan ay malaki ang pasasalamat niya na ang kidney ni Ellen ang napunta sa kaniyang ina.

Dahil kasi doon ay parang kasama pa rin niya ang kaibigan sa presensya ng kaniyang ina.

Advertisement